Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Biguin ang balak na panumbalikin ang tuwirang paghaharing militar sa bansa!

 Read this article in English

Tuluy-tuloy ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa pagpapasaklaw at pagpapaigting ng pasistang paninikil sa mga demokratikong karapatan. Pinag-iibayo ang militarisasyon kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Walang tigil ang panunulsol sa anti-teroristang takot at kaguluhan. Ang paghaharing burukratiko-militar ni Macapagal-Arroyo ay mabilis na tumutungo sa pagpapanumbalik ng tuwirang paghaharing militar sa Pilipinas.

Bagamat walang pormal na deklarasyon ng state of emergency o batas militar, walang renda ngayon ang pasistang paninikil at pananaig ng kapangyarihan ng militar sa iba't ibang aspeto ng buhay-lipunan.

Sa loob ng iilang araw, sunud-sunod na pinagtibay at ipinatupad ang curfew sa Metro Manila at iba pang mga syudad, ang pagtatayo ng mga tsekpoynt, pangangapkap at pagrekisa sa kagamitan ng mga tao. Plano ring armasan ang mga barangay tanod, magtalaga ng mga "secret marshall" sa mga bus at eroplano at iba pa. Ipinatutupad ang mahigpit na pagrekisa sa mga estudyanteng pumapasok sa mga eskwelahang maraming aktibista matapos itong ideklarang "malamang na target ng mga teroristang atake".

Kabilang din sa mga pinanggigigilang pagtibayin ni Macapagal-Arroyo ang National ID System na ipatutupad na ayon sa desisyon ng National Security Council. Paraan ito upang mas madaling manmanan at kontrolin ang mamamayan. Iginiit ito ni Fidel Ramos noong 1996 at ni Joseph Estrada noong 1999. Ngunit kapwa silang nabigong ipatupad ito dahil sa puspusang paglaban ng mamamayan at pagtutol ng ibang mga pulitiko.

Muli ring inihapag sa kongreso ang panukalang batas laban sa terorismo. Nais nitong gawing ligal ang pagsikil sa mga karapatang sibil katulad ng ginawa ng diktadurang Marcos sa pamamagitan ng batas militar. Inilabas na rin ang panukalang bigyan ng "emergency powers" si Macapagal-Arroyo.

Sa islogang "labanan ang terorismo", ginagamit ng rehimen ang buong makinarya ng AFP at PNP, ang mga lokal na lambat paniktik at ang buong burukrasyang sibil mula sa mga pambansang ahensya hanggang sa antas barangay upang isakatuparan ang mga paghihigpit laban sa mamamayan. Itinayo na sa Malakanyang ang upisina ng National Command and Control Center (NCCC) at Presidential Oversight Committee on Internal Security (POCIS). Magtatayo ito ng lambat ng mga "anti-terror committee" sa bawat bayan at mga "Gabay ng Masa Aksyon Center (GMA Center)" sa bawat barangay upang ikoordina ang kampanyang saywar laban pangunahin sa rebolusyonaryong kilusan. Sa pamumuno ni Sec. Rigoberto Tiglao, ang NCCC at POCIS ay gagamitin ding makinaryang pang-eleksyon ni Macapagal-Arroyo para sa kampanya hanggang 2004.

Ang imperyalismong U.S. at ang rehimeng Macapagal-Arroyo ang pangunahing nagsasamantala at nagmamanipula sa mga pambobomba. Maraming mga indikasyon na ang sunud-sunod na pambobomba, pagbabantang pambobomba at "pagkatuklas" sa iba pang mga bomba sa iba't ibang mga lugar ay kagagawan mismo ng militar. Sila lamang ang may kakayahan at interes na gawin ito.

Ang mga ito ay dumudugtong at tumutugma sa kampanya ng pananakot at paninindak ng AFP laban sa mamamayan sa balangkas ng doktrinang Bush. Sinimulan ito noon pang Agosto-Setyembre at kinatampukan ng pagpapakalat ng walang kabata-batayang mga kwento para dungisan ang integridad ng Partido at Bagong Hukbong Bayan. Ito'y sa imbing hangaring kamuhian o katakutan ang rebolusyonaryong kilusan.

Kabilang sa mga gawa-gawang kwentong ito ang diumano'y pagtatalaga sa Kamaynilaan ng 150 "sparrow unit" ng BHB at mga balak diumano na magpasabog ng bomba sa LRT at iba pang mataong lugar. Ang pambobomba sa Kidapawan City, Zamboanga at Metro Manila ay pawang ibinintang sa BHB. Sinasabi pang nakikipag-alyansa na raw ang BHB sa bandidong Abu Sayyaf.

Lumilikha ng malawakang takot ang Malakanyang at AFP upang palitawing ang mga mapaniil na hakbangin nito'y mga kinakailangang hakbangin para sa proteksyon ng mamamayan "laban sa mga banta ng terorismo". Nais ni Macapagal-Arroyo na ipatanggap sa mamamayan o ilarawang tinatanggap nila ang pagpapataw ng mga kontra-demokratikong hakbangin.

Nais din niyang bigyang-katwiran ang pagpapataw ng state of emergency tungo sa tuwirang paghaharing militar.

Ang kampanyang saywar na ito at ang mga isinagawang kaakibat na pambobomba ay pawang bahagi ng pinaigting na kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimen. Tinagurian itong Oplan Gordian Knot ng AFP at tumatarget ito pangunahin sa rebolusyonaryong armadong kilusan; pati na rin sa mga ligal na organisasyon at partido, partikular ang Bayan Muna.

Sa pamamagitan ng pagpupwesto ng mga patakarang "anti-terorista", layunin ng rehimeng Macapagal-Arroyo na gamitin ito pangunahin laban sa mamamayan at kanilang rebolusyonaryong kilusan. Sa harap ng lumalaganap na galit at protesta ng mamamayan laban sa mga mapang-api at mapagsamantalang mga patakaran ng reaksyunaryong estado at ng mabilis na pagsulong ng rebolusyonaryong armadong kilusan sa kanayunan, ibayong nagiging desperado ang rehimen na ipagtanggol ang nabubulok at bangkaroteng naghaharing sistema.

Sa kabilang panig, habang lalong sumisidhi ang krisis panlipunang dulot ng mga patakarang dikta ng imperyalismong US, lalo namang desperadong kumakapit ang reaksyunaryong rehimen sa buntot ng kanyang imperyalistang amo.

Ang rehimeng Macapagal-Arroyo ang pinakamaaasahang tagapagtaguyod ng mapandigmang patakarang panlabas ng gubyernong Bush sa Southeast Asia. Ito ngayon ang pangunahing naggigiit ng adyenda ng US sa rehiyon.

Sinusuportahan ni Macapagal-Arroyo ang mga maniobra ng US na magkaroon ng "access rights" o karapatang magpasok ng mga tropa nito sa mga bansa sa Southeast Asia. Para rito, iginigiit ni Macapagal-Arroyo ang pagbubuo ng isang "kasunduang anti-terorismo" sa hanay ng Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Cambodia, Thailand at iba pang bansa sa rehiyon.

Nagagamit na ng US ang Pilipinas bilang base ng mga operasyon ng mga tropang Amerikano. Ginagamit nito ang mga "magkasanib na pagsasanay-militar"ng US at Pilipinas para panatilihin ang permanenteng presensya ng mga sundalong Amerikano rito sa bansa at tuwirang lumahok sa kontra-rebolusyonaryong digma sa Pilipinas.

Isa sa humahadlang sa layuning ito ng US ay ang bansang Indonesia. Simula noong Setyembre 11, 2001, tumanggi si Presidente Megawati Sukarnoputri ng Indonesia na lubusang pumailalim sa mga patakaran ng US. Ang pambobomba sa Bali, Indonesia noong Oktubre 12 ay pinaniniwalaang gawa-gawa ng mga sikretong operatiba ng militar ng US. Mahigit 180 turista ang namatay dito. Ginamit ito ng gubyernong Bush upang ipitin ang gubyerno ni Megawati Sukarnoputri na sumuporta sa teroristang pandirigma ng US.

Malakas ang tunguhin sa lantarang paghaharing-militar. Mismong si Macapagal-Arroyo ang pinakamasugid na tagapagtaguyod ng militarismo at ng mapandigmang patakaran ng imperyalismong US. Lubusan niyang ginagampanan ang papel niya bilang pinunong hepe ng AFP. Nagiging kamukha na siya ni Marcos.

Puspusang nilalabanan ng malawak na sambayanan ang militarismo ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Nakahanda sila, sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon, na labanan at biguin ang mga balak ng gubyernong Macapagal-Arroyo na pairalin ang tuwirang paghaharing militar.

Malawak na seksyon ng mamamayan ang naggigiit na isaisantabi ang lantay-militar na solusyon sa digmaang sibil at nananawagang muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP upang lutasin ang mga ugat ng armadong tunggalian. Malawak na seksyon din ng mamamayan ang tumututol sa bulag na pagtataguyod ni Macapagal-Arroyo sa bawat utos at patakaran ng US.

Patuloy na sumusulong ang mga pakikibaka ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng langis at kuryente, laban sa garapalang korapsyon, para sa pagtataas ng sahod at pagtataas sa presyo ng mga produkto ng mga magsasaka. Lahat ng ito'y naglalantad sa anti-mamamayan at maka-imperyalistang rehimen ni Macapagal-Arroyo at ibayong naghihiwalay dito sa mamamayan.

Sa kanayunan, tuluy-tuloy ang paglulunsad ng Bagong Hukbong Bayan ng iba't ibang laking taktikal na opensiba tanda ng pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa kanayunan at paglawak ng suporta sa hanay ng masang magsasaka.

Ang pananatili ni Macapagal-Arroyo sa poder ay pangunahing nakasandig sa suporta ng AFP at ng US. Mabuway ito dahil walang suporta ng mamamayan. Habang nagpupumilit ang rehimeng Macapagal-Arroyo na isakatuparan ang mga maka-imperyalista at pasistang patakaran, mabilis na lumilitaw ang mga kundisyon upang epektibong makakilos ang mamamayan tungo sa pagpapabagsak ng papet na rehimen.

 


 Back to topNext article

Nobyembre 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang balak na panumbalikin ang tuwirang paghaharing militar sa bansa!
Biguin ang Oplan Gordian Knot
Ang kontra-gerilyang digma ng
AFP at PNP

Dumaraming kaso ng pagdukot at desaparecido
Pambansang badyet sa 2003:
Badyet ng digma laban sa mamamayan

Mga kaso ng pagdukot sa anak upang sumuko ang magulang
Armadong pakikibaka, umaani ng tagumpay sa buong bansa
Bakit mabibigo ang digmang kontragerilya?
Mga tagumpay sa Pampanga, ipinagbunyi
Mga Ulat Koresponsal:
Medical at fact-finding mission sa Cagayan tagumpay; CIVAC ng AFP nilangaw

Mga Ulat Koresponsal:
Liberalisasyon sa importasyon ng gulay at bigas, pumipinsala sa mga magsasaka

Mga Ulat Koresponsal:
Kampanyang kontra-gutom, bumubwelo sa Panay

Mga Ulat Koresponsal:
Ibaba ang pasahe ng sitaw, sigaw ng Bulacan

Macapagal-Arroyo:
Kaaway ng mga kawani ng gubyerno

Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo
William Hinton, Joan Hinton
at Erwin "Sid" Engst

Pagpupugay sa mga tunay na proletaryong internasyunalista at anti-impeyalista

Balita
Mga Pagtutuwid sa isyung
Oktubre 2002 ng Ang Bayan

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.