Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sa ibayong dagat: Bagong antas ng pakikibaka sa Iraq

 Read this article in English

Nang madakip ng mga tropang Amerikano si dating Pres. Saddam Hussein noong Disyembre 2003, inakala ng US na hihina at huhupa na ang paglaban ng mga Iraqi. Sa halip, nag-ibayo pa ang armadong pakikibaka ng sambayanang Iraqi laban sa mananakop.

Mula Abril ng taong ito, dinanas ng mananakop na koalisyong pinamumunuan ng US ang pinakamatitinding bira ng lumalabang mamamayang Iraqi. Mahigit 80 sundalong Amerikano na ang namatay sa mga opensibang Iraqi ngayong buwan. Umaabot na sa 700 ang bilang ng mga Amerikanong namatay sa Iraq mula nang sakupin ng US ang bansa noong Marso 2003.

Lumalawak na patriyotikong pagkakaisa. Isang armadong pag-aalsa ng mga Shi'ite sa bansa ang sumiklab noong Abril 4.

Ang mayoryang etniko-relihiyosong grupong Arab Shi'ite ay kabilang sa mga pwersang maagang nagpahayag ng pagtutol sa pananakop ng US sa Iraq. Sa matagal na panahon, nanawagan silang patalsikin ang US at lusawin ang papet na Iraqi Governing Council (IGC) sa pamamagitan ng relatibong mapapayapang martsa at aksyong protesta sa Baghdad at iba pang lunsod. Ang organisadong pagtutol ng mga Shi'ite ay pinangungunahan ni Moqtada al-Sadr, isang lider relihiyoso.

Matapos ang walang pakundangang pamamaril ng mga sundalong Amerikano sa isang pulutong ng mga Shi'ite sa Sadr City kung saan dalawang Iraqi ang napatay, inianunsyo si Sadr noong Oktubre 2003 ang pagtatayo ng nagsasariling gubyernong Iraqi. Nagsindi ang mitsa ng kaguluhan nitong Marso 28 nang ipag-utos ng US ang pagpapasara sa isang pahayagang kontrolado ng grupo ni Sadr dahil sa pagtuligsa nito sa mga mananakop. Makaraan ang limang araw, nanawagan na si Sadr sa kanyang mga tagasunod na maglunsad ng mga armadong bira sa mga mananakop.

Bago pa man sumiklab ang pag-aalsang Shi'ite, may malaganap nang kilusang gerilya ng iba't ibang patriyotikong pwersa sa Iraq, na kalakha'y kabilang sa etniko-relihiyosong grupong Arab Sunni, na bumubuo ng humigit-kumulang 20% ng mamamayan. Sa paglahok ngayon dito ng mga Shi'ite, na bumubuo sa mahigit 60% ng mamamayan, sumaklaw na sa kalakhan ng Iraq ang armadong paghihimagsik.

Sa simula pa lamang ng pananakop, nagsikap ang US na gatungan ang mga pagkakaiba ng mga Shi'ite at Sunni upang hatiin ang mamamayang Iraqi at pahinain ang kanilang kakayahang lumaban.

Taliwas sa inaasahan ng US, napapanday ngayon ang mas malawak at mas matibay na pagkakaisang Iraqi na nagsasaisantabi sa mga pagkakaibang etniko at relihiyoso at naghuhudyat ng panibagong antas sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan. Sa iba't ibang moske sa Iraq ngayon, sama-sama nang sumasamba ang dating magkatunggaling mga Sunni at Shi'ite. Sa Fallujah at iba pang lunsod kung saan mayorya ang mga Sunni, sinasalubong ang grupo ni Sadr at ipinagbubunyi sila bilang mga bayani.

Mababangis na operasyong militar ang tugon ng US sa lumalaganap na paglaban. Bunsod nito, hindi na rin matiis maging ng ilang upisyal ng IGC na patuloy na manahimik. "Henosidyo ito!" ani Ghazi Ajil al-Yawer, isang myembro ng papet na konseho, bilang reaksyon sa mga aksyon ng US sa Fallujah nitong nakaraang linggo. Umabot sa 450 Iraqi ang napatay at 1,000 ang nasugatan sa naturang mga operasyon.

Dahil din dito, nagbitiw sa pwesto ang ministro sa karapatang-tao at isang panghaliling pangulo ng IGC.

Maging ang mga sundalo at pulis na nirekluta ng papet na gubyerno sa Iraq ay hindi mapagkatiwalaan ng US at ng IGC. May ilang pagkakataon na silang tumangging lumaban sa mga kapwa Iraqi. Noong isang linggo, halimbawa, tumanggi ang mga tropa ng papet na Iraqi Armed Forces na sumama at sumuporta sa US Marines laban sa mga nag-aalsang Shi'ite.

Nayayanig ang koalisyon. Ang umiigting na paglaban ng mga Iraqi ay yumayanig ngayon sa koalisyong pinamumunuan ng US. Lumalawak sa mga bansang kabilang sa koalisyon ang pagtutol sa gera at ang panawagang pauwiin na ang mga tropa nila sa Iraq.

Ang pagtutol ay lalo pang pinasidhi ng serye ng mga pagdukot ng mga pwersang Iraqi sa mga dayuhan mula sa mga naturang bansa. Di bababa sa 15 mga dayuhan ang pinaniniwalaang bihag ngayon ng mga nag-aalsang Iraqi. Iginigiit nilang kapalit ng pagpapalaya sa mga bihag ang paglayas ng mga pwersang mananakop mula sa bansa.

Isa-isa ngayong nag-aatrasan ang mga bansang kabilang sa koalisyon. Sa susunod na mga linggo, aalis na sa Iraq ang tropa ng Kazakhstan. Nito namang Abril 19, sinimulan na ng Spain ang proseso ng pagpapauwi sa mga sundalo nito sa Iraq. Nagpasya na ring umatras ang Honduras at Nicaragua.

Lahat ng iba pang gubyernong sumusuporta sa gera ng US sa Iraq ay sumasailalim sa matinding presyur mula sa kani-kanilang mamamayang tumututol sa pananakop.

Anu't anuman, ibayong nalalantad ngayon ang pagiging tigreng papel ng mananakop na koalisyon. Magpilit pa mang manatili nang matagal sa Iraq ang US at mga kaalyado nito sa kabila ng tuluy-tuloy na mga pagkatalo sa labanan at mariing internasyunal at lokal na mga protesta at presyur, matatali ito sa lumalalang depensibong katayuan na hahantong lamang sa tiyak na pagkatalo.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Abril 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paghandaan ang pagpapatupad ng JMC

Pulang pagpupugay kay Silvino �Ka Bino� Clamucha
Mga ulat koresponsal:
Mga intriga ng AFP, pinabulaanan

Mga ulat koresponsal:
Tuloy ang pakikibaka para sa lupa sa Hacienda Luisita

Sa ibayong dagat: Bagong antas ng pakikibaka sa Iraq
Sa ibayong dagat:
Sharon Plan, isang tusong pakana

Balita:
Mga kasapi ng KARAPATAN, ginawang hostage ng militar

Balita:
KAGUMA, 33 taon na

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.