Ano ang Northern Alliance?
Kasalukuyang sinusuportahan ng US ang Northern Alliance, isang kumpol ng mga warlord at panatiko na nakabase sa makitid na erya sa hilagang Afghanistan. Inaamin ng US at UK na magiging mahirap at madugo ang gera para sa kanilang panig kung ilulunsad ito sa kalupaan ng Afghanistan. Kaya sa halip na magpadala ng libu-libong Amerikanong sundalo (na bukod sa magastos ay tiyak na hindi uubra), aarmasan na lamang ng mga ito ang Northern Alliance at ikukumpas ang gera mula sa Pentagon at MI-6, ang ahensyang paniktik ng UK.
Ang Northern Alliance, na sinusuportahan ng US bilang panghalili sa Taliban, ay binubuo ng maliliit na grupong sinipa ng Taliban nang maagaw nito ang pampulitikang kapangyarihan sa kalakhan ng Afghanistan noong 1996. Dati nang suportado at inaarmasan ng mga gubyernong Russia, Iran at Saudi Arabia ang Northern Alliance.
Ang pwersang sinusuportahan at nais iupo ng US sa kapangyarihan ay walang saligang pagkakaiba sa Taliban. Katulad ng Taliban, mahaba at karumal-dumal ang rekord ng mga kriminal na gawi ng Northern Alliance sa Afghanistan. Walang kinikilalang karapatang-tao at mga alituntunin sa digma ang dalawang panig. Sa mahigit 10 taon ng gera sibil na pinangunahan ng dalawang kampo, tampok ang pananalbeyds, panununog, pagnanakaw ng mga ari-arian, panggagahasa at iba pang krimen laban sa sangkatauhan.
Karamihan sa mga krimen ng Northern Alliance ay isinagawa bago ang 1996, sa panahong nasa ilalim pa ng kanilang kontrol ang Kabul, sentrong lunsod at pulitikal ng Afghanistan at kalakhan ng hilagang bahagi nito. Walang patid ang paglabag ng Northern Alliance sa karapatang-tao ng mamamayang Afghani, laluna ng mga Pashtun, ang etno-linggwistikong grupong pinagmulan ng mga bumubuo sa Taliban:
Huling bahagi ng 1999 hanggang maagang bahagi ng 2000. Nangmasaker, nanunog ng kabahayan at dinambong ang mga village sa loob at paligid ng distrito ng Sangcharak sa loob ng apat na buwan. Karamihan sa mga target ay mula sa mga Pashtun at mga Tajik.
Setyembre 20-21, 1998. Binomba ang isang palengke sa hilagang bahagi ng Kabul kung saan 76 hanggang 180 mamamayan ang namatay.
Huling bahagi ng Mayo 1997. Dinakip at pinatay ang 3,000 sundalong Taliban sa loob at sa paligid ng Mazar-e Sharif. Ilan sa mga sundalong ito ay dinala sa disyerto at doon pinagbabaril habang ang iba ay itinapon sa mga balon at hinagisan ng granada.
Enero 5, 1997. Binomba ng mga eroplanong Junbish, isang grupong bahagi ng Northern Alliance, ang mga mataong lugar sa Kabul. Ilang sibilyan ang namatay at marami pa ang nasugatan.
Marso 1995. Nandambong at nanggahasa ang mga tropa ng Northern Alliance sa Karte Seh, Kabul. Ayon mismo sa mga ulat ng State Department ng US, sistematikong nagnakaw ang mga tropang ito sa kabahayan at naghanap ng kababaihang gagahasain.
Pebrero 11, 1993. Binomba ng Jamiat-i Islami at Ittihad-i Islami, mga grupong kabilang sa Northern Alliance, ang kanlurang bahagi ng Kabul. Maraming etnikong sibilyang Haraza ang namatay at naglaho. Nanggahasa rin ang mga tropang ito ng maraming kababaihan.
1994. Umabot sa 25,000 ang pinatay ng Northern Alliance sa Kabul. Nagsagawa rin ng panggagahasa, pananalbeyds at iligal na pag-aresto ang mga grupong nasa ilalim nito. Malawakan ang paggamit ng Northern Alliance ng tortyur sa mga nadakip na sundalong Taliban.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|