Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

BRIGADE COMMANDER, 12 PANG SUNDALO PATAY SA AMBUS SA ISABELA

Napatay ang isang brigade commander ng Philippine Army at 12 pang sundalo nang tambangan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kanilang convoy nitong Hunyo 27 sa hangganan ng Barangay Linomot at Barangay Sta. Isabel sa Jones, Isabela.

Si Col. Josefino Manayao, kumander ng 502nd Infantry Brigade at isa pang sundalo ay namatay sa ospital habang kaagad na napatay ang 11 sundalo, kabilang si 2Lt. Wilfredo Estanislao, executive officer ng 54th IB. Sina Manayao at Estanislao ay kapwa gradweyt ng Philippine Military Academy.

Ang opensiba ay inihudyat ng pagpapasabog sa trak na nasa hulihan ng convoy na kinabilangan ng limang sasakyang militar. Nakumpiska ang 11 M16 at isang M203 grenade launcher sa naturang ambus.

Ayon sa Benito Tesorio Command ng BHB sa Isabela, ang pusakal na 502nd Brigade ay sangkot sa malawakang paglabag sa mga karapatang-tao, kabilang ang pagtortyur at pananalbeyds sa mga pinaghihinalaang rebolusyonaryo at ang pambobomba at sapilitang pagpapalikas sa buu-buong mga komunidad sa Isabela.

7 SUNDALO, 1 CAFGU PATAY SA AMBUS SA SAMAR

Pitong sundalo ng Philippine Army at isang elemento ng CAFGU ang napatay samantalang isa ang nasugatan nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma sa Maslog, Eastern Samar. Inilunsad ang ambus nitong Hunyo 15, bandang ika-10 ng umaga.Ang mga inambus na tropa ay kabilang sa isang 10-kataong composite team mula sa 14th IB.

DESPOTIKONG ASENDERO, PINARUSAHAN SA LEYTE

Ginawaran ng rebolusyonaryong hustisya ng mga gerilya ng BHB ang isang despotikong asendero ng Leyte nitong Hunyo 12. Si Joaquin Labra ay pauwi na mula sa pagbisita sa kanyang tubuhan at sakay ng kanyang dyip nang ambusin ng mga mandirigma ng BHB sa Barangay Natugban, Kananga.

Pinarusahan si Labra dahil sa kanyang mabibigat na pananagutan sa mamamayan. Kabilang dito ang pagiging utak sa pagpaslang kay Reyaldo Villota noong Agosto 22, 1999. Marami rin siyang kaso ng pangangamkam ng lupa, panghaharas at pananakot sa mga magsasakang nagtatanggol sa kanilang karapatan sa lupa.

AKSYONG PAGPARUSA, ISINAGAWA SA BOHOL

Pinarusahan ng mga Pulang mandirigma ang AER Construction Inc., subcontractor ng isang kumpanyang Hapones sa Barangay Imelda, Ubay, Bohol. Bandang ika-7 ng gabi nitong Hunyo 23, pinasok ng Hukbo ang motorpool ng kumpanya na nasa compound ng National Power Corporation. Madaling nakapasok ang mga gerilya dahil napaniwala nila ang mga gwardya ng kumpanya na sila ay mga sundalong naglulunsad ng operasyon sa lugar.

Sinunog ang heavy equipment kabilang ang dalawang dumptruck, cement mixer at bucket truck. Tinatayang aabot sa P3 milyon ang kabuuang pinsala sa kumpanya. Nagpakilala ang mga mandirigma bago umatras at ipinaliwanag sa mga gwardiya at mga manggagawa ng kumpanya ang batayan ng ginawang pagpaparusa.

KUMPANYA NG SMART SA QUEZON, NIREYD NG BHB

Mabilis na sinalakay ng mga gerilya ng BHB nitong Mayo 19 ang isang cellsite ng Smart Communications sa Villapadua, Gumaca, Quezon bandang 12:45 ng tanghali. Nadisarmahan ang nag-iisang gwardiya ng kumpanya. Sinunog ang guardhouse, isang communication van, dalawang generator at ang bodega nito. Aabot sa mahigit sa P1 milyon ang halaga ng pinsala sa kumpanya. Isinagawa ang aksyong pagparusa dahil sa pagmamatigas ng kumpanya na kilalanin ang rebolusyonaryong patakarang ipinatutupad ng kilusan sa lugar.

MASINGGAN, 2 RIPLE NAKUMPISKA SA AMBUS SA SURIGAO

Isang iskwad ng mga security guard at sundalo ng Philippine Army ang tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng BHB habang nagpapatrulya sa interyor na bahagi ng Tago, Surigao del Sur nitong Mayo 13.

Ang pagpapatrulya ay regular na isinasagawa ng magkasanib na sekyuriti ng Surigao Development Corp. at ng mga militar sa lugar. Magkatuwang sila sa pandarahas at panggigipit sa mga manggagawa ng kumpanya at mga mamamayan sa paligid nito. Napatay ang isang korporal at dalawang gwardya. Nasugatan naman ang isang sarhento. Nasamsam ang isang masinggan at dalawang riple sa naturang opensiba.

Samantala, inilunsad ang isang operasyong isparo sa lunsod ng Surigao nitong Mayo 19. Napatay ang dalawang abusadong pulis na sina SPO1 Petronilo Quiban at SPO1 Rodrigo Rufin.

DALAWANG KUMPANYA SA KONSTRUKSYON SA NUEVA ECIJA , PINARUSAHAN

Magkahiwalay na nireyd ng mga mandirigma ng BHB ang depot ng dalawang malalaking kumpanya sa konstruksyon sa San Jose City nitong Mayo.

Nitong Mayo 20, mabilis nilang sinalakay ang depot ng isang kumpanya sa konstruksyon ng Koreano. Sinunog ang isang 10-wheeler truck.

Samantala, pinarusahan din ang JTY Construction Corp nitong Mayo 1 bandang 11:10 ng gabi. Dinisarmahan ang dalawang security guard ng kumpanyang pag-aari ni Juanito Ty, isa sa mga kontraktor ng Casecnan Multipurpose Irrigation at proyekto sa kuryente. Sinunog ang isang Hyundai payloader at isang dump truck. Umaabot sa P700,000 ang pinsala. Nasamsam din ang tatlong handheld radio at dalawang .38.

Ang naturang mga kumpanya ay patuloy sa pagbabalewala sa umiiral na patakaran sa pagbubuwis ng rebolusyonaryong kilusan. Pananagutan din ng JTY Construction Corp. ang mga di naibibigay na sweldo ng mga dumadaing na mga manggagawa.

PAGPAPALAYA SA 2 BIHAG IGINIIT NG MGA GRIYEGO

Iginiit ng mahigit 150 mamamayan mula sa Athens at Sparta sa Greece ang pagpapalaya kay Leonardo Pitao (Ka Parago) at iba pang bilanggong pulitikal sa Pilipinas. Sa isang pahayag na inilabas nitong Hunyo 26 at 27, binatikos din ng mga Griyego ang tumitinding panunupil sa Pilipinas sa gitna ng lumalalang sosyoekonomikong krisis at ang pag-igting ng pagsasamantala sa mamamayang Pilipino ng mga dayuhang monopolyong kapitalista. Si Pitao ay isa lamang sa mahigit 200 bilanggong pulitikal. Ayon sa pahayag, inaresto sila nang walang mandamyento, iligal na ikinulong, tinortyur at sinampahan ng mga kasong kriminal sa unang dalawang taon ng rehimeng Estrada.

Samantala, 148 Griyego rin ang nanawagan para sa kagyat na pagpapalaya sa 12 taong gulang na si Edfu de la Cruz. Lumagda sila sa isang pahayag na inilabas sa Athens nitong Hunyo 27 ng A/Synechia, isang rebolusyonaryong organisasyon sa Greece. Si Edfu, anak ng mag-asawang mandirigma ng BHB, ay binihag ng militar pagkatapos ng isang labanan na ikinasawi ng kanyang mga magulang, kapatid at dalawang iba pa sa Bontoc, Leyte noong Marso 12. Sa halip na ilipat siya sa pangangalaga ng kanyang lola, sapilitan siyang hinahawakan ng Department of Social Welfare and Development.

 


Previous articleBack to top 

06 Mayo 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang digmang anti-Moro ng rehimeng US-Estrada!

Bangis ng digmang anti-Moro
Paglulustay ng rekurso sa digmang anti-Moro
Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas
Panayam kay Ka Roger

Todo-todong pagsasakatuparan ng mga imperyalistang dikta sa ekonomya
Gula-gulanit na lambat pangkaligtasan
Sa kilusang manggagawa
Umiigting na mga pakikibakang masa

Lumulubhang pang-aapi at panunupil sa kabataan estudyante
Mensahe ni Ka Roger para kay Jenina Buan
Kautusan para sa pagpapalaya sa bihag ng digma, pinawalambisa ng NDFP
Patuloy na istagnasyon ng ekonomya ng Japan
Balita
Mga pakikibakang masa sa Timog Katagalugan, sumusulong

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.