Balita
Kilusang �Junk GMA,� inilunsad ng BAYAN
Nagmartsa patungong Malakanyang nitong Nobyembre 20 ang libu-libong kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at mga alyadong organisasyon nito para tuligsain si Pres. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa malalaking kaso ng korapsyon. Hinarang sila ng mga pulis sa kanto pa lamang ng Morayta, mga 500 metro mula sa Mendiola kaya doon mismo nila idinaos ang kanilang programa. Ang rali ay hudyat ng kilusang "Junk GMA!" na nananawagang itakwil si Arroyo sa 2004.
Samantala, pinamunuan ni Vice Pres. Teofisto Guingona ang paglulunsad ng Bangon!, isang bagong multisektoral na grupong tutol sa krimen, korapsyon at katiwalian sa gubyerno. Kabilang sa mga dumalo sa pulong-pagbubuo ng Bangon! si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.
Imbestigahan kapwa sina Cojuangco at Davide�Anakpawis
Nanawagan si Crispin �Ka Bel� Beltran ng partidong Anakpawis na ipagpatuloy ang imbestigasyon kina Eduardo �Danding� Cojuangco at Chief Justice Hilario Davide Jr. matapos ibasura ng Korte Suprema noong Nobyembre 10 ang kasong impeachment laban sa punong mahistrado.
Ipinahayag niya noong Nobyembre 11 na dapat imbestigahan ang sabwatan nina Cojuangco at Presidente Arroyo para gipitin si Davide sa layuning baligtarin ang hatol ng Korte Suprema hinggil sa pagiging pondong publiko ng coco levy na malaon nang inaangkin ni Cojuangco.
Nanawagan din si Ka Bel na ipagpatuloy ang imbestigasyon kay Davide dahil sa pagkawala ng P300 milyon sa judiciary development fund (JDF). Bilang pinuno ng Korte Suprema, aniya, si Davide ang tagapamahala ng JDF at siyang pinakaresponsable sa pagpapaliwanag sa kinahinatnan ng pondo.
|