Pasismo laban sa mga manggagawa ng LRT
Marahas at sapilitang binuwag ang piketlayn ng mga nagwewelgang manggagawa ng Light Rail Transit (LRT) nitong Hulyo 27 ng maka-kapitalista, kontra-manggagawa at kontra-mamamayang rehimeng US-Estrada.
![](../../angbayan/images/0007/mggw.gif)
Pagkatapos nito, sinipa sa trabaho ang mahigit 300 nagwelgang manggagawa sa isang malupit na hambalos na bumuwag sa kanilang unyon.
Nitong ika-25 ng Hulyo, nagwelga ang may 1,000 manggagawa ng LRT, isa sa mga pangunahing pampublikong transportasyon sa Kamaynilaan. Ito�y matapos ang humigit-kumulang tatlong buwang deadlock sa negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng maneydsment ng Metro Inc. at ng Pinag-isang Lakas Manggagawa sa METRO-National Federation of Workers Unions-Kilusang Mayo Uno (PIGLAS-NFWUKMU).
Muli, napatunayang walang pagdadalawang-isip sa paggamit ng dahas ang sabwatang estado at kapitalista upang supilin ang paglaban ng mga manggagawa at wasakin ang mga unyon, mapangalagaan lamang ang kanilang interes. |
Iginiit ng mga manggagawa ang karagdagang sahod. Tinutulan din nila ang napipintong pagbenta ng LRT sa SNS Lavalin International ng Canada na tiyak na magreresulta kapwa sa malawakang tanggalan ng mga manggagawa at sa arbitraryong pagtataas ng pamasahe ng humigit-kumulang 500,000 mamamayang araw-araw na sumasakay sa LRT. Umani ng malawak na suporta ang welga at matagumpay nitong naparalisa ang operasyon ng LRT.
Kaagad iniutos ni Estrada sa mga tauhan ng Western Police District at Special Weapons and Tactics Team na atakehin ang piketlayn at arestuhin ang mga welgista. Sinampahan din sila ng kasong kriminal.
Hindi natinag ng mga pananakot, ipinagpatuloy ng mga manggagawa ang welga. Bilang tugon, inatake ng 1,000 kagawad ng pulisya, mga gwardya ng LRT Authority at bayarang goons ang mga welgista sampu ng kanilang mga tagasuporta sa mga istasyon ng Bambang, Monumento at Baclaran. Pwersahang binuwag ng mga pasista ang kanilang hanay sa pamamagitan ng walang-awang pagbomba ng water cannon at pagkaladkad sa kanila sa mga riles ng LRT. Isang myembro ng PIGLAS ang marahas na dinakip ng mga kagawad ng Caloocan Police.
Sadyang nagsara ang Metro Inc., ang direktang employer ng mga manggagawa at kakontrata ng gubyerno sa pagpapatakbo ng LRT, upang sisantehin ang mga manggagawa at buwagin ang kanilang unyon. Nitong Agosto 1, upang muling makakamal ng kita, muling pinatakbo ng gubyerno ang LRT sa pamamagitan ng mga eskirol.
Muli, napatunayang walang pagdadalawang-isip sa paggamit ng dahas ang sabwatang estado at kapitalista upang supilin ang paglaban ng mga manggagawa at wasakin ang mga unyon, mapangalagaan lamang ang kanilang interes.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|