Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

25 Taong Tagumpay sa Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente

Umaga ng Abril 24, 1998. Nagtipun-tipon ang ilandaang aktibista, mga kasama at kaibigan sa Abelardo Hall sa Pamantasan ng Pilipinas upang ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng Pambansang Demokratikong Prente (PDP). Sa iba�t ibang bahagi ng bansa, nagdaos din ng katulad na selebrasyon ang rebolusyonaryong mamamayan kaagapay ng Partido at mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Naging okasyon ang mga pagtitipong ito para ipagbunyi ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan at sambayanan sa larangan ng pakikipagkaisang prente. Sa loob ng 25 taon, malaki na ang naging kontribusyon ng nagkakaisang prente sa rebolusyonaryong kilusan.

Higit na naging makasaysayan ang pagdiriwang na isinagawa lalo na�t idinaos ito sa panahong umaani ng mga mataginting na tagumpay ang rebolusyonaryong kilusan sa iba�t ibang larangan.

Sumusulong ang armadong pakikibaka at matagumpay na nakapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba ang Bagong Hukbong Bayan batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Papalaki at lalong sumisigla ang rebolusyonaryong kilusang masa ng mga manggagawa at magsasaka at ng iba pang progresibong sektor laban sa mga programa at patakaran ng rehimeng US-Ramos.

Sa simula pa lamang ng muling pagtatatag ng Partido Komunista, kinilala na nito ang mahalagang papel na gagampanan ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Pinangunahan nito ang pagbubuo ng malawak na pagkakaisa ng mamamayan para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Ang 25 taong karanasan sa pagbubuo ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ay nilagom ni kasamang Armando Liwanag, Tagapangulo ng Partido, sa kanyang mensahe sa okasyon ng anibersaryo ng PDP. Dito�y inilatag niya ang mga rekisito upang higit pang sumulong at lumakas ang Pambansang Demokratikong Prente.

Mga Rekisito

Una, kailangan ang pamumuno ng Partido sa rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Ang partido ng uring proletaryado ay hindi pangkaraniwang organisasyon na maaaring ipailalim sa mas nakararaming mga organisasyon ng petiburgesya sa loob ng nagkakaisang prente.

Lipas na ang determinasyon at kakayahan ng anumang saray ng burgesya na pamunuan ang rebolusyong Pilipino.

Totoong katangi- tangi ang ginampanang papel ng burgesya sa rebolusyong 1896 pero iyon ay lumang tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Paurong at reaksyunaryo ang maghangad na ibalik ang pamumunong ito.

Ikalawa, kailangan ang batayang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka. Mahihikayat lamang ang iba�t ibang positibong uri at pampulitikang pwersa na pumanig sa nagkakaisang prente at rebolusyonaryong kilusan kung malakas ang batayang alyansang ito. Binubuo ang batayang alyansa sa pamamagitan ng pagbubuo ng Hukbong Bayan. Ang Hukbong Bayang pinamumunuan ng Partido ay itinutuon sa pagresolba sa mga suliraning pyudal.

Sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo, na tumutugon sa saligang kahilingan ng uring magbubukid para sa lupa, ay napakikilos ang malawak na hanay ng mga magsasaka sa landas ng digmang bayan.

Ikatlo, kailangang kabigin ang petiburgesya bilang pandagdag na batayang pwersa sa rebolusyon. Sa loob ng PDP ay may kalamangan ang bilang ng mga organisasyong may katangian o di kaya�y tendensyang petiburges.

Ganito ang karakter ng mga organisasyong ito kahit pa sila�y pinamumunuan ng mga kadre ng PKP. Hinahayaan ang kalamangang ito bilang konsesyon sa petiburgesyang lunsod para higit pa silang mahikayat na pumaloob sa rebolusyonaryong nagkakaisang prente.

Kung makukuha ng rebolusyonaryong kilusan ang malawak na suporta ng petiburgesya, mawawasak ang isang haligi ng suporta ng naghaharing uri. Mabilis na mapapahina at maihihiwalay ang Reaksyon sa mamamayang Pilipino.

Sa katunayan, hindi magtatagumpay ang rebolusyonaryong kilusan kung hindi nito makakabig ang pinakaabanteng saray ng petiburgesya. Nagagamit sila ng naghaharing uri sa pagmamantina ng kasalukuyang sistema. Balon sila ng sari-saring talento at kasanayan na kinakailangan sa pagsusulong ng rebolusyon. Sadyang napakahalaga ng petiburgesya kung kaya naman tuluytuloy na ginagatungan ng naghaharing uri ang makasariling tendensya nito at inilalayo sa rebolusyonaryong kilusan.

Ikaapat, kailangang makipagkaisa sa mga positibo at patriyotikong pwersa katulad ng panggitnang burgesya. Magagawa ito hangga�t matatag ang alyansa ng mga batayang rebolusyonaryong pwersa ng mga manggagawa, magsasaka at petiburgesya.

Kinikilala ng Partido at ng PDP ang dalawahang mukha ng panggitna o pambansang burgesya �kinakabig sila sa nagkakaisang prente dahil sa kanilang progresibong karakter habang mahigpit na binabantayan ang kanilang reaksyunaryong karakter. Makailang beses na silang tumangging maging bahagi ng PDP o maging sa mga ligal na demokratikong alyansa. Nakikipag-alyado lamang sila sa rebolusyonaryong kilusan sa mas di pormal na kaayusan.

Kung ang negosyo ng isa sa kanila ay napapaloob sa teritoryo ng armadong kilusan o kaya�y may rebolusyonaryong unyon sa kanilang mga empresa, maaari silang hikayating tumalima sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan. Sa pakikitungo sa kanila hinggil sa mga lehitimong kahilingan ng mga manggagawa�t magsasaka, pinag-iiba ng rebolusyonaryong kilusan ang panggitnang burgesya sa dayuhang kapitalista at malalaking panginoong maylupa.

Ikalima, kailangang samantalahin ng rebolusyonaryong kilusan ang mga kontradiksyon sa hanay ng naghaharing uri. Ang pagkakahati-hating ito ay likas na nagpapahina sa kanila. Para higit pang pahinain ang mga ito, maaaring magkaroon ng iba�t ibang tipo ng kooperasyon at koordinasyon sa mga paksyon ng naghaharing uri laban sa komon na kaaway.

Mahaba na ang karanasan ng rebolusyonaryong kilusan sa pagsasamantala sa ganitong mga kontradiksyon. Pinag-iiba ng PKP, BHB at PDP ang mga naliwanagan sa di naliwanagang mga panginoong maylupa, ang naliwanagan sa dinaliwanagang negosyante, ang lokal sa pambansang burukrata, ang maliliit sa malalaking reaksyunaryo at ang reaksyunaryong wala sa estado-poder sa mga reaksyunaryong nakaluklok sa poder.

Sadyang hindi maaasahan bilang mga kaalyado ang iba�t ibang paksyon ng naghaharing uri dahil ang mga ito ay pansamantala lamang na pumapanig sa rebolusyon sa tuwing nagsisilbi ito sa kanilang interes. Gayunman, pansamantalang nakikipagalyansa sa kanila ang PKP, PDP at BHB sa mga panahong ang gayong pagkakaisa ay makapagpapahina sa naghaharing uri at makapagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa panahong umiigting ang bangayan sa hanay ng naghaharing uri, tulad ng eleksyon, ang ilan sa kanila ay nakikipag-alyansa sa mga rebolusyonaryong pwersa kontra sa kani-kanilang kalaban sa pulitika. Ito�y nagaganap maging sa mga panahong maigting ang kompetisyon sa pagitan ng mga paksyon sa naghaharing uri para sa mga pang-ekonomikong pribilehiyo at pampulitikang kapangyarihan.

Kung mahusay itong magagamit ng rebolusyonaryong kilusan, maaaring higit pang mapahina ang buong reaksyunaryong uri. Tulad ng nangyari nang itinatag ang mga taktikal at pansamantalang alyansa sa mga paksyon ng naghaharing uri laban sa diktadurang Marcos, aani ng mga tagumpay ang rebolusyonaryong hanay at higit pang mapapalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa lahat ng larangan.

Ikaanim, kailangang buuin ang mga taktikal na alyansa laban sa pinakareaksyunaryong pangkatin ng naghaharing uri na siya ring nakaluklok sa poder. Ito ang pangkat na pinakamasugid na tuta ng imperyalismong US.

Nakatuon ang lahat ng tipo ng pakikipagalyansa sa loob ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa pagpapahina sa Reaksyon, sa paggapi sa kaaway, sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan at sa kalaunan sa pagpapabagsak sa buong naghaharing sistema.

Habang papalubha ang pagdarahop ng mamamayang anakpawis at paparami nang paparami ang bumabagsak ang kabuhayan, paparami nang paparami ang mahihikayat na sumanib sa nagkakaisang prente.
Lumalahok sa usapang pangkapayapaan ang PKP, BHB at PDP. Kahit may limitasyon ang pakikipagnegosasyon at ang mga dokumentong iniluluwal nito, maaaring gipitin ang naghaharing uri na kilalanin ang mga batayang suliranin ng mamamayan. Sa pasikut-sikot ng negosasyon, ibayong nailalantad ang kahungkagan ng mga inisyatibang pangkapayapaan ng rehimen at ang anti-mamamayan at maka-dayuhang mga patakaran nito at lalong tumitingkad ang reaksyunaryong kulay ng naghaharing pangkatin.

Mga Kongklusyon

Ang pagbubuo ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ay nakabatay sa lakas ng Partido, ng armadong kilusan at kilusang masa at ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Pinagsisilbi ito sa pagsusulong at pagpapatatag ng rebolusyonaryong lakas ng mamamayan.

Sa loob ng nagkakaisang prente, gumagana ang mga prinsipyong pagsasarili (independence) at pagkakaroon ng inisyatiba ng bawat organisasyon. Malayang nakapagpapatupad ng mga patakaran ang mga myembro nito sa kani-kanilang saklaw.

Pinagbibigyan ang mga lehitimong kahilingan ng bawat sektor, maging ng panggitnang burgesya at mga bahagi ng naghaharing uri, hangga�t hindi ito lumalabag sa batayang prinsipyo ng nagkakaisang prente at ng Partido. Tinitiyak ng Partido na ang mga desisyon at patakaran ng nagkakaisang prente ay nakabubuti sa lahat at hindi kontra sa interes ng batayang masa.

Sa pag-iipon ng rebolusyonaryong lakas laban sa imperyalismo, ipinatutupad ng Partido ang prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo alinsabay sa pagpapatibay sa malawak na nagkakaisang prente laban sa imperyalismo. Ang pagbubuo at pagsusulong ng rebolusyong Pilipino ay paggampan ng tungkulin sa pagbubuo at pagpapalakas ng anti-imperyalistang pandigdigang nagkakaisang prente.

Napakainam ng sitwasyon sa Pilipinas at sa buong daigdig upang patatagin ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Habang papalubha ang pagdarahop ng mamamayang anakpawis at paparami nang paparami ang bumabagsak ang kabuhayan, paparami nang paparami ang mahihikayat na sumanib sa nagkakaisang prente. Mahalagang maging matatag ito sa pagtangan sa mga saligang prinsipyo upang di ito lumihis sa wastong landas ng demokratikong rebolusyong bayan.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Abril 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Erap Kontra Mahirap

Mula sa tagapaglathala:
Bagong kapasyahang muling ilathala ang Ang Bayan

Ang pagbabalik ng mga Marcos sa poder
KS: Arestuhin ang mga alipures ng diktador
Rebolusyonaryong Kilusan sa Gitnang Luzon
Pagbangon at Pagpapanibagong-Lakas

Nueva Ecija: Matingkad na Pagsulong
Tungkol sa mga Buladas ng Triong Magdangal-Bill-Olive
Hambalos ng "Globalisasyon" at Krisis sa Manggagawang Pilipino
Rebolusyonaryong Kilusang Lihim sa Pabrika, Sumusulong
25 Taong Tagumpay sa Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente
Paggalang sa karapatang-Tao:
Integral sa kondukta ng digmang-bayan

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.