![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Patuloy na iginigiit ng mga empleyado ng Government Service Insurance System (GSIS) ang pagtatalsik kay Winston Garcia, presidente at general manager ng GSIS, dahil sa matinding katiwalian at pagkokopo niya ng malaking pakinabang mula sa pondo nito.
Gayon na lamang ang galit ng mga taga-GSIS dahil sa kabila ng ipinagmamalaki ni Garcia na kinitang P40 bilyon ng GSIS mula sa kontribusyon ng 1.5 milyong myembro nito, hirap na hirap umutang at tumanggap ng benepisyo ang mga ordinaryong empleyado ng gubyerno. Masahol pa, iniutos ni Garcia na palakihin mula 9% tungong 12% ang sapilitang kinakaltas sa sweldo ng mga kawani ng gubyerno na hulog sa GSIS kahit walang ipinatutupad na pagtaas sa sweldo. Partikular na nagreklamo ang mga guro sa mga pampublikong paaralan, na bumubuo ng pinakamalaking bilang ng mga myembro ng GSIS. Umaabot sa P12 bilyon ang kontribusyon ng 500,000 guro at iba pang kawaning nagtatrabaho sa mga pampublikong paaralan. Subalit ginagamit ngayong sangkalan ng GSIS ang di maayos na pagkakatala ng kanilang mga ihinulog na sa GSIS at mga halagang ibinayad na nila sa utang para harangin ang pagpapautang sa mga guro at non-teaching personnel. Sa kabilang banda, noong Nobyembre 2003, nakakuha ng P11 milyong utang para sa pabahay si Garcia pagkatapos lamang ng dalawang araw. Sa unang 10 buwan pa lamang ng kanyang pag-upo sa GSIS, humingi na siya ng mga cash advance na nagkakahalagang P5.25 milyon, at hanggang ngayon ay wala pa siyang isinusumiteng paliwanag kung papaano at saan ito ginastos. Mula Setyembre 2003 hanggang Hulyo 2004, nagpaluwal din ng P6.9 milyon si Garcia para sa "sarisaring gastusin." Nabunyag ang mga kwestyunableng proyektong pinaggagamitan ni Garcia ng pondong nagmula sa pinaghirapan ng mga ordinaryong kawani. Isang halimbawa ang pag-apruba ni Garcia ng proyekto para sa computerization ng mga operasyon ng GSIS sa halagang P700 milyon samantalang pwedeng ipatupad ang naturang proyekto sa halagang P40 milyon lamang. Gumagastos din si Garcia ng P300,000 buwan-buwan para sa mga patalastas para sa GSIS at P200,000 buwan-buwan bilang pambayad sa personal niyang mga abugado. Inaprubahan ni Garcia ang pagpapautang sa Public Estates Authority ng P1 bilyon; ang paggastos ng P611.8 milyon para bumili ng lupa sa London para sa embahada ng Pilipinas doon; at ang pagbili ng mga mamahaling painting tulad ng Parisian Life ni Juan Luna na nagkakahalaga ng P45.4 milyon. Pinakahuling anomalyang nabunyag ang pagpabor ni Garcia sa Union Bank, na pag-aari ng mga Ayala, bilang depositohan ng bilyun-bilyong pondo ng GSIS. Ang mga Ayala ay kilalang mga tagasuporta ng naghaharing paksyong Arroyo. Hindi basta-basta bibitawan ni Arroyo si Garcia. Kabilang si Garcia sa isang makapangyarihang angkan ng mga pulitiko sa Cebu, na nagkaroon ng malaking papel sa pagkakakuha umano ni Arroyo ng milyong boto mula sa prubinsyang iyon at naging susi sa pagkakapanalo niya umano sa eleksyon. Sa gayon, ang patuloy na pagpapanatili ni Garcia sa poder ay bahagi ng pagbabayad ni Arroyo ng utang na loob sa mga Garcia. Natatakot din si Arroyo na kung patatalsikin niya si Garcia, ibubunyag nito ang pagkakasangkot ni Arroyo at ng mga taong malapit sa kanya sa kwestyunable at maanomalyang mga transaksyon na kinasasangkutan ni Garcia at ng GSIS. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|