Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ipagbunyi ang Sumusulong na mga Rebolusyonaryong Pwersa at ang Pagdaluyong ng Kilusang Masa

 Read this article in English

Mensahe sa ika-33 na anibersaryo sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas Ni Armando Liwanag Tagapangulo, Komite Sentral Partido Komunista ng Pilipinas

Lubos ang kagalakan nating ipinag-diriwang sa Disyembre 26, 2001 ang masaganang ani ng mga tagumpay na ating natamo sa paggunita natin sa ika-33 anibersaryo ng muling pagtatatag ng ating Partido sa teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ipinagbubunyi natin ang sumusulong na mga rebolusyonaryong pwersa at ang pagdaluyong ng kilusang masa.

Bilang tagapangulo ng Komite Sentral, nais kong ipaabot ang pinakamainit na pagpupugay sa lahat ng mga organo at yunit ng Partido, lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido at lahat ng mamamayan sa lahat ng kanilang mga pakikibaka at tagumpay sa pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismong US at mga mapagsamantalang uring malaking kumprador at panginoong maylupa.

Utang natin ang ating mga tagumpay sa wastong mga prinsipyo at linya ng Partido sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon at sa walang sawa nating pagsisikap na ipatupad ang mga ito nang may buong tatag at sigasig. Nagpunyagi tayo at hindi natakot sa sakripisyo ni sa kamatayan sa ating pakikibaka sa kaaway.

Nagtamo tayo ng mga makabuluhang pagsulong sa pagtatayo ng Partido bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa, ng Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing instrumento sa pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika at ng nagkakaisang prente bilang paraan sa pagpapakilos sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan sa rebolusyonaryong adhikain.


1. Ang sumusulong na mga Rebolusyonaryong Pwersa at Kilusang Masa

Sampung taon na ang nakararaan, ang mga oportunista at taksil ay nagbuo ng mga paksyon at nagsikap na wasakin ang Partido mula sa loob. Sumanib ang mga insureksyunistang lunsod at militarista sa mga datihan nang repormista at pumailalim sa sarisaring impluwensya tulad ng Gorbachovismo, Trotskyismo at imperyalistang neoliberalismo. Bigo sila sa tangkang pagtakpan ang kanilang malalalang kamalian at krimen noong dekada 1980 hanggang 1991 at nilabanan nila ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Simula noon, lubusan nang nagpakasira ang mga taksil. Nagkawatak-watak, kundi man lalo pang nagliitan ang kanilang maliliit na grupo. Lumitaw na sila bilang mga espesyal na ahente ng kaaway laban sa masiglang lumalagong mga rebolusyonaryong pwersa at kilusang masa. Ang pinakamasasahol sa mga taksil ay hayagang naging mga bayaran at nanghihimod sa mga rehimeng Ramos at Estrada.

Salamat sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, muli nating napagtibay ang linyang pang-ideolohiya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo laban sa modernong rebisyunismo, empirisismo at dogmatismo, ang linyang pampulitika ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa "Kaliwa" at Kanang oportunismo at ang linyang pang-organisasyon ng demokratikong sentralismo laban sa ultra-demokrasya at burukratismo.

Tuluy-tuloy tayong nakapag-eduka at nakapagsanay ng libu-libong proletaryong rebolusyonaryong mandirigma sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Natutunan ng mga kadre at kasapi ng ating Partido ang paglalapat ng syentipikong teorya ng uring manggagawa sa mga kongkretong kundisyon ng rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng kolektibong pag-aaral at mga pakikibakang masa.

Napukaw, naorganisa at napakilos natin ang milyun-milyong mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagpupunyagi sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Napaunlad natin ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka at napaunlad rin natin ang iba pang anyo ng pakikibaka sa larangang ligal.

Sa absolutong pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay kumikilos sa mahigit 100 larangang gerilya. Ang mga larangang gerilyang ito ay tuluy-tuloy na pinalalawak at kinokonsolida ng mga kadre at kasapi ng ating Partido, mga Pulang mandirigma at mga aktibistang masa. Sa bawat larangang gerilya, minamantine natin ang wastong balanse sa pagitan ng sentro de grabidad at iba pang mas nakakalat na mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan.

Lumalakas ang hukbong bayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Nag-iipon tayo ng armas sa pamamagitan ng pag-agaw ng mga ito sa mga batayang operasyong opensibo (mga ambus, reyd at pag-aresto) laban sa mga pwersang militar, pulis at paramilitar ng kaaway. Naglulunsad rin tayo ng mga espesyal na operasyon upang parusahan ang pinakamasasamang elemento sa mga pwersa ng kaaway at bigyan ng katarungan ang kanilang mga biktima.

Sa kombat, buong tapang nating nilalabanan ang kaaway, ngunit matapos maglaho ang putok at usok ng labanan, maluwag nating tinatrato ang ating mga bihag at kagyat na binibigyan ng atensyong medikal ang mga sugatan. Tumatalima tayo sa Geneva Conventions at mga protokol nito at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) ng GRP at NDFP.

Itinatayo ang baseng masa sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga demokratikong organo ng kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, bata at aktibistang pang-kultura at mga working committee (mas kilala bilang subkomite) na katulong ng pang-kalahatang komite sa pang-gugubyerno at sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga kampanya para sa edukasyong masa, reporma sa lupa, pagpapaunlad ng produksyon, pagtatanggol-sa-sarili at pagsasanay ng milisya, kalusugan at kalinisan at iba pa.

Isinakatuparan natin ang patakaran ng pakikipag-kakaisang prente upang maabot at mapakilos ang pinakamalaking posibleng bilang ng masa. Patuloy nating itinatayo ang pambansang nagkakaisang prente laban sa imperyalismong US at sa mga lokal na reaksyunaryo, gayundin ang nagkakaisang prenteng antipyudal upang tiyakin ang suportang magsasaka at makamit ang demokratikong nilalaman ng rebolusyon.

Nitong nakaraang taon, nagkamit tayo ng dramatikong tagumpay sa pagbabagsak ng naghaharing pangkating US-Estrada sa pamamagitan ng mga taktika ng malawak na nagkakaisang prente. Kaugnay nito, malinaw nating naisulong ang linya na ang alinmang naghaharing pangkatin ay maaaring maibagsak ng Partido at ng masa sa pamamagitan ng ligal na pakikibaka alinsunod sa linya ng malawak na nagkakaisang prente at kung gayo�y makapag-iipon tayo ng lakas at karanasan hanggang maaari nang ibagsak ang buong naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Upang maibagsak ang buong naghaharing sistema, kailangan nating itayo ang hukbong bayan, magpunyaging durugin ang reaksyunaryong hukbo at wasakin kapwa ang makinaryang militar at burukratiko ng kontra-rebolusyonaryong estado. Hindi natin makakamit ang rebolusyong pampulitika at panlipunan kung hindi ibabagsak ang reaksyunaryong estado.

Sa pakikipag-negosasyong pangkapayapaan nito sa National Democratic Front (NDFP), minimum na layunin ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na lituhin at demoralisahin ang hanay ng mga rebolusyonaryo at ang masa, at sa maksimum, pasukuin at patahimikin ang mga rebolusyonaryong pwersa.

Ngunit matagumpay na nabigo ng NDFP ang mga kontra-rebolusyonaryong layunin ng GRP. Inililinaw nito sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan na hindi maaaring magkaroon ng maka-tarungan at matagalang kapayapaan kung hindi bibigyang pansin ang mga ugat ng gera sibil, at na ang negosasyon ay isa lamang sa mga ligal na anyo ng pakikibaka at di kasinghalaga ng mga ligal na pakikibakang masa kaugnay ng mga batayang isyu.

Samantala, nagkamit ng mga puntos ang NDFP para sa internasyunal na pagkilala sa demokratikong gubyernong bayan. Matagumpay nitong naobliga ang GRP na lumagda rin sa CARHRIHL. Batay sa kasunduang ito, maaaring habulin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga lumalabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas at singilin ang GRP sa mga paglabag.

Ang NDFP ay handang kumalas sa pakikipag-negosasyong pangkapayapaan sa GRP kung ayaw ng huli na buuin ang Joint Monitoring Committee para tiyakin ang implementasyon ng CARHRIHL at makipagsalubungan sa isang komprehensibong kasun-duan sa mga repormang sosyo-ekonomiko na katanggaptanggap sa magkabilang panig bago harapin ang usapin ng mga repormang pampulitika at konstitusyunal. Tiyak na tututulan ng NDFP ang anumang iskema ng GRP na pagtakpan ang mga ugat ng gera sibil at maniobrahin ang NDFP tungo sa pusisyon ng kapitulasyon.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa at ang mamamayan ay may mahaba at mayamang karanasan sa digmang bayan. Lumakas sila at sumulong gaano pa man kalaki ang tulong na naibibigay ng imperyalismong US sa mga lokal na reaksyunaryo. Hindi sila matatakot sa anumang banta ng panghihimasok o pananalakay ng US sa ngalan ng anti-terorismo. Nakahanda silang harapin ang kaaway sa anumang tipo ng digmang nais nitong ilunsad.

Habang wastong nagkokonsentra sa rebolusyon sa sariling bansa, laging nagsisikap ang Partido na gawin ang abot ng makakaya upang tupdin ang mga tungkulin nito alinsunod sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, gayundin sa prinsipyo ng malawak na pagkakaisang anti-imperyalista sa internasyunal na nagkakaisang prente.

Makabuluhang nakapag-ambag ang Partido sa mga Marxista-Leninistang kumperensya at seminar para sa paglilinaw ng Marxista-Leninistang paninindigan laban sa imperyalismo, rebisyunismo at pasismo upang itaas ang antas ng pag-uunawaan at kooperasyon ng mga partido komunista at mga partido ng manggagawa.

Makabuluhan din itong nakapag-ambag sa paglilinaw ng anti-imperyalistang paninindigan laban sa neoliberal na globalisasyon at mga digmang agresyon at kaugnay nito�y sumuporta sa malalapad na anti-imperyalistang pormasyon at pagkilos sa pandaigdigang saklaw. Hinikayat nito ang mga organisasyon ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa na lumahok sa mga anti-imperyalistang kampanya ukol sa anumang panlipunang usapin.


2. Mga pandaigdigang kundisyong paborable sa rebolusyon

Sampung taon na ang nagdaan, ipinagdiwang ng mga imperyalista at ng mga alipures nito ang kaguluhan sa China, ang pagbagsak ng mga rebisyunistang rehimen sa Eastern Europe at ang pagkawasak ng Soviet Union noong 1989-1991. Idineklara nilang ang kasaysayan ay hindi na lalampas sa kapitalismo at liberal na demokrasya, at ipinagbunyi ang katayuan ng US bilang nag-iisang superpower na nangunguna sa globalisasyon ng "malayang pamilihan" at bilang numero unong pulis ng "bagong kaayusang pandaigdig".

Mula noon, ang patuloy na lumalalang krisis sa ekonomya ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang mga digmang agresyong pinamumunuan ng US ay nagsilbing napakapaborableng kundisyon para sa pagpapanibagong-lakas ng mga kilusang anti-imperyalista at sosyalista. Ang pagbabago ng diin ng patakaran sa ekonomya mula Keynesianismo tungong neoliberalismo ay nagpapalala at nagpapalalim lamang sa pang-ekonomyang istagnasyon at sa krisis ng imperyalismo at gumagatong sa agresibong katangian ng imperyalismo, kahit nagwakas na ang Cold War nang magkawatak-watak ang Soviet Union.

Pinabilis ng neoliberal o "malayang pamilihan" na globalisasyon ang krisis ng sobrang produksyon ng lahat ng klase ng kalakal at ang proseso ng akumulasyon at konsentrasyon ng kapital sa kamay ng monopolyong burgesya sa United States, Japan at European Union. Nagresulta ito sa pagkawasak ng mga ekonomya sa ikatlong daigdig at sa mga bansa sa dating blokeng Soviet.

Mula sa mga hilaw na materyales, malamanupaktura at saligang produktong industriyal, umabot na ngayon ang krisis ng sobrang produksyon sa mga high-tech na produktong elektronik. Kaya�t mismong ang US ay sumusuray ngayon dulot ng sobrang produksyon ng mga produktong high-tech at pagputok ng bula ng pinansyang high-tech. Nanganganib ito ngayong humantong sa matagalang pagdausdos katulad ng sa Japan, na mahigit isang dekada nang umiiral.

Ang krisis ng sobrang produksyon ang tuntungan ng pampinansyang krisis na sumasaklot ngayon sa iba�t ibang tipo ng ekonomya sa mundo. Ang mga bansa sa ikatlong daigdig at sa dating blokeng Soviet ang lumilikha ng sobrang hilaw na materyales, malamanupaktura at ilang saligang produktong industriyal kaya�t mas maliit ang kanilang kinikita mula sa eksport, at dumaranas sila ng mas malalaking depisit at papabigat na pasaning utang.

Gayunman, ang krisis sa pang-ekonomyang kalibliban ng imperyalismo ay bumubwelta rin sa sentro ng imperyalismo. Sa katunayan, ang pandaigdigang ekonomyang kapitalista ay nasa depresyon na mula pa noong dekada 1980 kung lubusang isasama sa kwenta ang lugmok na kalagayang pang-ekonomya sa mga bansa sa ikatlong daigdig at sa blo-keng Soviet. Sa kahuli-hulihan, ang mga pandaigdigang sentro ng kapitalismo ay matinding tinatamaan ng mga depisit, pagliit ng pamilihan at kabiguang magbayad ng mga bansang may utang.

Deka-dekadang itinataguyod ng US ang produksyon ng mga high-tech na kagamitang militar at ang konsumerismo at, tulad ng ikatlong daigdig, ay pinupunan ang mga depisit nito sa kalakalan sa pamamagitan ng utang na pondo sa anyo ng US securities (sertipikong panagot) na sapi at bonong na binili ng Japan at Europe. Subalit dulot ng bumabang tantos ng interes at bumagsak na mga tubo, nagiging bulnerable ngayon ang US sa masamang epekto ng walang rendang baratilyong pagbebenta ng mamumuhunang Hapones at Europeo sa mga hawak nilang securities ng US.

Ang iskema ni Bush na itaas ang produksyong militar upang pasiglahin ang ekonomya ng US ay nagbabadya ng panganib sa mamamayan ng daigdig. Inilalatag nito ang kalagayan para sa higit pang digmang agresyon ng US at iba pang anyo ng adbenturismong militar. Sa nakaraang sampung taon, naglunsad ang US ng tatlong digmang pananalakay: sa Iraq, Balkans at Afghanistan.

Isinasangkalan ng rehimeng Bush ang mga atake sa kambal na gusali ng World Trade Center at sa Pentagon noong Setyembre 11 para sa tinatawag nitong pandaigdigang pag-atake laban sa terorismo. Lumilikha ito ng isterya upang itulak ang produksyong militar, mga digmang agresyon at pagsupil sa mga demokratikong karapatan kapwa sa US at ibang bansa.

Isang kabalintunaan na ang imperyalismong US, na siyang pinakamalaking teroristang kapangyarihan sa kasaysayan ng sangkatauhan, ay nagpapanggap bilang pangunahing tagapagtanggol laban sa terorismo. Gumagawa na ito ng mga hakbangin para supilin ang sariling mamamayan, engganyuhin ang mga papet na rehimen sa ibang bansa na maghari sa pamamagitan ng tahasang teror at magtulak ng mga digmamg agresyon laban sa mamamayang nagrerebolusyon, mga bansang nakikibaka para sa paglaya at mga bayang naggigiit ng kanilang pambansang kasarinlan.

Sa ngayon, tila nakakikilos pa ang US nang nagsasarili o nakapamumuno sa mga alyansang militar upang maglunsad ng mga digmang agresyon. Ngunit matapos ang bawat matagumpay na pananalakay, tinatangay ng US ang pinakamalaking bahagi ng pakinabang sa digma at sa isang banda�y naaapakan ang iba nitong kaalyadong imperyalista at papet. Sa kalaunan, magkakaroon ng alitan sa pagitan ng US at mga imperyalistang kaalyado nito.

Sa kasalukuyan, ang sabayang pagkabangkarote ng neoliberal na globalisasyon at pagkaagresibo ng imperyalismong US ay nag-uudyok sa malawak na masa ng sambayanan sa buong mundo na maglunsad ng rebolusyonaryong paglaban. Malaganap ang popular na galit sa mga pormasyong kontrolado ng US tulad ng Group of 8, OECD, IMF, World Bank, WTO, NATO at ang alyansang panseguridad ng US at Japan.

Sa mga bansang imperyalista, ang mamamayan ay bumabangon sa mga protestang masa laban sa neoliberal na globalisasyon, disempleyo, rasismo, pasismo, mga digmang agresyon at iba pang anti-mamamayang phenomena (signipikanteng kairalan). Sa iba pang panig ng mundo, ang mamamayan ay naglulunsad ng iba pang anyo ng protesta at mga paglaban. Sa iba�t ibang kontinente, naririyan ang mga binhi para lumaganap ang armadong rebolusyon.

Sa takbo ng panahon, apat na mayor na kontradiksyon ang titindi sa kasalukuyang dekada. Ang mga ito ay ang kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at ng mga aping mamamayan at bansa, sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan, sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan at yaong sa pagitan ng monopolyong burgesya at proletaryado sa mga imperyalistang bansa.

Ang pagsidhi ng alinman sa mga kontra-diksyong ito ay magpapasidhi rin sa ibang mga kontradiksyon. Sa gayong kalagayan, mapagpasya para sa mga suhetibong pwersa ng rebolusyon sa iba�t ibang bansa na magpalakas, paunlarin ang kanilang gawaing masa at maglunsad ng mga pakikibakang masa para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.


3. Ang bulnerabilidad ng naghaharing sistema at bawat naghaharing pangkatin

Sampung taon ang nagdaan, pinalaganap ng lahat ng reaksyunaryong pulitiko ng malalaking kumprador at panginoong maylupa ang ipinangalandakan ng US na umano�y tagumpay ng monopolyo kapitalismo laban sa mga hinihinging pambansang paglaya at sosyalismo. Hinangad nila ang mga pakinabang ng globalisasyon ng "malayang pamilihan", kung saan ang rehiyong Asia-Pacific ang takdang lugar ng kaunlaran sa walang taning na haba ng panahon.

Mula noon, lalong lumala at lumalim ang mga kundisyong malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Ang paglabag sa pambansang kasarinlan at pagsusubasta sa pambansang patrimonya ay humantong lamang sa higit na pagkaatrasado ng bansa, karukhaan ng mamamayan, malalang diskuntentong panlipunan, masidhing mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo at matinding rebolusyonaryong armadong paglaban ng mamamayang Pilipino at Bangsamoro. Ang buong naghaharing sistema (gayundin ang bawat naghaharing pangkat ng mga reaksyunaryo) ay bulnerable sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Sa ilalim ng rehimeng Ramos, mabilis na pumasok ang bansa sa malamanupakturang nakasalalay sa import at may maliit na dagdag-na-halaga (mga pyesang elektroniko, damit, sapatos, laruan at katulad nito), at sa pribadong konstruksyon na sinusuhayan ng malaking halaga ng mga pribadong pautang na nagagawang pampubliko. Ang krisis ng sobrang produksyon ng mga malamanupaktura at pribadong konstruksyon na may sobra-sobrang utang panlabas ay nagwasak sa mga ekonomya sa Southeast Asia noong 1997.

Lumubog ang rehimeng Estrada sa krisis sosyo-ekonomiko na una nang sumidhi sa ilalim ng rehimeng Ramos at hindi na muling nakaahon dahil mismo sa pagiging sobrang sunud-sunuran din sa US. Itinulak nito ang ratipikasyon ng Senado sa Visiting Forces Agreement at ang pag-aalis ng mga pambansang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan.

Walang naitulong ang US at ibang mga imperyalista upang iahon ang ekonomya mula sa krisis. Sa halip, itinulak ng IMF ang rehimeng Estrada na sumingil ng karagdagang buwis at bawasan ang paggastos nang labis sa kita ng isang papaliit na ekonomya. Upang magpakabusog sa burukrata-kapitalistang korapsyon, nauwi ang rehimen sa pangungulekta ng suhol mula sa mga opereytor ng hweteng at mga nagtutulak ng droga at sa pagpapakana ng mga iskema para sa pagreyd sa mga pondong pampensyon ng mga empleyadong pribado at pampubliko na nakalagak sa GSIS at SSS.

Madaling natanggal si Estrada sa poder dahil sa kanyang maliwanag na katangahan, labis na arogansya at garapal na korapsyon. Subalit gaano man karikit o kakinis ng mga gawi ng sumunod kay Estrada, ngayon pa lamang ay lumalabas na si Gng. Macapagal-Arroyo bilang patron ng korapsyon.

Nasusukol ang rehimeng Macapagal-Arroyo ng sarili nitong pagsamba sa globalisasyon ng "malayang pamilihang", na nagbabawas ng upisyal na utang panlabas at pumapabor sa pandarambong ng mga empresang multinasyunal at bangkong pribado. Bunsod ng pagkawasak ng ekonomya dulot ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon, masyado nang kumitid ang puwang para sa pagbibigayan ng mga reaksyunaryong pulitiko sa pangungurakot kung kaya�t madali nang nalalantad ang mga kaso ng korapsyon.

Wasak ang ekonomya, subalit inoobliga ng IMF ang naghaharing pangkat na maningil ng karagdagang buwis, bawasan ang anumang tipo ng mga panlipunang gastusin at bigyang-prayoridad ang pagbabayad ng utang panlabas at pagpopondo sa militar at pulis. Sa gayong mga sirkunstansya, madaling mahihiwalay at masisiraan ang kasalukuyang naghaharing pangkatin tulad ng sinundan nito.

Ang mga hilaw na materyales at malamanupaktaura, mga tipo ng produktong inieeksport ng Pilipinas ay tinamaan ng pandaigdigang krisis ng sobrang produksyon. Maraming iniimport ang bansa na mga produktong manupaktura at kahit mga produktong pagkain. Kaya�t walang tigil ang paglaki ng depisit sa kalakalang panlabas at paglobo ng utang panlabas. Ang pandaigdigang resesyon ay nagpapaliit din ng pangangailangan para sa overseas contract workers (OCW) at, sa gayon, ng kanilang sahod na naireremit sa Pilipinas.

Lalong nagiging kapansin-pansing mapag-aksaya at baligho ang badyet ng reaksyunaryong gubyerno. Taun-taon lumalawak ang depisit sa badyet bunsod ng lumalaking pambayad-utang (46 porsyento ng badyet), ng napakalaking alokasyon sa militar, pulis at pondong pang-intelligence (mahigit 14 porsyento) at korapsyon sa paggamit ng pork barrel at sa mga kontrata sa suplay na pinapasok ng lahat ng upisina ng gubyerno.

Hindi iniibsan ng rehimeng Macapagal-Arroyo, bagkus ay pinalalala pa nito ang pagdurusa ng malawak na masa ng sambayanan. Dulot ng malawakang disempleyo, pagpapako sa sahod at pagliit ng kita, pagtataas ng presyo ng mga saligang bilihin, pagpapabigat ng pasaning buwis at pagsama ng mga serbisyong panlipunan at imprastruktura, nagiging higit na miserable at di matiis ang buhay ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis at mababang saray ng panggitnang uri.

Tinutuya ng rehimen ang paghingi ng mga manggagawa at kawani ng pamahalaan ng karagdagang sahod at sweldo at ang paggigiit ng mga magsasakang walang lupa ng tunay at lubusang reporma sa lupa. Namumuo ang batayan para sa pagtatanggal kay Macapagal-Arroyo sa poder o pagbigo sa kanyang planong elektoral para sa 2004.

Higit na nagiging target ng galit ng mamamayan ang rehimen dahil sa pagkatuta nito sa imperyalistang interes, kawalang-kakayahan at korapsyon. Nagiging lalong magulo at mabuway ang pagkakaisa ng naghaharing koalisyon dahil inaasahan ng mga pangunahin at sekundaryong alyado ng presidente na lalo siyang mawawalan ng kredibilidad at di makatatakbo sa pagkapresidente sa 2004 at ngayon pa lamang ay nagbabaka-sakali na ng mga panibagong paghahanay bago ang 2004.

Bulnerable ang rehimen sa pagtindi ng mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryong partidong pampulitika at paksyon. Muling makagaganap ng napakahalagang papel ang mga ang mga ligal na pwersang progresibo sa paghahanay ng isang malawak na nagkakaisang prente laban sa naghaharing pangkatin.

Nagpapatuloy na batbat ng korapsyon ang militar at pulis. Nagkukutsabahan at nagkukumpitensyahan ang mga upisyal sa pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng mga kontrata sa suplay at sa pagpapatakbo ng mga sindikatong kriminal na nagsasagawa ng kidnapping for ransom, pagtutulak ng droga, ismagling ng mga produkto papasok at palabas ng bansa at iba pa.

Lumilitaw ang pagiging mapanuyo ni Macapagal-Arroyo sa militar sa pamamagitan ng paulit-ulit na paglalangis sa kanila, pagpapaunlak sa kanilang mga kahilingan para sa higit pang pondo at paglalagay ng negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP sa kamay ni Gen. Angelo Reyes na sikretong inihahanda ng US bilang kahalili niya. Nahahalata ang gayong pagkalampa ni Macapagal-Arroyo kahit pa paminsan-minsa�y pumoporma siya bilang mabagsik na punong-kumander sa pamamagitan ng paglalabas ng mga palaban na pahayag at paggaya kay Bush sa pagtutulak ng sinasabing linyang anti-terorista.

Kung tutuusin ay hawak siya sa leeg ni Gen. Angelo Reyes at iba pang katu-lad na militarista na nagtulak din kay Estrada sa pagbubuo ng patakarang todo-digma laban sa mamamayang Pilipino at Bangsamoro. Inilagay siya ng mga ito sa kalagayan ng pagkunsinte at pag-engganyo ng mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas at pagsuko sa mga militarista ng dapat sana�y inisyatiba niya sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

Maaaring umusbong ang isang malawak na ligal na nagkakaisang prente upang ihiwalay at patalsikin ang kasalukuyang naghaharing pangkatin o kaya�y pahinain man lamang ito at alisan ng kakayahang manalo sa reaksyunaryong eleksyon ng 2004. Kasabay nito, maaaring ikoordina ang armadong paglaban ng mamamayang Pilipino at Bangsamoro sa isang malawak na nagkakaisang prente upang lalong pahinain ang mismong pundasyon ng reaksyunaryong estado.

Tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas na pamunuan at itayo ang Bagong Hukbong Bayan para sa ultimong layunin ng rebolusyong ibagsak ang reaksyunaryong estado at magpaunlad ng iba�t ibang anyo ng nagkakaisang prente para mapakilos ang pinakamalawak na hanay ng mga pwersa at magpaunlad ng pinakamalaking bilang ng mamamayan laban sa kaaway upang maisulong ang bagong-demokratikong rebolusyon.


4. Palakasin at patalasin ang mga sandata ng Rebolusyong Pilipino

Ang pag-iral ng krisis sa Pilipinas at sa buong daigdig ay di awtomatikong nangangahulugan ng rebolusyonaryong pagsulong. Tungkulin ng mga rebolusyonaryong pwersa na puspusan, militante at epektibong isulong ang rebolusyong Pilipino. Ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front ay dapat magpalakas at magpatalas ng sarili bilang mga sandata sa paglaban at paggapi sa kaaway.

Dapat nating palakasin at patalasin ang Partido bilang talibang pwersa ng proletaryado at mamamayan sa pamamagitan ng pag-aaral at mulat na paglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Dapat patuloy tayong matuto sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Dapat nating iwasan ang mga bitag ng suhetibismo, sa anyo man ng empirisismo o dogmatismo, at matatag na kumilos laban sa imperyalismo, rebisyunismo at reaksyon.

Kailangang lagi tayong gumagawa ng kongkretong pagsusuri sa mga kalagayan sa Pilipinas at sa ating rebolusyonaryong praktika. Ang pagtatasa at ebalwasyon ng ating gawain, paghalaw ng mga aral kapwa sa mga positibo at negatibong karanasan, paglilinaw sa mga tungkulin at pagpuna at pagpuna-sa-sarili ay nagbibigay sa atin ng lahat ng pagkakataong pahusayin ang ating gawain at itaas ang antas ng ating rebolusyonaryong kamulatan. Kaalinsabay, kailangan nating seryosong basahin at pag-aralan ang mga Marxista-Leninistang materyales ng ating mga organo at yunit, gayundin sa mga pormal na kurso sa pag-aaral.

Dapat tayong bumuo at magpatupad ng plano para sa pagrerekrut ng mas maraming kasapi ng Partido mula sa kilusang masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at propesyunal. Sa gayon, mapananatili at lalo pang mapahuhusay ng Partido ang mahigpit na ugnay nito sa masa. Kailangang hikayatin natin sa Partido ang pinakaabanteng mga aktibista at maagap na bigyang-pansin ang kanilang Marxista-Leninistang edukasyon at gawaing pagsubok bilang mga kandidatong kasapi ng Partido.

Dapat nating isulong ang bagong demokratikong rebolusyon sa pama-magitan ng matagalang digmang bayan at iwasan ang mga bitag ng "Kaliwa" at Kanang oportunismo. Dapat nating palakasin at patalasin ang Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing instrumento sa pagsasakatuparan ng saligang alyansa ng proletaryado at magsasaka at sa paglaban at paggapi sa kontra-rebolusyonaryong estado.

Dapat patuloy nating paglingkurin ang hukbong bayan upang pag-ugnay-ugnayin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagbubuo ng baseng masa. Dapat pamunuan ng Partido ang mga kumand ng hukbong bayan. Dapat itong magtayo ng mga yunit ng Partido sa mga yunit ng hukbong bayan.

Dapat nating palakasin at patalasin ang nagkakaisang prente bilang sandata upang madagdagan at higit na mapasaklaw ang mga rebolusyonaryong pwersa, at upang matipon ang pinakamalawak na hanay ng mga pwersa laban sa pinakamakitid na target. Dapat nating itayo ang isang komprehensibong pag-aandana ng mga alyansa sa pambansang nagkakaisang prente: ang saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, ang alyansa ng mga progresibong pwersang kinabibilangan ng masang anakpawis at petiburgesyang lunsod at ang alyansa ng mga patriyotikong pwersang kinabibilangan ng mga progresibong pwersa at panggitnang burgesya.

Sa pagbubuo ng saligang alyansang manggagawa at magsasaka, absolutong kinakailangang palakasin at patalasin ng Partido ang nagkakaisang prenteng antipyudal. Ito ang tanging paraan upang makuha ang pinakamalawak na direktang suportang masa sa matagalang digmang bayan sa kanayunan para sa rebolusyonaryong adhikain ng pambansang pagpapalaya at demokrasya.

Kailanman magagawa at kinakailangan, itinatayo natin kahit ang mga di istable at panandaliang alyansa sa mga reaksyunaryong pwersa laban sa kasalukuyang kaaway. Layunin nitong lubusang ihiwalay at ibag-sak ang kaaway. Naipakita natin sa pambansang antas kung paano mapauunlad ang di istable at panandaliang alyansa sa mga reaksyunaryong alyado sa kilusan para sa pagbabagsak kina Marcos at Estrada.

Tiwala tayong sa susunod na sampung taon ay magkakamit tayo ng malalaking pagsulong sa bagong demokratikong rebolusyon at susulong sa paraang walang kapantay sa nakaraan ang kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa buong daigdig, sa gitna ng lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng malaking kaguluhan dulot ng mga digmang agresyon at kampanya ng panunupil.

Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng rebolusyonaryong proletaryado, isinusulong ngayon ng mamamayang Pilipino ang isang bagong tipong pambansa demokratikong rebolusyon. Sa saligang pagkukumpleto ng yugtong ito ng rebolusyong Pilipino, tutungo sila sa pagsusulong ng rebolusyong sosyalista hanggang magapi ang imperyalismo sa buong mundo at sa wakas ay marating ang bungad ng komunismo. Gayon ang maliwanag na kinabukasan ng rebolusyong Pilipino at ng mamamayang Pilipino.

Sa diwa ng proletaryong internasyunalimo, dapat patuloy na paunlarin ng Partido ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga Marxista-Leninistang partido upang mapaunlad ang mga kundisyon para sa muling pagbubuo ng pandaigdigang kilusang komunista. Dapat ding patuloy na hikayatin ng Partido ang pagpapaunlad ng pandaigdigang nagkakaisang prente na kinatatangian ng malapad na pagkakaisang anti-imperyalista.

 


 Back to top 

26 Disyembre 2001
Edisyong Pilipino


Ipagbunyi ang Sumusulong na mga Rebolusyonaryong Pwersa at ang Pagdaluyong ng Kilusang Masa
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.