Igiit ang pagpaparusa kina Estrada, mga Marcos at iba pang may mabibigat na kasalanan sa bayan!
Sa tinatakbo ngayon ng mga kaso laban sa mga Marcos at Estrada at iba pang may mabibigat na pananagutan sa bayan, walang nakikitang malinaw na batayan ang mamamayan upang magtiwala sa umiiral na reaksyunaryong sistema ng hustisya sa bansa. Sa katagalan, lumalawak at tumitimo sa isip ng mamamayan ang pagdududa sa kakayahan ng reaksyunaryong sistema na kamtin ang katarungan para sa mamamayan, laluna sa ganitong mga kaso kung saan ang mga nasasakdal ay ang pinakamalalakas sa hanay ng mga naghaharing uri.
Labinlimang taon na ang nakararaan mula nang mapatalsik ang diktadurang Marcos. Dumagundong sa unang pag-aalsang masa sa EDSA ang walang pasubaling husga ng mamamayan at ng kasaysayan na responsable ang mga Marcos sa napakaraming karumal-dumal na pasistang krimen at walang-pakundangang pandarambong sa kabang-bayan. Subalit wala pa ni isa sa mga Marcos at sa kanilang mga galamay ang naparusahan ng reaksyunaryong estado para sa naturang mga krimen. Pinahihintulutan pa nga ng reaksyunaryong sistema ng hustisya na mamayagpag at makapanumbalik sa poder ang mga Marcos at mga kroni nila.
Liban sa ilang nakumpiskang pag-aari ng mga Marcos at mga kroni nila, ang kalakhan ng kanilang nakaw na yaman ay ligtas na naitatago sa mga bangko sa labas ng bansa at sa mga dummy corporation. Tinatayang nagkakahalaga ito nang mahigit $13 bilyon. Wala ni kusing nito ang napasakamay ng mamamayan.
Sa kabilang banda, patuloy na pinagkakaitan ng katarungan ang milyun-milyong mamamayang naging biktima ng pasistang karahasan at pang-aapi sa ilalim ng diktadura. Hindi naipapatupad kahit ang simpleng indemnipikasyong naipanalo na sa kasong paglabag ng mga Marcos sa mga karapatang-tao, na isinampa sa isang korte sa Hawaii ng may 10,000 naging bilanggong pulitikal sa panahon ng diktadura.
Sa tinatakbo ngayon ng paglilitis kina Estrada, hindi malayong mangyaring makapanumbalik din sila sa kapangyarihan.
Ginagawa ng mga Estrada ang lahat upang pahinain at bagbagin sa anumang paraan ang pag-uusig sa kanila. Sinasamantala ng mga abugado nila ang bawat butas at puwang na pinahihintulot ng reaksyunaryong batas at sistema ng hustisya upang mailusot sila.
Hindi pa nagsisimula ang mismong paglilitis, di bababa sa 68 panukala na ang inihain ng mga abugado ni Estrada tungkol sa samutsaring bagay, at habang tumatagal ay dinaragdagan pa nila ito. Sa dami na ng mga panukalang itinambak nila, epektibong nababahura ang korte at nababarahan ang pag-usad ng paglilitis.
Isang signipikanteng naipanalo nilang mosyon ay ang di pagpayag ng Korte Suprema na gamiting ebidensya sa kasong pandarambong ang mga libro de bangko ni Estrada, dahil umano sa Bank Secrecy Law o batas para panatilihing sekreto ang mga libro de bangko. Lubhang kakatwa na ngayo�y ang laman nito at pati na ang iba pang libro de bangko nina Estrada na nalantad na sa mamamayan at nagamit na noong impeachment trial ay hindi na muli maaaring gamiting ebidensya sa kasong pandarambong, samantalang parehong kaso lamang itong ipinasa sa Sandiganbayan ng naudlot na impeachment court.
Gayundin, nitong ikatlong linggo ng Hulyo, iniutos ng Sandiganbayan sa mga tagausig na limitahan ang saklaw ng listahan ng mga korporasyong pagmamay-ari ng mga Estrada sa mga dati nang nakasaad sa demanda. Sa gayon, mapipigilan ang Ombudsman na ipasok bilang ebidensya ang iligal na pamumuhunan ng mga Estrada sa mahigit 60 pang kumpanya.
Ang gayong mga buktot na desisyon ng Korte Suprema at Sandiganbayan ay magkukubli sa mga katiwalian at nakaw na yaman ng mga Estrada. Malaking dagok ang mga ito sa makatarungang paglilitis ng kasong pandarambong laban sa kanila.
Layunin din ng taktika ng mga Estrada na kaladkarin ang kaso hangga�t kakayanin sa pag-asang makapanumbalik sila sa poder pagsapit ng eleksyong 2004, o kaya�y makaagaw ng kapangyarihan sa pamamagitan ng ekstraligal na pamamaraan tulad ng kudeta o kaguluhang tipong-"EDSA 3" bago pa man sumapit ang 2004. Sa bawat pagkakatao�y pinagmumukha rin nilang "api" at "martir" sina Estrada upang maakit ang simpatya ng mga loyalista nila at ng iba pang mamamayan, at magamit uli ang mga ito na pambala sa kanyon sa anumang maikakasang panibagong pakanang destabilisasyon.
Halos 30 taon ding ang inutil na reaksyunaryong sistema ng hustisya sa bansa ay pinaikutan ng pasistang demonyo, warlord at tiwaling pulitikong si dating Col. Rodolfo Aguinaldo. Nitong Hunyo, sa wakas ay rebolusyonaryong kilusan na ang naggawad ng katarungan sa marami niyang utang na dugo. Sa mas marami pang kaso, laluna sa kanayunan, tanging ang rebolusyonaryong kilusan ang nakatugon sa mga hinaing ng mamamayan para sa katarungan.
Bagamat tampok ang kanilang mga kaso, hindi lamang ang mabagal na pag-usad at alanganing tinatakbo ng mga kaso nina Marcos at Estrada at iba pang may mabibigat na pagkakasala sa taumbayan ang palatandaan ng pagiging bulok, inutil at maka-elitista ng sistema ng hustisyang umiiral sa bansa. Ito ay araw-araw na napatutunayan ng mamamayan sa sarili nilang karanasan. Halos hindi mapakinabangan ng mamamayan ang mga reaksyunaryong korte para maipagtanggol at maitaguyod ang kanilang mga interes. Mapagpasya ang kontrol ng mga mapagsamantala at mapang-aping uri sa mga reaksyunaryong korte at sa kabuuang sistema ng pamamalakad sa hustisya sa bansa at nagagamit nila ang mga ito upang higit pang pagsamantalahan, supilin at apihin ang mga karaniwang mamamayan, laluna ang mga dukhang walang panggastos para makapaghabol ng katarungan.
Kinakailangang igiit ng mga progresibo at demokratikong pwersa at ng mamamayan ang paniningil ng hustisya sa kaso ng mga Marcos, Estrada at iba pang mga may mabibigat na pananagutan sa mamamayan. Kailangan din itong gawin para makamtan ang anumang kahit bahagya at pansamantalang bagay na ikasusulong ng interes ng mamamayan.
Kasabay nito, kailangan ding mabatid na mapagpasyang mareresolbahan lamang ang usapin ng pagkakamit ng katarungan sa bansa sa pamamagitan ng pagwawagi ng demokratikong rebolusyon ng bayan, sa pagpapawi sa luma�t bulok na sistema at paglalagay ng isang bago�t rebolusyonaryong sistema ng hustisya sa kamay ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.
|