Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Oplan Unlad Bayan:
Bigo sa Hilagang Mindanao

"Kung nabigo natin ang Oplan Lambat Bitag habang nananaig pa ang maling linya, walang dahilan para hindi natin maingungudngod sa kabiguan ang Oplan Unlad Bayan ngayong nananaig at isinusulong natin ang kilusang pagwawasto". - Kalihukan, panrehiyong pahayagang masa sa Hilagang Mindanao

Kasalukuyang ipinatutupad sa Hilagang Mindanao ang UP-UP Normin (Unity for Peace-Unity for Progress in Northern Mindanao) na siyang bersyon ng Oplan Unlad Bayan (OUB) sa rehiyon.

Nauna rito, ipinatupad noong 1987 sa buong bansa ang Oplan Lambat Bitag (OLB), isang programang kontra-insurhensya na binalangkas ng dating Kalihim sa Pambansang Depensa na si Fidel V. Ramos. Nilayon ng OLB na pagkaitan ng baseng masa ang rebolusyunaryong kilusan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga malakihang operasyong militar sa mga pinaghihinalaang balwarte ng kilusan. Anang rehimen, kung ang kilusan ay isda at ang masa ay tubig na nilalanguyan nito, magmimistulang isdang sisinghap-singhap ang mga rebolusyunaryong pwersa kapag nawalan ito ng tubig. Hindi magtatagal at mamamatay ang isda.

Ipinagyabang ng dating pangulong Corazon Aquino na madudurog ng mga tropang AFP ang rebolusyon bago matapos sa 1992 ang kanyang panunungkulan. Subalit hindi ito ang nangyari. Sa kabila ng malaking hirap na idinulot ng OLB sa masa at mga rebolusyunaryong pwersa, hindi ito nagtagumpay sa mithiin nitong pawiin ang kilusan.

Dalawang ulit na ipinagpaliban ng gubyerno ang sarili nitong dedlayn sa pagwasak sa rebolusyon, at dalawang ekstensyon pa ng OLB ang ipinatupad hanggang 1994.

Buong akala ng reaksyunaryong estado na ang naganap na matinding banggaan sa pagitan ng mga oportunistang taksil at mga tunay na rebolusyunaryo noong 1992-94 ay hudyat na ng pagkadurog ng kilusan. Ngayong nakaluklok na sa poder ang naging pasimuno ng OLB na si Ramos, ipinagkakamali rin niya na ang naganap na pansamantalang paghupa ng mga taktikal na opensiba ng BHB (bunga ng pagdiin ng kilusan sa konsolidasyon) ay dagdag na patunay ng inaasam nilang "estratehikong tagumpay" laban sa rebolusyon. Batay dito, tinapos ng rehimen ang OLB at tumungo ito sa susunod na antas: ang Oplan Unlad Bayan. Layon daw ng OUB na "konsolidahin" naman ang mga "tagumpay" na natamo ng AFP.

Sangkap ng OUB ang

  • "pagpapaunlad" sa kabuhayan ng mamamayan at "pagpapalahok" sa kanila sa mga kilusang binubuo ng reaksyunaryong gubyerno;

  • pagbubuo ng mga kontra-rebolusyunaryong organisasyon sa hanay ng mamamayan; at

  • pagbigo sa anumang pagtatangka ng mga pwersang gerilya ng BHB na mabawing muli ang mga eryang "kinokonsolida" na ng AFP.

OUB at "Pilipinas 2000"

Magkatiyap ang pagpapatupad ng OUB at ng programa ng rehimeng Ramos na gawing "tigre ng Asya" ang Pilipinas pagsapit ng taong 2000. Ibig sabihi'y layon ni Ramos na sundan ang halimbawa ng mga "bagong industriyalisadong bansa" sa Asya tulad ng Singapore, Taiwan at South Korea na mala-tigre daw ang sigla ng ekonomya.

Dahil mayor na bahagi ng programang ito ni Ramos ang pagbubukas ng malalawak na lupain sa bansa sa mga negosyong minahan, trosohan, agribusiness at real estate ng mga dayuhan, binigyan ng rehimen ng mahalagang papel ang AFP bilang tagapamayapa at tagapanlinlang sa mga mamamayang maitataboy mula sa kanilang lupain bunga ng naturang mga negosyo. Pangunahin nilang target ang mga mamamayang lumad, settler, at magbubukid na direktang tatamaan ng mga ganitong pakana. Nariyang gamitan sila ng AFP ng magkatuwang na taktika ng panlilinlang at dahas; "kabaitan" at pwersang militar; "pangungumbinsi" at pananakot.

Sa kabilang banda, kinokonsentrahan ng AFP ng dahas militar at propaganda ang mga liblib na baryo sa gubat at kabundukan dahil naniniwala rin sila na ang nalalabi na lamang daw na base ng rebolusyon ay ang mga katutubo na naninirahan dito. Ayon sa mga pasimuno ng UP-UP Normin, kung malilinlang at makakabig ang mamamayang lumad, tiyak na mawawala na raw sa eksena ang mga pwersa ng BHB sa Hilagang Mindanao.

UP-UP Normin

Gumagamit ng dalawang tipo ng pwersang militar ang OUB: mga makilos na pwersang panlaban, at mga tinaguriang "Special Community Forces" (SCF) na nagbababad sa mga baryo. Ang SCF ang bagong bersyon ng Special Operations Teams o SOT na pinakawalan sa panahon ng OLB. Sa ilalim ng UP-UP Normin, ang mga SCF ay mas kilala sa pangalang ACORD (Army Community Organizing for Rehabiltation and Development) teams.

Ang UP-UP Normin ay direktang pinangangasiwaan ng 4th ID ng Philippine Army. May kaukulan ding programa para sa buong isla ang Southern Command ng AFP, ang "UP-UP Mindanao".

Batay sa oryentasyong psy-war nito, kinokopya ng mga ACORD teams ang kilos ng mga Sandatahang Yunit Pampropaganda ng BHB. Nagbabahay-bahay din sila at nagsasagawa ng ilang programang civac (civic action). Subalit hanggang dito na lamang ang kaya nilang gayahin.

Di tulad ng mga SYP na nagpopropaganda upang mulatin ang masa sa katotohanan at pukawin silang lumaban para sa kanilang karapatan, niloloko at hinahainan ng mga ACORD teams ng itim na propaganda ang mamamayan upang makabig sila laban sa rebolusyunaryong kilusan.

Kabilang din sa taktika ng ACORD ang pagsakay sa mga katutubong tradisyon upang magamit ito laban sa kilusan. Batikan dito si Capt. Lowell Santos, isang psyops specialist ng 4th ID. Minaniobra ni Santos ang pagdaraos ng isang "dumalongdong" o tribal assembly upang maagaw niya ang liderato ng tribung Higaonon at kilalanin siya bilang supreme datu. Ito'y sa kabila ng hindi niya pagiging lumad. Minaniobra rin niya ang pagdeklara ng "tampuda" o peace pact sa hanay ng iba't ibang tribung lumad sa Hilagang Mindanao upang pagkaisahin sila laban sa BHB.

Ikinagalit ng mga matandang lider Higaonon ang ginawang paglapastangan ni Santos sa "dumalongdong". Para sa naturang tribu, ang "dumalongdong" ay isang sagradong institusyon. Mahigpit nilang pinanghahawakan ang anumang mapagkakasunduan dito. Batay sa kanilang paniniwala, "mogabaan" o sasamain ang sinumang hindi tatalima sa desisyon ng "dumalongdong". Kaya't labag man sa kanilang kalooban, napilitan silang kilalanin si Santos. Subalit sa kaso ng peace pact, pumayag lamang ang mga tribu na huwag maglaban-laban; hindi sila pumayag na ituring na kaaway ang BHB.

Nagpatuloy si Santos sa pagpasok sa mga liblib na baryo upang lansihin ang mga naninirahan dito na "sumuko" at magsilipat sa mga strategic hamlet sa sentro ng baryo.

Noong Pebrero 22, 1996, dinakip ng mga Pulang mandirigma si Santos, kasama ang isang alalay niyang sarhento, habang nanghihikayat ang mga ito ng mga taumbaryo ng Lantad, Malingasag, Misamis Oriental na sumurender. Nakatakas ang apat pang sundalong myembro ng ACORD team na pinamunuan ni Santos.

Laking gulat ng kapitan nang arestuhin siya ng mga kasama. Sa buong pag-aakala niya, malaon nang naitaboy ang mga gerilya ng BHB sa erya. Limang buwang naging bihag ng digma (prisoner of war) si Santos at ang kanyang alalay bago sila pinakawalan noong Hulyo 22, 1996 sa mga kinatawan ng International Committee of the Red Cross, simbahan at lokal na reaksyunaryong gubyerno.

Hatiin at Pagharian

Ibayong nakapagpatingkad ang pagkaaresto ni Santos sa mga pagsisikap ng rebolusyunaryong kilusan na ilantad sa publiko ang tunay na layunin at katangian ng UP-UP Normin.

Sa layuning wasakin ang rebolusyunaryong pagkakaisa ng mamamayan, walang patid ang kampanya ng AFP sa masa at kasama na talikuran ang kilusan at sumuko. Tulad ng kalakaran sa OLB, sinasamantala ang "bulnerabilidad" ng mga nais nilang pasukuin: Direktang kinakausap ang mga kamag-anak at pamilya ng mga pultaymer upang mapresyur na sumurender ang huli. Pinadadalhan ng sulat ang mga Pulang mandirigma. Ginagamit ang impluwensya ng datu ng tribu (sa kaso ng mga lumad na kasama). At mismong mga dating nagsisuko ay ginagamit din upang manghikayat pa ng iba. Syempre pa, sige rin ang pagpapalabas ng propaganda hinggil dito sa radyo at pahayagan.

"Anupamang 'oplan' ang ilunsad ng AFP, nananatili itong reaksyunaryo, pasista at anti-mamamayan sa kaibuturan. Wala itong ibang patutunguhan kundi kabiguan."

Ilan sa mga unang napasuko ng 4th ID ay sina Deo Uncad at Datu Manligoyan, parehong mga lider ng katutubong Higaonon na taga- Km. 27, Las Nieves, Agusan del Norte. Panay ang pagpapabantog ng AFP sa ngalan ng dalawa, na diumano'y mga modelong dapat tularan. Aktibo rin ang dalawa sa pagpapasuko sa mga kapwa nila Higaonon.

Para mas maging kaiga-igaya ang pagsurender, ipinangangalandakan ng 4th ID ang pagbibigay ng "malaking halaga" ng pera sa mga nagsisuko, lalo na yaong may dalang baril. Tinutulungan din daw ang mga itong magtatag ng mga "kooperatiba" at pinauutang ng puhunan para makapagnegosyo. Ang totoo, bihirang makinabang ang mga surenderi sa naturang mga programa dahil ginagawang palabigasan ng mga bulok na opisyal at burukrata ang pondong nakalaan dito.

Gayumpaman, may ilang piling erya na binubuhusan ng sapat-sapat na halaga ng 4th ID at lokal na reaksyunaryong gubyerno upang gawing "showcase barrio" o pakitang-tao. Ang ilang halimbawa ay ang Km. 27 sa Agusan del Norte at Lantad sa Misamis Oriental, na tinayuan ng eskwelahan at pinaglunsaran ng proyektong pangkalusugan. Namahagi din ng mga parsela ng lupa sa ilang pamilya at "ibinigay" sa mga Higaonon ang kanilang lupang ninuno sa pamamagitan ng isang Certificate of Ancestral Domain Claim (CADC). Malaking panloloko ang huli dahil animo'y dapat pang tanawing utang na loob ng mga Higaonon sa gubyerno ang pananatili nila sa lupang malaon nang pag-aari ng buong tribu.

Kabilang pa rin sa programa ng UP-UP Normin ang pagtatatag ng Barrio Intelligence Network (BIN) o mga Civilian Volunteer Organization (CVO) para magsilbing "mata at tainga" ng kontra-rebolusyon sa baryo. Ang sinumang tagabaryong nabistong may kuneksyon sa mga armadong rebolusyunaryo ay agad isinusuplong ng BIN sa kaaway. Sinasabing daig pa raw ng ACORD ang manatad (isang uri ng ibong napakatuling lumipad) sa bilis nitong umaksyon sa anumang ulat mula sa kanilang mga impormer hinggil sa kilos ng mga Pulang mandirigma.

Ang mga naturang impormer ay siya ring ginagamit para maniktik sa kilos ng mga ligal na progresibong organisasyon na naghahatid ng iba't ibang serbisyo sa mga baryo sa kabundukan. Isinusuplong din at tinatakot ang mga ligal na organisador, pati na ang mga masang naugnayan ng mga ligal na grupo.

Hindi lamang sa baryo aktibo ang lambat-paniktik ng kaaway. Maging sa mga bayan at lungsod minamanmanan din ang mga ligal at progresibong organisasyon at personahe upang matukoy kung alin at sino sa mga ito ang may "kaugnayan" sa rebolusyunaryong kilusang lihim.

Sa ganitong konteksto, may natatanging papel sa UP-UP Normin ang mga non-governmental organizations (NGO) at personaheng rebisyunista at oportunista sa paghahasik ng ibayong kalituhan at panlilinlang sa masa.

Upang hindi makalugar ang mga ligal na organisasyong tunay na progresibo at makamamamayan, ginagamit ng 4th ID ang mga grupo tulad ng Coalition for Peace (COPE) na nakabase sa Bukidnon; ang Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) na may opisina sa Agusan del Sur; at Education for Life (ELF) na nakabase sa Butuan City.

Ang COPE ay aktibo sa pagtatayo ng mga "peace zones" kung saan hindi pinahihintulutang pumasok ang BHB at militar. Ito'y upang hindi raw maging sagabal sa pag-unlad ng ekonomya ang gulong dulot ng digmaan. Ang totoo, maingay lamang magpropaganda ang COPE kapag may nababalitaan itong kilos ang BHB sa erya. Subalit tahimik ito kahit labas-masok ang AFP sa "peace zone".

Ang PRRM, na pinamumunuan ng renegadong si Horacio 'Boy' Morales, ay malaon nang bistado bilang instrumento ng Central Intelligence Agency para sa kontra-insurhensya. Aktibo itong nagtatayo ng mga "kooperatiba" at "samahang magsasaka" upang madiskaril ang pagbubuo ng mga organisasyong masang tunay na magtataguyod sa maka-uring interes ng mga magbubukid.

Ang ELF, na pinamumunuan ng isa pang renegado, si Edicio de la Torre, ay aktibo sa pagoorganisa ng mga proyektong pangkabuhayan sa mga lugar na "kinokonsolida" ng 4th ID. Kinakasangkapan din ng AFP ang Indigenous People's Apostolate (IPA), isang samahan sa ilalim ng simbahang Katoliko, na nag-oorganisa rin ng mga "showcase projects" lalo na sa hanay ng mga surenderi. Sa pamamagitan ng ilang lider nito na tukoy na kontak ng AFP, nakikipagkutsabahan ang IPA sa 4th ID sa pangungumbinsi sa mga lumad na mag-apply para sa CADC. Ikinakampanya rin ng IPA sa mga lumad na papasukin sa kanilang lupain ang mga dayuhang kapitalistang korporasyon tulad ng Nestl�. Balak ng Nestl� na magpalawak ng plantasyon nito ng kape at kakaw sa iba't ibang bahagi ng Misamis Oriental. Aktibo rin ang IPA sa mga baryo ng Cagayan de Oro at Bukidnon.

Kapayapaan at Kaunlaran?

Sa kabila ng retorikang "kapayapaan at kaunlaan" na binibitiwan nito, nagpapatuloy sa ilalim ng UP-UP Normin ang mga malakihang operasyong militar sa mga pinaghihinalaang balwarte ng rebolusyunaryong kilusan. Laking platun, kumpanya o brigada ang mga naturang operasyon, na inilulunsad din sa mga eryang pinaniniwalaan nilang "naagaw" na muli ng BHB.

Sariwa pa sa alaala ng mga katutubong Manobo na naninirahan sa hangganan ng Agusan del Sur at Surigao del Sur ang pambobomba na ginawa ng 401st Bde noong Agosto 1995 na naging sanhi ng pagkamatay ng walong lumad, kabilang ang apat na bata.

Inoperasyon din ng 67th IB ang tatlong baryo sa Surigao del Sur noong Marso 1997 sa kabila ng tigil-putukan na idineklara ng rehimeng Ramos. Sa naturang operasyon, ninakaw ng mga sundalo ang isang kalabaw na ginagamit diumano ng BHB sa communal farms nito at hinalughog at pinagnakawan ang isang tindahang diumano'y kooperatiba raw ng rebolusyunaryong kilusan.

Hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang ganitong mga operasyon.

Hindi lamang mga regular na tropa ng AFP ang pinakikilos ng 4th ID sa paghahasik nito ng dahas at pananakot. Nagpapakawala rin ang militar ng mga grupong panatiko, lalo na kung may mga "dirty jobs" kung saan ayaw masangkot ng AFP.

Isang halimbawa ang naganap sa Tandag at Lanuza, Surigao del Sur noong huling kwarto ng 1996. Pinapasok ng militar sa naturang erya ang mga panatikong Pulahan upang protektahan ang interes ng Surigao Development Corp., isang kumpanya sa logging na pag-aari ng pamilyang Puyat. Subalit nagkaisa ang mga katutubong Mamanwa at Manobo at sa tulong ng mga ligal na progresibong organisasyon, matagumpay nilang napalayas ang mga Pulahan.

Sa isa pang kaso sa Bayugan, Agusan del Sur noon ding 1996, inaresto ng BHB ang isang Pulahan na nagtangkang mag-organisa ng mga grupong panatiko sa lugar. Matapos siyang litisin at mapatunayang may sala ng isang hukumang bayan na kinabilangan ng mga kinatawan ng Partido, Hukbo, organisasyong masa at mga karaniwang taumbaryo, pinarusahan ng kamatayan ang naturang organisador.

Patunay lamang ang mga ganitong gawain ng AFP na anupamang "oplan" ang ilunsad nito, nananatili itong reaksyunaryo, pasista at antimamamayan sa kaibuturan. Dahil dito, wala itong ibang patutunguhan kundi kabiguan.

Hindi ito mahirap ipagagap sa mga magbubukid, settlers at mamamayang lumad dahil saksi sila sa lahat ng ito. Ibandera man ng 4th ID ang halimbawa ng mga surenderi na sina Deo Uncad at Datu Manligoyan, bumubwelta rin sa AFP ang ganitong pagyayabang � walang tunay na ipinagbago ang kabuhayan ng dalawa. Wala ring tunay na ipinagbago ang kabuhayan ng mga naninirahan sa mga "showcase barrios".

Biguin ang UP-UP Normin

Anang NDF-Hilagang Mindanao, susi sa pagbigo sa UP-UP Normin ang pagsusulong at pagkumpleto sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Tinukoy ring mahalaga sa gawaing ito ang

  • sekretong pagkilos ng mga pwersang gerilya at mga organisador ng rebolusyunaryong kilusang lihim sa kalunsuran, lalo na kapag nakikipag-ugnayan sa masa;

  • pagbaklas sa lambat-paniktik ng kaaway sa mga baryo sa paraang pampulitika at militar;

  • mapangahas at malikhaing pagpukaw, pagoorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa, lalo na sa mga lugar na makapal ang populasyon;

  • pagpapataas sa kamulatang pampulitika ng masa hinggil sa lipunan at rebolusyong Pilipino at sa nilalaman ng Oplan Unlad Bayan at UP-UP Normin;

  • palagiang pag-aaral sa kilos ng kaaway sa bawat eryang sinasaklaw ng huli at kung paano nito ipinatutupad ang OUB at UP-UP Normin para epektibong makontrahan ito; at

  • paglulunsad ng mga taktikal na opensiba na siguradong magtatagumpay at makapagpapalapad o makapagkokonsolida sa baseng masa.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1997
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sumulong sa Ika-30 Anibersaryo!

Bumubugso Pasulong ang Rebolusyon!
New Mining Act of 1995:
Kontra-Mamamayan, Salot sa Kalikasan

Oplan Unlad Bayan:
Bigo sa Hilagang Mindanao
Renegadong Taksil sa Kanlurang Mindanao:
Pupulutin sa Kangkungan ng Kasaysayan

Balita
Pakikidigmang Gerilya:
Sumusulong sa Buong Kapuluan

Komunike ng Ikatlong Panrehiyong Kumperensya ng Timog Katagalugan:
Kamtin ang Dramatikong Pagsulong!

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.