Balita
Mga taktikal na opensiba, inilunsad sa Cordillera at Mindanao
Reyd sa Kalinga. Sinamantala ng mga Pulang mandirigma ang malakas na ulan upang salakayin ang detatsment ng Philippine Army bandang alas-6 ng umaga ng Agosto 25 sa Barangay Balantoy, Balbalan. Isang elemento ng CAFGU ang napatay at lima pa ang nasugatan.
Rumesponde ang pinagsanib na pangkat ng Philippine Army at pulis ngunit natambangan sila ng blocking force ng BHB sa Sityo Butod. Nasugatan ang tatlong pulis, kabilang ang officer in charge ng Balbalan police station.
Mga operasyong disarma sa Mindanao. Sinalakay ng pitong Pulang mandirigma ang outpost ng gwardya ng MD Rio Vesta Agri Venture Plantation sa Barangay Pangi, Maco, Compostela Valley noong Agosto 25. Dinisarmahan nila ang tatlong gwardya ng isang de-sabog, dalawang kalibre .38 rebolber at isang granada at isang radyong pangkomunikasyon.
Makalipas ang dalawang araw, kinumpiska ang kalibre .45 ng nagdidiskong pulis sa Mati, Davao Oriental noong gabi ng Agosto 27. Nasa isang sayawan si PO1 Ruel Carrido nang dumating ang isang pangkat ng mga Pulang mandirigma.
Nominasyon ni Bush, sinalubong ng mga protesta
BINAYO ng araw-araw na protesta ang pambansang kumbensyon ng Republican Party na ginanap sa New York City mula Agosto 29- Setyembre 3. Sa kumbensyong ito pormal na ipinroklama si George W. Bush bilang upisyal na kandidato ng Republican Party sa eleksyong presidensyal ng US sa Nobyembre 2. Habang tinatanggap ni Bush ang kanyang nominasyon, umalingawngaw ang mga sigaw sa lansangan na: No more years! (Huwag nang palawigin!)
Pinamunuan ng United for Peace and Justice ang daan-daang libong tagaprotesta. Tutol ang grupong ito sa inilulunsad na gerang agresyon ng US sa Afghanistan at Iraq. Sa kabuuan, umabot ang mobilisasyon sa 500,000 batay sa konserbatibong tantya sa mga aksyong masa na nagsimula noong Agosto 28 at natapos nitong Setyembre 3.
Noong Agosto 28, sinimulan ng may 15,000 aktibista ang rali sa pagbatikos sa anti-aborsyong patakaran ni Bush. Kasabay sa pagbubukas ng kumbensyon, umabot sa mahigit dalawang milya (3.2 kilometro) ang haba ng mga nagmartsa noong Agosto 29. Pinangunahan ito nina Michael Moore, ang kilalang direktor ng pelikulang "Fahrenheit 9-11" at Atty. Jesse Jackson ng Democratic Party. Inabot ng dalawang oras ang pagmamartsa ng 400,000 katao. Kabilang sa nagmartsa ang 1,000 katao na pasan ang mga nakabalot sa bandilang kabaong bilang simbolo ng mga namamatay na sundalong Amerikano sa Iraq. Ayon sa ipinalabas na datos ng Pentagon, 975 ang namatay at 6,916 ang mga sugatang sundalo ng US sa Iraq mula noong Marso 2003.
Noong Setyembre 1 naman ay naglunsad ang mga demonstrador ng tatlong milyang haba (4.8 kilometro) ng simbolikong pila ng mga walang hanapbuhay. Ayon sa mga organisador, tatlong milyong trabaho ang nawala mula noong taong 2000, na pinalala pa noong 2003 nang maglunsad ng gera ang gubyernong Bush laban sa Iraq. Mga 45 milyong Amerikano naman ang walang "health care."
Binatikos din nila ang kawalan ng pondo ng gubyerno para sa kagalingang panlipunan tulad ng para sa pensyon, tulong sa mga pasyente na may AIDS at iba pa. Pinanawagan din nila ang pagsuporta sa pakikibaka ng mga mamamayang Palestino; mga karapatan ng mga imigrant at mga bakla; at pagpapatigil sa kaguluhan sa Sudan.
Sa desperasyong pigilin ang mga lehitimong protesta, nagpakat ang gubyerno ng 10,000 lokal na pulis, bukod pa sa mga pangkat ng SWAT, pederal at pang-estadong pwersang panseguridad at "attack dogs." Lampas 1,800 katao ang iligal na inaresto at ikinulong. Nilampasan nito ang rekord na naitala noong 1968 Chicago Convention ng Republican Party kung saan 589 ang inarestong demonstrador.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|