Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga pakana ng US upang ikriminalisa at usigin bilang mga "terorista" ang PKP-BHB, si Kasamang Sison at iba pang lehitimong mga rebolusyonaryo at progresibo!

 Read this article in English

Pahayag ng Komite Sentral
ng Partido Komunista ng Pilipinas
21 Setyembre 2002

Bilang buhong na superpower at pinakamalaking terorista sa buong mundo, inangkin ng US ang kapangyarihan upang unilateral na maghasik ng digma at manlipol at manalasa sa ibang mga bansa at mamamayan. Walang kahihiyan nitong binabraso ang pandaigdigang komunidad, dinedestabilisa ang ibang mga estado at buu-buong mga rehiyon, at isinasapanganib ang pandaigdigang kapayapaan.


Prof. Jose Ma. Sison

Ang imperyalismong US ang pinakamalaking teroristang pwersa na sumalanta sa mamamayang Pilipino. Hindi pa ito nananagot sa malupit na digmang agresyon laban sa mamamayang Pilipino mula 1899 hanggang 1914. Kabilang sa mga krimen nito sa digma ang pamamaslang, pagtotortyur, maramihang pwersahang pagpapalikas at iba pang mapaniil na hakbanging pumuksa sa buhay ng mahigit isang milyong Pilipino, na karamiha�y mga di armadong sibilyan. Ang madugong paglupig nito sa Pilipinas ang naghawan ng daan para sa araw-araw na karahasan ng pagsasamantala at pang-aapi sa bansa, kakutsaba ng mga lokal nitong tuta.

Sa gitna ng lumalalang krisis sa US at sa pandaigdigang sistemang kapitalista, itinataguyod ng US ang malawakang terorismo at pasismo ng estado sa mundo upang supilin ang lumalaganap na panlipunang kaguluhan at pagpapanibagong-lakas ng rebolusyon. Sa sobrang takot, pinatitindi nito ang panunupil sa loob mismo ng US at itinutulak ang ibang bansa, kabilang ang mga neokolonya nito, na gumamit ng mas mapanupil na mga hakbangin laban sa mamamayan, laluna laban sa mga migrante. Ang paggigiit ng US sa rehimeng Macapagal-Arroyo na magpatupad ng higit na mapanupil at mapandigmang mga hakbangin sa ngalan ng "anti-terorismo" ay muling naglalapit sa Pilipinas sa batas militar.

Lalong pinangangambahan ng US ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas na ngayo�y nasa unahan ng pandaigdigang pakikibakang anti-imperyalista at sumusulong at nagsasapanganib sa pag-iral ng tutang estado nito. Lalo ito ngayong nanghihimasok nang tuwiran sa kontra-rebolusyonaryong digma sa bansa at ginagamit ang Pilipinas bilang lunsaran ng interbensyon nito sa ibang bansa sa rehiyon. Upang bigyang-katwiran ito, buong kahangalan nitong binansagan bilang mga "foreign terrorist organization" ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.

Ang US ang pinakamalaking terorista sa buong mundo pero may kapal pa ito ng mukhang bansagang "terorista" at dungisan ang mahusay na rekord ng isang lehitimo at prinsipyadong rebolusyonaryong pwersa na pumupukaw, nag-oorganisa at nagpapakilos sa mamamayang Pilipino sa isang determinadong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Kakutsaba ng papet na rehimeng Macapagal-Arroyo, pinaghahandaan at ginagawang lehitimo ng US ang tahasang pananalakay sa bansa sa pamamagitan ng mga iskema tulad ng Mutual Logistics Support Agreement at walang katapusang mga bagong bersyon ng Balikatan - na ngayo�y nakatutok naman sa mga teritoryo ng PKP-BHB.

Upang bigyang-daan ang pananalakay nito sa Pilipinas, pinipinsala nito ang prosesong pangkapayapaan at lumilikha ng mga kundisyon upang katakutan ang mga kasapi, konsultant at istap at tagasuporta ng peace panel ng National Democratic Front of the Philippines. Itinutuon ng US ang atake nito kay Kasamang Jose Ma. Sison, senior political consultant ng panel. Sa isang dokumento ng US Treasury Department na inilakip sa Executive Order No. 13224 na inilabas noong August 12, 2002, partikular na ibinilang ni US Pres. Bush si Kasamang Sison sa listahan ng mga "dayuhang terorista".

Dahil sa panggagalaiti sa mga rebolusyonaryo, desididong-desidido ang impeyalismong US na supilin sila. Kilalang-kilala ng imperyalismong US at ng mga lokal na tuta nito kung sino ang pinakamatatag at pinakaepektibo nilang mga kalaban kaya inihahasik nila laban sa mga ito ang pinakamasasahol na propaganda, pinakamaruruming pakana at pinakamababangis na atake. Kabilang ngayon sa mga pangunahing target ng imperyalismong US at ng mga papet nito ang mga partido at rebolusyonaryo na ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, partikular na yaong mga naglulunsad at nagtataguyod ng digmang bayan.

Dahil sa kanyang nangungunang impluwensya at kabuluhan sa pampulitika at panlipunang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at sa larangang internasyunal, ikinokonsentra ng US ang pinakamabangis na atake nito laban kay Kasamang Sison sa walang-kapararakang pag-aasam na pugutan ng ulo ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at hadlangan ang pagpapanibagong-lakas ng anti-imperyalista at proletaryong rebolusyonaryong kilusan sa bago�t mas mataas na antas.

Ang pagpili kay Kasamang Sison upang tuunan ng pambabalang atake ng superpower ng mundo ay nagsisilbing di sinasadyang parangal sa kanyang talas at katatagan sa paglalantad sa imperyalismong US at sa magkakasunod na mga papet na rehimen, sa pagsisilbi niyang tanglaw sa pambansa-demokratiko at proletaryong rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, sa pagpapanibagong-sigla ng pandaigdigang proletaryong rebolusyonaryong kilusan, gayundin sa pagsuporta sa prosesong pangkapayapaan.

Lubos na pinahahalagahan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga iniambag at patuloy na iniaambag ni Kasamang Sison sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Kinikilala ng Partido ang kanyang namumukod-tanging rebolusyonaryong papel at katapatan sa proletaryado at mamamayan; pinasisinungalingan nito ang walang-batayang paratang ng US na "terorista" siya, ang Partido mismo, ang hukbong bayan at ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido.

Ginagampanan ng gubyernong Dutch para sa US ang maruming trabaho laban kay Kasamang Sison. Sinasakyan nito ang bukambibig na islogang "anti-terorista" ng US at ang mga tunguhing anti-demokratiko at anti-migrante sa The Netherlands at sa Europe. Ginagawa ito nang buong lupit at walang anumang pagsasaalang-alang sa wastong proseso. Noong nakaraang buwan, sa pamamagitan ng pinakahamak na paraan ng pang-aapi, inipit ang mga personal na deposito sa bangko nila ng asawa niyang si Juliet na nanggaling din naman sa Social Zaken, ang ahensya sa kagalingang panlipunan ng gubyernong Dutch. Mula 1992 ay kinilala na siyang political refugee ng Raad van State, ang pinakamataas na korteng administratibo ng gubyernong Dutch. Dahil lumabalas na nagdodoble-kara ito, ibinaba nito ang kanyang istatus mula sa pagiging political refugee nitong Setyembre 16. Agad nitong ipinagkait sa kanya ang suportang pabahay, pantawid-buhay at medikal. Isinasapanganib din nito ang proteksyon sa kanya ng Refugee Treaty of Geneva at ng European Convention mula sa ekstradisyon tungo sa alinmang bansa batay sa gawa-gawang karaniwang kasong kriminal.

Ibinunyag mismo ng ilang prominenteng upisyal ng guberyno ng Pilipinas na ang US ay nakatakdang mag-imbento ng mga kasong kriminal laban kay Kasamang Sison upang gamitin ito sa paghiling ng ekstradisyon niya sa US. Noon pa mang 1998 ay may sertipikasyon na ang Justice Secretary ng Pilipinas na walang anumang kasong kriminal laban kay Kasamang Sison sa Pilipinas. Binubuo pa ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang partikular na batas laban sa "terorismo" na mas tatarget sa mga rebolusyonaryo at kanilang mga tagasuporta kaysa mga bandido at tunay na terorista. Habang wala pa ito, naghahanda ang rehimen na kasuhan ng rebelyon si Kasamang Sison upang suhayan ang binabalak na kasong kriminal at kahilingan ng US para sa kanyang ekstradisyon.

Desididong-desidido ang US at ang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo na magbuo ng mas imbing mga pakana - kabilang ang paggamit ng tahasang karahasan at iba pang pasistang pamamaraan - sa pagsisikap na supilin ang rebolusyonaryong kilusan, si Kasamang Sison at iba pang rebolusyonaryo at progresibo. May binuo na ring sariling mga hakbanging "anti-terorista" ang European Union. Noong Hulyo 15, 2002, pinagtibay ng Committee of Ministers of Foreign Affairs of the European Union ang mga alituntuning "anti-terorista" na, katulad halos ng US Patriot Act ay sumisikil nang husto sa mga karapatang sibil. Nababahala nang husto ang Partido tungkol sa mga peligrong kinakaharap ni Kasamang Sison bunsod ng tusong mga pakana at gawa ng US at mga alyado nito.

Mariing kinukundena ng Partido ang US at ang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo sa lantarang mga disenyo at pakanang interbensyunista at pasista laban sa Partido, Bagong Hukbong Bayan at kay Kasamang Sison, gayundin sa soberanya at mga pundamental na interes ng bansa at sambayanang Pilipino.

Nananawagan ang Partido sa lahat ng makabayang Pilipino at lahat ng mamamayan sa buong mundo na nagmamahal sa kalayaan na iprotesta at labanan ang mga disenyo at iskemang ito, na partikular na naglalayong hawanin ang daan para sa ibayong tahasang agresyon ng US laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng Pilipinas. Dapat makinig sa katwiran ang gubyernong Dutch at bawiin ang mga di makatarungan at malupit na hakbangin nito laban kay Kasamang Sison.

Di kailanman matatakot ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang pinamumunuan nitong rebolusyonaryong kilusan sa panghihimasok militar ng US, sa banta ng agresyon o sa marurumi nitong taktika. Napanday na ang rebolusyonaryong kilusan sa isang buhay-at-kamatayang pakikibaka sa napakaraming taon at laban sa malalaking kahirapan. Nananatili itong matatag sa umaasa-sa-sariling armadong rebolusyonaryong pakikibaka upang kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya at isulong ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon.

Ang kolektibong pamunuan ng Partido ay epektibong kumikilos sa mga konsolidadong rebolusyonaryong baseng gerilya sa Pilipinas, ligtas mula sa pamiminsala ng US at ng lokal na reaksyunaryong armadong pwersa. Alam na alam ng mga rebolusyonaryong Pilipino na nasa terminal na krisis ang bulok na malapyudal at malakolonyal na sistema sa bansa at ang US mismo ay nasasadlak sa papalalim na krisis. Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan ay mabilis na sumusulong at sinasamantala ng mga ito ang lalong umiinam na kalagayang pambansa at pandaigdig para sa ibayong pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka.

 


 Back to topNext article

22 Setyembre 2002
Edisyong Pilipino


Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga pakana ng US upang ikriminalisa at usigin bilang mga "terorista" ang PKP-BHB, si Kasamang Sison at iba pang lehitimong mga rebolusyonaryo at progresibo!
Maikling kronolohiya
Kinukundena ng NDFP ang "teroristang" bansag ng US sa PKP, BHB at kay Jose Ma. Sison
TUTULAN ANG PANGGIGIPIT KAY KA JOEMA SISON!
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.