Mga ulat koresponsal: Pagtindi ng militarisasyon sa TK
Sa hibang na pagnanasa ng rehimeng Macapagal-Arroyo na durugin ang rebolusyonaryong kilusan, pinili nitong lunsaran ng malawakan at malulupit na kontra-rebolusyonaryong kampanyang panunupil ang rehiyon ng Timog Katagalugan. Sunod sa Basilan, ang Timog Katagalugan ngayon ang may pinakamalaking konsentrasyon ng tropang militar. Umaabot na sa 13 panagupang batalyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang nakatalaga sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, may dalawang brigada na ng Philippine Army (PA), isang task force at isang task group ang nakadeploy sa Timog Katagalugan.
Sinasaklaw ng 201st Bde ang ikatlo at ikaapat na distrito ng Quezon at nasa ilalim nito ang tatlong batalyon -- ang 74th, 76th at 59th IB.
Sinasaklaw naman ng Joint Task Force Banahaw (JTFB) ang mga lalawigan ng Batangas, Laguna, Hilaga at Gitnang Quezon at ang isla ng Mindoro. Nagsisilbing punong himpilan ng JTFB, na pinamumunuan ng pusakal na pasistang si Col. Jovito Palparan, ang punong himpilan ng kabubuong 204th Bde.
Samantala, nasa ilalim ng 204th Bde ang mga isla ng Mindoro at Romblon. Personal at lubusang sinuportahan ni Macapagal-Arroyo ang malawakang mga operasyong militar sa Mindoro nang pumunta siya roon noong Oktubre 1. Ang Mindoro Oriental ngayon ang may pinakamalaking deployment ng pwersang militar sa rehiyon. Umabot na ito sa pitong batalyon ng Philippine Army infantry at special forces -- ang 16th IB na bagong balik mula Mindanao, ang 68th IB na galing Pangasinan, ang 3rd Scout Ranger Battalion na may dalawang kumpanya (2nd SRC at 18th SRC), 3rd Special Forces Battalion na may dalawang kumpanya (34th SFC at 22nd SFC), ang 6th SFC ng 4th Special Forces Battalion at ang mga bagong dating na 52nd RECON Company at isang kumpanya ng 56th IB mula Hilagang Luzon. Ipinailalim din sa 204th Bde ang Naval Task Force 31 para magsilbing suportang nabal at artilerya sa pananalakay ng tropang katihan.
Bukod rito, nasa Oriental Mindoro rin ang 3rd SAF Battalion ng PNP habang nasa Occidental Mindoro naman ang laking-batalyong Regional Mobile Group. Nasa Palawan naman ang dalawang batalyon ng Philippine Marines.
Binuo rin kamakailan ang Task Group Rizaldo na pinamumunuan ng bantog-sa-kalupitang si Col. Efren Orbon ng 1st IB. Nasa ilalim nito ang tatlong kumpanya ng Special Operations Command(SOCOM) ng PA. Ang Task Group Rizaldo ang tagapangalaga sa mahahalagang instalasyon sa loob ng rehiyon tulad ng Malampaya Gas Pipeline sa Palawan at ng Hopewell Coal-Fired Power Plant sa Pagbilao, Quezon.
Ang makapal na konsentrasyon ng mga reaksyunaryong tropa at ang walang humpay na mga operasyong militar sa Timog Katagalugan ay patuloy na nagdudulot ng malalalang paglabag sa karapatang-tao. Di hamak na mas marami at mas malupit ang gayong mga paglabag sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo kung ihahambing sa mga naganap sa panahon ng pinatalsik na rehimeng Estrada.
Sa loob lamang ng unang walong buwang panunungkulan ni Macapagal-Arroyo, may naitala nang 95 kaso ng paglabag ng Task Force Banahaw at mga tropa ng 201st at 204th Bde sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. May kabuuan itong 279 na indibidwal na biktima sa 20 komunidad at 24 pamilya sa 63 na mga insidente (tingnan ang talaan).
Subalit higit na malalim at malawak ang pinsala at lagim na dulot ng terorismong militar sa mamamayan ng Timog Katagalugan. Higit na malaki ang bilang ng mga kaswalting dulot ng pagkakasakit at pagkamatay ng di mabilang na mga bata at sanggol na Mangyan dahil sa epidemya bunga ng food blockade, relokasyon at ebakwasyong ipinatutupad ng Task Force Banahaw-204th Bde sa interyor na mga baryo ng Bongabong sa Mindoro Oriental at ng kawalan ng serbisyong medikal mula sa reaksyunaryong gubyerno.
Daan-daan na ring mga internal refugee ang tumungo sa mga sentrong bayan ng Mindoro upang takasan ang malawakang paghahasik ng terorismong militar sa isla. Sa Kamaynilaan, mayroon nang 73 internal refugees kabilang ang pitong pamilya, 13 kababaihan at 15 paslit.
Maging ang mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao ay binibiktima ng rehimen. Nitong Nobyembre 1, hinaras at sapilitang dinispers ng mga elemento ng PNP ang 12 myembro ng Task Force Tanggol Karapatan (TFTK) na naglulunsad ng isang simpleng programa sa North Cemetery sa Metro Manila para magpahayag tungkol sa matinding militarisasyon sa Timog Katagalugan at mangalap ng suporta. Ang TFTK ay binubuo ng Kalipunan ng Samahang Magbubukid ng Timog Katagalugan, Karapatan-TK, Bigkis at Lakas ng Katutubo sa Timog Katagalugan at BAYAN-TK.
Ang lahat ng ito ay malaking pananagutan ng rehimeng walang pakundangang lumalapastangan sa karapatan ng mamamayan sa kagustuhan nitong puksain ang rebolusyonaryong kilusan. Nararapat lamang na tumbasan ngmamamayan ng mas determinadong paglaban ang terorismong ihinahasik ng rehimeng Macapagal-Arroyo at ng mga pwersang militar nito sa rehiyon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|