![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Sa harap ng pagpatay kina Elaine "Eden" Marcellana at Eddie Gumanoy, dalawang aktibistang nag-iimbestiga sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Oriental Mindoro, iba't ibang mga sektor at personahe ang nagpahayag ng galit sa 204th Brigade at sa kumander nitong si Col. Jovito Palparan. Nitong Abril 21, dinukot sa Barangay Maibon, Naujan sina Ka Eden, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Tagalog, Ka Eddie, tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) at tatlo pa nilang kasamahan. Natagpuan ang mga bangkay nina Marcellana at Gumanoy sa bayan ng Bansud. Matapos pahirapan, ang tatlo pa nilang kasamahan ay iniwang nakagapos ng armadong mga lalaking nakabonet sa bayan ng Bongabon. Sina Marcellana at Gumanoy ay nagsasagawa ng isang fact-finding mission kaugnay ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Barangay Buong Lupa, Gloria at sa Pinamalayan. Libu-libong mamamayan ang naghatid sa bangkay nina Marcellana at Gumanoy sa Mendiola noong Abril 26 bilang pagpapakita na ang karumal-dumal na krimen ay responsibilidad ng rehimeng Macapagal-Arroyo at bilang pagkondena sa isinasagawa nitong matinding militarisasyon at mga paglabag sa karapatang-tao sa Mindoro at iba't ibang lugar sa Pilipinas.
Ani Ka Roger, "takot na takot si Col. Palparan sa mga nagtatanggol sa karapatang-tao na buong-tapang na tumitindig at naglalantad sa mga kawalanghiyaan at pang-aabuso ng militar." Sa pagdiriwang ng Aldaw Kordilyera sa Ilocos Sur noong Abril 24, kinilala ng mahigit 3,000 dumalo ang kabayanihan nina Ka Eden at Ka Eddie. Ang pagtitipon ay pinangunahan ng Cordillera People's Alliance. Kinilala nila ang mga ginawa nina Ka Eden at Ka Eddie para sa kapakanan ng mga Mangyan sa Mindoro na katulad ng Kaigorotan ay nakikibaka rin para sa mga karapatan ng mga pambansang minorya. Nagpugay din sa dalawa ang mga lider ng National Democratic Front of the Philippines. Ayon kina Kasamang Joema at Julie Sison, sila ay "mga martir at bayani ng sambayanang Pilipino." Idinagdag nila na "Sa puspusang pagpapalawak ng demokratikong kilusan at pakikibaka sa kaaway lamang natin sila maipaghihiganti at maitataguyod ang katarungan." Nakiramay din ang Lucio de Guzman Command (LGC), kumand ng BHB sa isla ng Mindoro. "Ipinapangako ng aming kumand na hindi masasayang ang pagbubuwis ng buhay nina Eden at Eddie sa lupang Mindoro," pahayag ni Victor Rivero, tagapagsalita ng LGC.
Inirekomenda ng grupo ni Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna ang "pagbalik sa baraks" ng 204th Brigade. Ayon kay Ocampo, ang 204th Brigade ang nasa likod ng pagpatay sa 27 pang mga aktibista kabilang ang mga kasapi at upisyal ng Bayan Muna. Sa harap ng malawakang galit sa militar, napwersa ang pamunuan ng AFP na alisin si Col. Palparan sa Mindoro. Inilipat siya sa 2nd Infantry Division sa Tanay, Rizal. Ang mga pagdinig para sa kumpirmasyon ng kanyang pagiging heneral ay sinuspinde rin ng Senado. Ang promosyon ni Palparan noong nakaraang taon ay nagpapakitang itinataguyod ni Arroyo ang militarisasyon sa isla ng Mindoro. Gayunman, walang pagbabago sa gawi ng 204th Brigade. Ang Officer-in-Charge nito na si Col. Johnny Gomez ay kasimpasista at walang dudang kasapakat din ni Palparan sa pagpatay. Noong pumunta ang fact finding mission ng Bayan Muna at Karapatan sa Gloria para kunin ang mga bangkay, harapan pa silang binantaan ni Gomez na "uubusin" sila ng Special Forces." Samantala, magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Senado at Kongreso sa kaso ng pagpatay kina Marcellana at Gumanoy. Bukod pa ito sa isinasagawang imbestigasyon ng task force ng Department of Justice at National Bureau of Investigation (DOJ-NBI). Gayunman, duda ang marami na makakamit ang katarungan sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Ayon sa anak ni Gumanoy na si Rose Ann, "Hindi kami umaasang matutulungan kami (ni Arroyo). Ang nangyari sa ama ko ay siya namang gusto niyang mangyari." Ayon kay Orly Marcellana, asawa ni Eden, "Mas gugustuhin ko pang maghintay sa rebolusyonaryong hustisyang tulad ng iginawad kay Colonel Aguinaldo. Kahit ilang dekada pa akong maghintay," dagdag ni Ka Orly. Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinaabot ni Ka Roger, na "nakahanda ang Bagong Hukbong Bayan na igawad kay Col. Palparan ang nararapat na kaparusahan para sa lahat ng kasalanan niya at ng 204th Brigade sa mamamayan ng Mindoro." ![]()
|
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|