Pandaraya sa bilihan ng saging, nilalabanan
Laganap ang pagtatanim ng saging ng mga magsasaka sa South Quezon. Isa ito sa mga sekundaryong produktong agrikultural at isa rin sa mga pangunahing pagkain ng mamamayan. Dito kumukuha ang mga magsasaka ng dagdag na kita sa panahong wala pang makokopra, ang pangunahin nilang pinagkakakitaan.
Binibili ng mga komersyante ang saging bilang sariwang prutas. Ang saging ay isa sa pangunahing sangkap sa paggawa ng ketsap. Ginagawa namang banana chips ang hilaw na saging habang minamatamis o ginagawang sangkap sa paggawa ng suka at alak ang mga hinog na hinog na. Kinukuha rin ang oil flavors nito para pampalasa sa mga pagkain at inumin gaya ng tsaa. Nakatutulong din ito sa paggamot sa maraming sakit tulad ng anemia, mataas na presyon at iba pang mga karamdaman.
Maliitan, hiwa-hiwalay at atrasado ang produksyon at bentahan ng saging sa prubinsya, di tulad sa malalaking plantasyon ng mga kumpanyang transnasyunal at asyenda ng saging sa Mindanao. Karaniwang nagtatanim ng saging sa maliliit na niyugan ang mga maralita at panggitnang magsasakang kapos na kapos ang kinikita. Isang taon ang pag-aalaga sa saging bago ito magbunga.
Maliliit na komersyante na nasa sentro ng mga sityo o barangay ang karaniwang binabagsakan ng mga produktong saging. Binibili nila ang saging sa halagang P40-45/daan. Kalimitan, ang mga komersyante ang direktang nagbibyahe ng mga saging paluwas ng Maynila o nagbebenta nito sa mga byahero sa halagang P75-80/daan. Umaabot sa minimum na 15,000-20,000 pirasong saging ang karga kada byahe sa loob ng isang linggo.
Sa pangkalahatan, binabarat ng mga komersyante ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtatakda ng napakababang presyo ng saging, pandaraya sa bilangan at arbitraryong pagsosortido at pagtetenor o pagtakda ng kalidad ng saging. Napakalaki ng kita ng mga ito dahil mula sa bilangang por piraso ay dumodoble ang presyo ng saging sa mga syudad o sentrong bayan kung saan por kilo na ang bilihan.
Kadalasa'y nagmumula sa pagbibilang ng saging ang pandaraya ng komersyante upang magkamal ng napakalaking tubo. Kabilang dito ang sistemang "pitaw" at "talsik," "may bali," "limahan" at "panilyo".
Sa sistemang "pitaw", dala-dalawa ang pagbibilang ng saging sa isang piling. Karaniwang walang pares ang bawat dulo nito dahil may isa o dalawang pirasong saging na nalalagas sa piling. Ang walang kaparis na piraso ay itinuturing na "pitaw" at libre itong napupunta sa komersyante.
Ang bilihang "may bali" ay nagaganap kapag sa pagtetenor ng komersyante ay ituring niyang maliliit ang saging na binibili. Dala-dalawa rin ang bilang at ang bawat pares ay pepresyuhan na lamang ng 50 sentimos (o 25 sentimos bawat isa) imbes na karaniwang 40-45 sentimos bawat isa.
Sa "limahan", palima-lima ang bilang sa isang piling ng saging. Anumang sosobra rito (halimbawa'y tatlong piraso) ay itinuturing na "talsik" at libre ring napupunta sa komersyante.
Kapag ang bilang ng saging ay umaabot naman ng 100 piraso, may libreng kalahating piling ang komersyante na kung tawagin ay "panilyo." Kung umabot ng 500 piraso, may "panilyo" naman na isang piling. Pinipili ng komersyante ang pinakamalaking piling bilang "panilyo."
Ang paglaban sa pandaraya sa sistema ng bilangan at mataas na tenor sa produkto ng saging ay isang bahagi lamang ng kabuuang laban para pataasin ang presyo ng lahat ng mga produktong bukid. Ang tuluy-tuloy na pakikibaka para sa kagyat na kapakinabangan ng mga magsasaka ay bahagi ng hakbang-hakbang na pagsusulong ng rebolusyong agraryo.
Kasabay nito, pinalalakas at pinalalawak ang mga samahang magsasaka hanggang sa sumaklaw na ang mga ito ng buu-buong mga baryo. Sa hinaharap, maaaring magsilbing kooperatibang pamproduksyon ang mga samahang magsasaka upang kolektibo nilang maharap ang mga mapagsamantalang komersyante at ibayong maigiit ang makatarungang presyo para sa kanilang mga produkto at iba pang benepisyo para sa mga magsasaka.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|