Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pananalanta ng pasistang estado: Labing-isang buwang kalbaryo ng militarisasyon sa kanayunan

 Read this article in English

Malala ang rekord ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa paglabag sa karapatang-tao sa kulang isang taong pagkakapwesto sa Malakanyang. Ayon sa Karapatan, umaabot na ito sa 544 kaso ng paglabag. Kabilang dito ang 137 kaso ng arbitraryong pang-aaresto at detensyon; 38 kataong namatay sa 9 kaso ng masaker; 39 kataong sinalbeyds at 77 kaso ng pagtotortyur. Dulot ito ng walang habas na pananalasa ng mga elemento ng AFP at PNP sa mga mamamayan sa pagpapatupad ng Oplan Makabayan/Oplan Balangai.

Ang Basilan at Southern Tagalog, partikular ang isla ng Mindoro ang dumanas ng malalaking konsentrasyon ng operasyong militar at pinakamatinding pananalanta ng pasismo ng estado nitong taon. Nagdulot ang mga ito ng kabi-kabilang pagpapahirap sa mga sibilyang napagbibintangan at nadadamay sa mga abuso ng mga nananalantang pwersang militar.

Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga pinakahuling paglabag ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa karapatang-tao:

Disyembre 15. Sinampahan ng gawa-gawang kaso sina Felix Robregado, Gerard Mendoza at Iner Bulusan kaakibat ng pagkapatay kay dating Cagayan Rep. Rodolfo Aguinaldo. Arbitraryong kinasuhan si Felix Robregado dahil nakuha daw ng mga pasista ang kanyang ID sa malapit sa pinangyarihan ng pagpaparusa kay Aguinaldo. Sa katunayan, ilang taon nang pinagbibintangan ng mga militar si Robregado sa maraming kaso. Samantala, dinukot sina Mendoza at Bulusan, mga inosenteng sibilyan, bilang mga suspek, sa kabila ng pag-ako noon pa man ng BHB na ito ang nagpataw ng parusang kamatayan kay Aguinaldo.

Disyembre 8. Sa Antipolo City, sinalbeyds ng Task Force Panther sa ilalim ni Col. Laureano Tolentino si Nicanor de los Santos, isang lider ng mga Dumagat. Si delos Santos, pangkalahatang kalihim ng Makabayang Samahan ng mga Katutubong Dumagat, ay pinalabas na kumander ng BHB na namatay sa pakikipaglaban sa naturang Task Force. Subalit ayon sa mga kasamahan niya, naghahanda silang magmartsa patungo sa Manila Hotel kung saan isasagawa ang "Economic Summit" na ipinatawag ni Macapagal-Arroyo nang sumalakay ang mga sundalo. Ang Task Force Tanggol Karapatan ay humihingi ng katarungan sa pagkamatay ni De los Santos. Ayon sa kanila, pinagbawalan din ng mga militar na sumama sa martsa ang walong bus na puno ng mga magsasaka.

Disyembre 7. Si Melchor delos Santos, 27, isang "rebel returnee", ama niyang si Dominador, 49 at kapatid niyang si Falcon, 21 ay pinatay dahil pinagsuspetsahan ng militar na kasangkot sa panununog ng mga cell site noong Nobyembre sa Tarlac at pagkamatay ng dalawang pulis.

Nobyembre. Umabot na sa humigit-kumulang 12,522 pamilya o 59,407 mamamayan ang sapilitang napalikas ng pagtugis ng mga tropa ng rehimen sa mga pwersa ng MNLF na nag-alsa sa Zamboanga.

Huling linggo ng Oktubre hanggang huling linggo ng Nobyembre. Isang buwang naghasik ng lagim ang mga tropa ng 38th, 39th at 49th IB ng Philippine Army sa mga barangay ng Bakung, Batang, Guangan, Caridad, Lampanag at Bituin, lahat sa Tulunan, North Cotabato. Sa kabila ng kasunduan sa pagitan ng militar at ng mga residente na gawing sona ng kapayapaan ang mga naturang barangay, naliligalig ang mamamayan dito dahil labas-masok ang mga sundalo sa katwirang pugad ito ng BHB. Sa kabila rin ng tahasang pakiusap ng mga residente na umalis na ang mga sundalo, patuloy pa rin ang mga ito sa panghihimasok sa barangay, at nangingikil pa ng donasyon sa mga residente. Sinumang hindi makipagtulungan sa kanila'y inaakusahang komunista o tagasuporta ng BHB.

Nobyembre-Disyembre. Nagkampo ang may 500 sundalo ng 36th at 24th IB sa San Luis, Agusan del Sur upang protektahan ang pag-uumpisa ng $25 milyon IFMA na pinondohan ng Asian Development Bank. Sa rasong sila ay kasali sa Military - Barangay Social Development work, ang mga sundalo ay nangingikil ng pagkain at nakikialam sa takbo ng barangay. Lagi rin nilang hinihingi ang sensus ng barangay.

Tinutulan ng mga upisyal ng barangay ang paggamit ng mga sundalo sa barangay center bilang kampo at nagpetisyon para paalisin sila sa lugar.

Isang Cesar Mantindahan ng Balit ang sinabihan ng mga sundalo na kumbinsihin ang lahat ng residente ng barangay na sumuko sapagkat mga myembro umano sila ng BHB. Pinagbintangang mga komunista ang mga datung Banwaon, mga tradisyunal na lider sa mga bayang sasakupin ng 110,000 ektaryang proyektong IFMA. Ang mga militar ay walang respeto sa mga paniniwala ng mga katutubo at inakusahan din nila ang mga madreng nakatira sa naturang lugar sa pagiging myembro ng BHB.

Kalagitnaan ng Oktubre. Mahigit isang linggong niligalig ng mga sundalong kabilang sa 402nd Brigade ang mamamayan ng bayan ng San Luis, Agusan del Sur, habang tinutugis ang mga nangreyd na BHB sa istasyon ng pulis noong Oktubre 8. Tinirahan nila ang mga bahay ng mga sibilyan. Hinalughog din nila ang dormitoryo ng mga batang mag-aaral sa Urios Extension School.g

Oktubre. Bunga ng pinakamalaking operasyong militar sa Isabela at iba pang bahagi ng Cagayan Valley mula pa noong 1995, tumindi ang mga paglabag sa karapatang-tao. Nagsimula ang pinagsanib na operasyon noong Oktubre 8 sa San Guillermo, Jones, Echague, San Agustin ng Isabela. Tinortyur ang walong magsasaka at hinaras ang labimpitong pamilya. Ninakaw ng mga nag-ooperasyong pwersa ng 41st, 45th, 54th, 48th IB ang mga alagang hayop ng masa at sinira ang mga pananim.

Oktubre 31. Sinunog ng mga tropa ng 45th IB ang bahay ni Gng. Romy Lemos sa barangay Santiago, Quirino, Isabela.

Oktubre 8. Minasaker ng mga elemento ng 54th IB mula sa Digdig, Carranglan, Nueva Ecija sina Jay-ar Albendia, Marvin Cusep, Leo Gallardo, Gertrude Curamen at Jose Martin - pawang mga mangingisda ng Sityo Tuli, Barangay Conversion, Pantabangan, Nueva Ecija. Napag-initan ng 54th IB ang mga ito nang madatnan sa ilog malapit sa pinangyarihan ng ambus na ikidnamatay ng isang upisyal na si Capt. Rogelio Eligino at ikinasugat ng apat pang sundalo sa kanila mismong operasyon (tingnan ang AB Oktubre 2001). Brutal na tinortyur ang lahat ng biktima na puro may tama ng bala sa harap. Dinukot ang mata, pinutol ang daliri, sinaksak ang leeg at may taga sa ulo si Curamen. Bali ang kamay at hita at may malaking taga sa leeg si Cusep. Si Martin ay may tama sa parehong mata, na nagwasak sa kanyang bungo. Hubad ang kanilang mga bangkay nang matagpuan ng mga kamag-anak.

Oktubre 11. Pinugutan ng ulo si Budbud Osting, 65 taon na Mangyan, ng mga CAFGU sa Mansalay, Mindoro Oriental.

Sa ngayon, maraming pamilya ng mga Mangyan ang napilitang magsilikas sa mga lugar nila. May 15 pamilya na napadpad sa Maynila na nagpapagamot ng mga sugat dulot ng pagkakabaril at pambubugbog sa kanila. Nanawagan sila kay Macapagal-Arroyo na alisin ang mga militar sa kanilang lugar upang sila'y makabalik doon at makapamuhay nang tahimik.

Oktubre 8. Dalawang lider ng komunidad sa Mansalay, Mindoro Oriental na sina Barangay Captain Roger Fernando at Rolando Cabagay, ang pinatay ng mga tropa ng 16th Bde at CAFGU sa harap ng pamilya nila.

Oktubre 5. Pinaputukan ng mga CAFGU at sundalo ng 204th Bde ang bahay ng mag-asawang Bernard at Belly Montoya sa Mansalay, Mindoro Oriental kung saan tinamaan at nadurog ang isang paa ni Belly at nasugatan sa braso si Bernard.

Setyembre 22. Dalawang lider ng isang organisasyon ng mga magsasaka sa Mansalay, Mindoro Oriental ang dinukot ng mga militar at CAFGU at hanggang sa ngayon ay nawawala.

Ikatlong linggo ng Setyembre. Hinaras si Grechen Valdez at ilan pang estudyante ng La Sallete University, Cagayan State University at ilan pang kolehiyo sa Isabela at Cagayan, pagkatapos ng rali noong Setyembre 21. Dinukot at tinakot si Pastor Joseph Agpaoa, taong-simbahan na sumama sa nasabing rali. Binalaan sila ng militar na huwag nang sumama sa gayong mga aktibidad.

 


Previous articleBack to topNext article

Disyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Isang taon ng pagpapahirap at pagmamalupit sa mamamayan
National Socio-Economic Summit: Higit pang pasismo at pagtatali ng Pilipinas sa neokolonyalismo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Special Purpose Assets Vehicle: Pagsagad sa neokolonyal na katayuan ng Pilipinas [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Pambansang badyet para sa 2002: Pondo para sa pasismo at pagpapakatuta [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Krisis sa ekonomya: Ilang mahahalagang datos [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Ang salamangka sa datos sa disempleyo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Resesyon sa US, Japan at Germany: Krisis sa mga sentro ng kapitalismo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Danding Cojuangco namamayagpag pa rin: Nakapamamayagpag pa rin si Danding sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Kasunduang SMC-Kirin: Maniobra para konsolidahin ang kontrol ni Danding sa SMC
Pinakamalaki sa kasaysayan ng papet na republika: Danding, nangangamkam ng lupa sa Isabela
Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyong agraryo, umaani ng tagumpay sa Isabela
Mga Ulat Koresponsal: Ka Haren at Ka Baste: Rebolusyonaryong kagitingan sa harap ng kaaway
Mga Ulat Koresponsal: Paglilinaw hinggil sa kalagayan ng mga bihag ng digma sa Dulong Timog Mindanao
Pananalanta ng pasistang estado: Labing-isang buwang kalbaryo ng militarisasyon sa kanayunan
Sa suporta ng imperyalismong US: Pinaiigting ang pananalakay ng Israel sa mamamayang Palestino
Bunsod ng napakalubhang krisis: Pag-aalsa, sumiklab sa Argentina
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.