Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US

 Read this article in English

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang karumal-dumal na pagpapabagsak ng apat na sibilyang eroplano sa New York, Washington DC at Pennsylvania sa US na pumatay sa libu-libong inosenteng sibilyan. Ang sadya at malisyosong pagtarget sa mga inosente ay di maaaring bigyang katwiran kahit pa sabihing ito'y pagganti sa katulad na terorismo ng imperyalismong US.

Gayunman, sadyang mas kasuklam-suklam ang paggamit sa pangyayaring ito para isulong ang imperyalistang interes ng US. Itinatambol ngayon ng US ang tinatawag nitong "digma laban sa terorismo" upang bigyang-katwiran ang mga hakbangin nito sa pagpapalawak ng kapangyarihang militar, sa partikular, sa Central at South Asia, bantaan ang kasarinlan ng lahat ng bansa sa daigdig laluna yaong mga may paninindigang anti-US, higit na ipailalim ang mga papet na rehimen sa hegemonya ng imperyalismo at sagkaan ang mga rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa daigdig.

Duguan ang kamay ng imperyalismong US sa mahabang kasaysayan ng paghahasik nito ng terorismo at pagmasaker sa milyun-milyong ordinaryong mamamayan sa buong daigdig. Nakaukit na sa kolektibong alaala ng mga bansang sinalakay at dinambong ng imperyalismong US ang mga latay ng terorismo nito. Sino ang makalilimot sa unang sikad ng terorismo ng US sa ika-20 siglo kung saan 400,000 ordinaryong Pilipino ang pinatay nang saklutin ng US ang Pilipinas? sa mahigit 100,000 sibilyang pinatay ng imperyalismong US nang pabagsakin nito ang bomba-atomika sa mga sentrong populasyon ng Hiroshima at Nagasaki sa Japan noong Agosto 1945? o, sa milyun-milyong mamamayan mula sa Vietnam hanggang Iraq, Nicaragua hanggang Yugoslavia, na pinatay sa mga digmang agresyon ng US sa imperyalistang hangaring itaguyod ang kapangyarihan nito sa buong daigdig?

Ang imperyalismong US ang ultimong responsable sa terorismong ngayo'y ibinabalik dito at pumipinsala sa mga inosenteng mamamayang Amerikano. Pinangunahan ng US ang pagpinsala sa mga populasyong sibilyan at ang pagbalewala at pagwalanghiya sa mga batas at tuntunin ng sibilisadong digma.

Ang terorismong kinukundena ngayon ng imperyalismong US ay anak ng sarili nitong terorismo. Katunayan, si Osama bin Laden, ang numero unong pinagsususpetsahan ng gubyernong US sa mga atake sa World Trade Center at Pentagon, ay kinandili at inaruga ng CIA sa armadong paglaban sa mga pwersang Sobyet sa Afghanistan noong dekada 1980. Sa gayon ding paraan, sinuportahan ng US ang Kosovo Liberation Army (KLA), dating tinatagurian nitong terorista, nang salakayin ng NATO ang Yugoslavia noong 1999 upang pabagsakin ang gubyerno ni Slobodan Milosevic. Pero, dahil pabor na ang NATO sa bagong gubyerno sa Yugoslavia, dinidisarmahan na ngayon ng NATO ang KLA. Ang Abu Sayyaf sa Pilipinas ay mga mersenaryong terorista na sinanay ng US sa Afghanistan noong panahong magkasabwat pa ang US at si bin Laden, at ginamit sa paglaban sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Bangsamoro.

Bilang tugon sa teroristang atake sa New York at Washington, itinutulak ngayon ng gubyernong Bush ang isang mas masahol na terorismo. Ang buong Kongreso ng US ay naglaan ng $40 bilyon na inisyal na pondo para sa "digma laban sa terorismo" at nagbigay kay Bush ng malawak na kapangyarihang maglunsad ng digma.

Ginagamit ngayon ng US ang bruskong diplomasya at panggigipit sa ekonomya ng mga bansang di agad nagpahayag ng suporta sa militarismo at jingoismo (pananawagan ng agresyon sa ibang bansa) ng US. Nagbaba si Bush ng ultimatum: na ang anumang bansang hindi susuporta sa "gerang anti-terorismo" ng US ay ituturing na kakampi ng terorismo. At para lalo pang mabraso ang mga bansang ito, nagpakalat ang gubyernong US ng listahan ng 60 bansang diumano'y may kinalaman sa terorismo. Kaya naman nagkukumahog ang mga lider ng mga bansang ito, kabilang ang Pilipinas, na magpahayag ng suporta sa US, sa pangambang gawin na rin silang target ng pananalakay ng US o gipitin sila sa pamamagitan ng pagpigil ng ayuda, pondo o pagdaloy ng kalakalan.

Habang lalong nagiging desperado, lalong magiging mabagsik ang imperyalismo sa paghahasik ng terorismo. Subalit lalo lamang itong magbubunsod makatarungang pagtutol at rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa daigdig.

Samantala, iniumang na ang 20,000 tropa, mga eroplano at barkong pandigma ng US sa mga estratehikong pusisyon sa Middle East at paligid nito at naghihintay na lamang ng utos mula kay Bush para isagawa ang aktwal na pagsalakay sa Afghanistan at iba pang target.

Iginigiit ng imperyalismong US na ang kasalukuyang digmaan ay hindi magiging katulad ng anuman sa nakaraan. Ilulunsad ito sa lahat ng larangan-militar, ekonomya, diplomasya, pulitika, at iba pa. Inihahanda nito ang mamamayang Amerikano sa isang madugong digma, na inaasahang tatagal nang hanggang 10 taon. Magkasabay na gagamit ito ng paraang hayag at lihim, na sa katunayan ay mga paraang "marumi" o labag sa mga pandaigdigang makataong batas at sibilisadong panuntunan sa digma. Pinaiigting ngayon ng US ang digmang sibil sa Afghanistan sa pamamagitan ng pagsuporta sa Northern Alliance na katunggali ng Taliban. Sinuspinde ang ilang pormal na probisyon ng batas ng US sa pakikidigma. Hayagang inendorso at inuudyok na ng gubyernong US ang pampulitikang asasinasyon sa mga itinuturing na kaaway saanman naroroon ang mga ito.

Idineklara ni Bush na ang "digma laban sa terorismo" ay sasaklaw sa buong daigdig. Tiyak itong gagamitin upang lalo pang panaigin ang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpupwesto ng mga pwersang militar nito sa iba't ibang panig ng mundo at paglulunsad ng mga teroristang pananalakay laban sa mga gubyerno at mamamayang lumalaban sa hegemonyang US at nagrerebolusyon para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Habang lalong nagiging desperado, lalong nagiging mabagsik ang imperyalismo sa paghahasik ng terorismo.

Subalit lalo lamang itong magbubunsod ng makatarungang pagtutol at rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa daigdig.

Ang rebolusyonaryong pagkilos ng mamamayan sa buong daigdig ang makagagapi sa imperyalismong US, sa mga lokal na reaksyunaryo at sa lahat ng klase ng terorismo. Kasabay ng pagkalugmok ng imperyalismong US at pandaigdigang sistemang kapitalista sa papalalim at papalalang krisis, lalong lumalakas ang rebolusyonaryong paglaban ng proletaryado at mamamayan sa buong daigdig. Ito ang maglilibing sa imperyalismo at magtataguyod sa kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

 


 Back to topNext article

Setyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US
Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US
Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat

Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko

Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya

Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines

RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo
CPLA isinanib na sa AFP
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.