![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Inilabas noong Pebrero 18 ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order (DO) 18-02. Sinusugan nito ang DO 10-97 na sumasaklaw sa usapin ng kontraktwalisasyon ng paggawa. Mula 1997, ginamit ang DO 10-97 sa pagpapalaganap at pagpapatindi ng sistema ng kontraktwalisasyon at pag-atake sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa seguridad sa trabaho. Dahil sa malawakang pagkundena rito ng masang manggagawa, sinuspinde ito ng rehimeng Macapagal-Arroyo noong Abril 2001 at ipinalit dito ang DO 18-02. Subalit walang esensyal na kaibhan ang DO 18-02 sa pinalitan nito. Kasinungalingan ang sinasabi ng kalihim ng DOLE na si Patricia Sto. Tomas, na ang DO 18-02 ay mangangalaga sa interes ng mga manggagawang kontraktwal. Pinagtitibay lamang nito ang sistema ng kontraktwalisasyon na nagdudulot ng napakalawak na pinsala sa mga manggagawa mula pa noong dekada 1990. Bingi ang DOLE at ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa sigaw ng mga manggagawa na wakasan na ang kontraktwalisasyon. Wala rin itong ginawang pagwawasto sa tahasang anti-manggagawang mga probisyon ng DO 10-97 laluna ang pagbibigay ng malawakang karapatan sa mga kapitalista na magtanggal ng mga manggagawa batay sa "mga dahilang makatwiran at awtorisado". Katunayan, ang probisyong ito ng DO 10-97 at iba pang probisyong lumalapastangan sa karapatan sa seguridad sa trabaho ng mga manggagawa ay itinaguyod sa mga nagdaang desisyon ng Korte Suprema. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa p. 7) Katulad ng DO 10-97, idineklara diumano ng DO 18-02 na iligal ang labor-only contracting at iba pang anyo ng pang-aabuso ng mga kontraktor o subkontraktor sa mga manggagawa. Ihinanay ng DO 18-02 ang dalawang sobrang pinasimpleng palatandaan ng labor-only contracting: 1) ang kawalan ng sapat na puhunan ng kontraktor; at 2) ang kawalan ng kontrol ng kontraktor sa aktwal na proseso ng paggawa. Inilista rin nito ang mga ipinagbabawal na pang-aabuso sa mga kontraktwal na manggagawa. Subalit ang lahat ng mga ito ay pinawawalang-saysay ng pananatiling pabalat-bunga at walang ngipin ng DO 18-02 para kontrahin ang labor-only contracting at mga katulad na abuso. Walang anumang itinakdang kaparusahan ang DO 18-02 at sa gayon inutil ito sa harap ng maraming pang-abuso sa mga manggagawang kontraktwal. Panlilinlang ang sinasabi nitong ang mga manggagawang kontraktwal ay may karapatan sa ligtas at mahusay na kundisyon sa paggawa, sa mga pamantayan ng paggawa, sa kagalingang panlipunan, sa pag-oorganisa at sa kaseguruhan sa trabaho. Anuman ang ibukambibig ng DOLE, hindi kailanman mapasasakamay ng mga kontraktwal ang mga "karapatan" nila hangga't sila'y nananatiling kontraktwal. Para saan pa ang paglalahad ng DOLE ng karapatan ng mga kontraktwal, kung ang mismong kontraktwalisasyon ay hindi nito iwinawaksi, bagkus ay itinataguyod pa bilang ligal at nararapat? Para saan ang batas na diumano'y nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawang kontraktwal, kung bigo itong tugunan ang saligang kahilingan para sa kasegurahan sa trabaho? Marapat lamang, kung gayon, na kundenahin ng mga manggagawa at ng sambayanan itong bagong batas na naglelehitimisa at nagtatakip lamang sa iba't ibang anyo ng labor-only contracting at sa laganap at sobra-sobrang pang-aabuso ng sistemang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|