Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ika-1 ng Oktubre 1999:
Ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino!

 Read this article in English

Sa Oktubre 1, gugunitain ng sambayanang Tsino at lahat ng proletaryong rebolusyonaryo sa buong daigdig, kabilang ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino sa pamumuno ni Kasamang Mao Zedong at ng Partido Komunista ng Tsina.

Gamitin nating pagkakataon ang pagdiriwang na ito upang balikan ang mga aral sa pagsusulong ng dalawang-yugtong rebolusyon sa Tsina; kundenahin at itakwil ang modernong rebisyunismo at ang kasalukuyang monopolyo burukratang kapitalistang rehimen sa Tsina; ilantad ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista; at muling pagtibayin ang nagpapatuloy na kawastuan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at ng sosyalismo.

Nagtagumpay noong 1949 ang demokratikong rebolusyon sa Tsina na pinamunuan ng Partido Komunista ng Tsina. Pinalaya nito ang sang-anim ng mamamayan ng buong daigdig mula sa pagsasamantalang pyudal at paghaharing imperyalista. Nagdulot ito ng napakalaking bigwas sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Nagbigay inspirasyon at tanglaw ito sa mga aping mamamayan sa iba't ibang panig ng mundo na labanan ang kolonyalismo at malakolonyalismo at kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.

Itinatag noong 1949 ang demokratikong gubyernong bayan sa Tsina na nasa ilalim ng pamumuno ng diktadura ng proletaryado. Nilubos ang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng reporma sa lupa at mga patakarang pantransisyon na nagbigay-puwang sa paglahok ng panggitna at maliit na burgesya sa pagpapatatag ng demokratikong republika.

Sa pamamagitan ng pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina, natiyak na ang mga patakarang ito ng demokratikong rebolusyon ay maglalatag ng daan para sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Mula noong katapusan ng dekada '50 hanggang 1976, nagpunyagi ang Partido at ang daan-daang milyong mamamayang Tsino na itatag ang sosyalistang lipunan alinsunod sa mga prinsipyong Marxista-Leninista. Sa panahong ito, natamo ng mamamayang Tsino ang di pa napapantayang mga pagsulong sa larangan ng pulitika, ekonomya, kultura at iba't ibang aspeto ng buhay panlipunan.

Binigo ang samutsaring mga pagtatangka ng mga modernong rebisyunista na ibagsak ang diktadura ng proletaryado, baligtarin ang mga tagumpay ng rebolusyong Tsino at panumbalikin ang kapitalismo. Tinukoy ni Tagapangulong Mao Zedong na ang pangunahing kontradiksyon sa lipunang sosyalista ay ang makauring tunggalian ng uring manggagawa at burgesya. Sa ilalim ng sosyalistang lipunan, nakasisibol muli ang malaking burgesya sa pamamagitan ng di nagpapanibagong-hubog na mga elementong petiburges sa loob ng Partido at estado na nagpapalaganap ng kaisipan at mga patakaran ng makabagong rebisyunismo, na kung di itinakwil at iwinasto ay maaaring tumungo sa burukratismo, pasismo at sa pagbagsak ng proletaryong diktadura.

Kayat upang patuloy na tumatag at sumulong ang sosyalistang rebolusyon, isinaad ni Tagapangulong Mao ang teorya ng pagpapatuloy ng rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado upang gapiin ang modernong rebisyunismo at hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo.

NAPAKAHALAGANG YAKAPIN ANG MGA ARAL SA PAGSUSULONG NG DALAWANG-YUGTONG REBOLUSYON, LALUNA ANG MGA PAMANANG TEORYA NI TAGAPANGULONG MAO SA KANYANG PAGLALAGOM NG SOSYALISTANG REBOLUSYON AT KONSTRUKSYON SA TSINA.

Ang kawastuan ng teoryang ito ay ipinamalas sa praktika ng Dakilang Proletaryong Rebolusyon sa Kultura noong 1966-76 na nagpakilos sa milyun-milyong mamamayan sa isang rebolusyonaryong unos, nagpabagsak sa mga modernong rebisyunistang nasa poder at nagsanggalang sa mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon.

Nang pumanaw si Tagapangulong Mao, nakapanumbalik sa poder ang mga modernong rebisyunista sa pamamagitan ng mga maniobra at direktang paggamit ng kontra-rebolusyonaryong dahas laban sa diktadura ng proletaryado. Agad-agad ay binaligtad ang mga sosyalistang patakaran. Binigyan ang burgesya ng papalaking bahagi sa pulitika at ekonomya, bagay na muling nagbukas sa Tsina sa pagsasamantalang imperyalista. Ang lahat ng ito'y mga kapitalistang patakarang ikinubli sa likod ng karatulang "sosyalista".

Hinog ang mga kundisyon sa Tsina para muling sumiklab ang rebolusyonaryong pakikibaka sa pamumuno ng proletaryado. Dulot ng mga patakaran ng mga modernong rebisyunista, ang Tsina ay bumagsak na sa antas ng isang malakolonya. Ang daan-daang milyong mga manggagawa at magsasaka ay hinahagupit ng mga patakarang nakatuon sa pag-akit ng dayuhang mamumuhunan. Muling nakokonsentra sa kamay ng iilan ang lupa at itinatransporma ang malalawak na lupain sa mga sonang pang-eksport. Ang tinatanggap na sahod ng mga manggagawang Tsino ang pinakamababa sa buong mundo. Daan-daang milyon ang walang hanapbuhay sa kanayunan at kalunsuran. Malalawak na bahagi ng kanayunan ang niyayanig ng mga pag-aalsang magsasaka habang tumitindi ang mga welga at iba pang anyo ng protesta sa mga kalunsuran.

Sa pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng tagumpay ng rebolusyong Tsino, naaangkop na ihambing ang mga pagsulong na dinanas ng Tsina noong 1949-76 sa ilalim ng diktadura ng proletaryado sa kasalukuyang krisis sa ilalim ng paghahari ng mga burukratang kapitalista. Upang maisagawa ito, napakahalagang yakapin ang mga aral sa pagsusulong ng dalawang-yugtong rebolusyon, laluna ang mga pamanang teorya ni Tagapangulong Mao sa kanyang paglalagom ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa Tsina. Ito ang ating sandata upang ilantad ang kasinungalingan ng kontra-rebolusyonaryong propaganda ng mga imperyalista na naglalarawan sa kasalukuyang Tsina bilang isang modernong bansa at sa dating sosyalismo bilang primitibismo.

Lalong pinatatampok ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng labis-labis na paghihikahos ng mga manggagawa at magsasaka bunga nito ang lubos na katumpakan ng pagsulong ng mga rebolusyong demokratiko at sosyalista. Ang tagumpay ng rebolusyong Tsino noong 1949 ay patuloy na nagbibigay-tanglaw sa mga aping mamamayan sa buong daigdig. Mananatili itong sulo sa pagsulong natin kasabay ng panibagong malakihang agos ng mga demokratiko at sosyalistang rebolusyon sa buong mundo.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Puspusang ilantad, labanan at ihiwalay ang reaksyunaryo, papet at pasistang rehimeng US-Estrada

Agosto 20: Natitipong unos laban sa naghaharing pangkating Estrada
Tatalim ang alitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon
Oplan Makabayan:
Pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada

Tugon ng Timog Katagalugan sa Oplan Makabayan:
Taktikal na opensiba, kilusang masa

Ang malupit na hagupit ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng pangisda
Ang 'corporative scheme' ni Danding:
Ibayong pahirap sa mga magsasaka

Usaping "coco levy":
Lutong Danding pa rin

Pag-iral ng mga kartel:
Monopolyo sa industriya ng asukal at iba pang pangunahing tanim

Ika-1 ng Oktubre 1999:
Ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino!
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.