Editoryal: Pagkaisahin ang mamamayan, labanan at gapiin ang pasistang kampanya ng rehimeng Estrada!Para sa Partido, ang pagwawakas ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng gubyernong Estrada ay nagdidiin lamang sa kawastuan ng pagsusulong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka upang ipagtanggol at isulong ang interes ng aping mamamayang Pilipino.
Ang rehimeng Estrada ay hindi interesado sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Pinatutunayan ito hindi lamang ng pagwawakas nito sa negosasyong pangkapayapaan mula pa noong Oktubre 1998, ngunit higit sa lahat, ng tuluy-tuloy na pagyurak nito sa pambansa at demokratikong interes ng mamamayang Pilipino � ng sagad-sagarang pagpapakapapet nito sa imperyalismong US at paglaban sa kapakanan ng mga manggagawa at magsasaka.
Hindi na kayang gamitin ng gubyernong Estrada bilang palamuti ang negosasyong pangkapayapaan upang itago ang pasistang pangil nito. Dahil sa desperasyong igpawan ang papalubha pang krisis ng naghaharing sistema at hadlangan ang pagsidhi ng mga armado at di armadong paglaban ng mamamayan, ibayong pinaigting ng rehimeng Estrada ang walang-habas na pasistang kampanya.
Ang sitwasyong ibinubunga nito'y nagbubukas ng pagkakataon upang lalong ihiwalay at labanan ang rehimeng Estrada. Binibigyang-diin nito ang pangangailangang maglunsad ang hukbong bayan ng paparaming mga taktikal na opensiba sa batayan ng tuluytuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa upang magtipon ng lakas at unti-unting gapiin ang kaaway. Samantala, kinakailangang buuin ang malawak na alyansang anti-pasista ng mga aping uri at progresibong sektor upang labanan at biguin ang pasistang pananalakay sa kalunsuran, ipagtanggol ang ligal na larangan ng pakikibaka ng mamamayan at ilantad at labanan ang anti-mamamayan at makadayuhang gubyernong Estrada.
Layunin ng pasistang kampanya ng gubyernong Estrada na supilin, takutin at salantain ang mamamayan. Ngunit ang mismong todo-todong pasismong ito ang magtutulak sa malawak na mamamayang Pilipino na buong-tapang na labanan at gapiin ang reaksyunaryong rehimen.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|