Liham mula sa Rehiyong Ilokos-Kordilyera
Ang sumusunod na sulat mula kay Kasamang Adi ng Rehiyong Ilokos-Kordilyera ay nagkokomentaryo hinggil sa artikulong tumalakay sa alyansa ng NDF at MILF na lumabas sa isyung Enero-Pebrero 1999 ng Ang Bayan. Kaugnay nito, inilalathala rin ang sumusunod na artikulo na dagdag na naglilinaw sa pagsusuri at paninindigan ng Partido hinggil sa pakikibaka ng mamamayang Moro. Partikular na layunin ng artikulo ang palawigin ang usapin ng pagkilala ng Partido sa pangkasaysayan at kasalukuyang umiiral na batayan ng ipinaglalabang bansa ng mamamayang Moro; at kung bakit aktibong hinihikayat at sinusuportahan ng Partido ang pakikibaka ng mamamayang Moro para sa sesesyon mula sa mapang-aping sistema habang patuloy silang inoorganisa at pinakikilos sa pambansa-demokratikong rebolusyon.
Mga kasama sa patnugutan ng Ang Bayan,
Isang maalab na rebolusyonaryong pagbati sa inyo, mga kasama!
Sa kabuuan ay mahusay ang pagkakasulat ng artikulong �Pagkakaisa at Pagtutulungan Laban sa Reaksyunaryong Kaaway� na lumabas sa Enero- Pebrero 1999 isyu ng AB. Nakalulugod ang pag-abot sa antas ng pormal na alyansa ng relasyon sa pagitan ng NDFP/NPA at MILF/BIAF.
Nais ko lamang bigyang-pansin ang dulo ng pinakahuling pangungusap sa artikulo: �... maisulong ang layuning higit pang mapatatag at mapaunlad ang rebolusyonaryong alyansa sa pagitan ng mamamayang Pilipino at mamamayang Moro.� Tila may dala itong ibang kahulugan.
Maaaring ipakahulugan ito ng mambabasa na magkaibang entidad ang mamamayang Pilipino at mamamayang Moro, samantalang ang mamamayang Moro sa kasalukuyan ay bahagi lamang naman ng mamamayang Pilipino bilang mga pambansang minoryang nakapaloob sa kabuuan ng bansang Pilipinas kahimat may dinaraanang proseso sa paggigiit ng kanilang pagiging isang bansa. Pupwede pa sana kung ang pagkakasabi�y �...mapaunlad ang rebolusyonaryong alyansa sa pagitan ng NDFP at MILF�, dahil talaga namang magkaiba ang dalawang organisasyon na itong pumasok sa isang alyansa (hindi bahagi ng isa ang isa). Pero, kung ang konteksto ay alyansang mamamayan-sa-mamamayan, di ba�t mas wastong tukuyin ang �rebolusyonaryong alyansa sa pagitan ng mamamayang Moro at iba pang bahagi ng sambayanang Pilipino�?
Ang MNLF ang tahasang nagsasabi noon na magkaiba ang mamamayang Pilipino at mamamayang Moro. May ganito rin bang nakikitang pagtingin ang MILF, o bukas pa rin ba silang ang nabubuong bansang Moro ay maaaring manatiling bahagi pa rin ng kabuuang bansang Pilipinas sa isang bagong kaayusang tunay na demokratiko, may pambansang kasarinlan at kumikilala sa pagpapasya-sa-sarili ng mamamayang Moro at iba pang pambansang minorya?
Di ba�t mas dapat ipahayag ang puntong ang mamamayang Moro ay bahagi pa rin ng sambayanang Pilipino samantalang kinikilala rin naman natin ang hangarin at absolutong karapatan ng mamamayang Moro sa pagpapasya-sa-sarili at ang inabot na nila sa pakikibaka para sa pagbubuo ng bansang Moro, na maaaring tumungo sa awtonomya sa saklaw ng isang demokratikong republikang bayan ng Pilipinas sa hinaharap at bukas na humantong sa paghihiwalay pa rin nila sa bansang Pilipinas?
Kaakibat rin nito, ang naturang pagkakasabi ay maaaring ipakahulugang ang layunin ay nalilimita sa alyansa ng dalawang mamamayan. Nasa pamagat naman ang buod, pero di kaya mas mahusay kung ang tahasang sabihin pa rin sa dulo ng artikulo�y �... maisulong ang layuning higit pang mapatatag at mapaunlad ang rebolusyonaryong pagkakaisa at pagtutulungan sa pagitan ng mamamayang Moro at iba pang mamamayang Pilipino� at nang madiinan ang mas mataas na hangarin ng rebolusyonaryong proletaryado sa pagpapahigpit ng relasyon sa pagitan ng mamamayang Moro at iba pang mamamayang Pilipino, laluna sa bahagi ng proletaryado at iba pang masang anakpawis? Ito, kahimat ang katangian ng relasyon ng NDFP at MILF ay isang alyansa.
Paabot ko ang mga ito bilang mga palaisipan para sa higit pang pagpapatalas ng talakayan at pagtingin natin kaugnay ng nabanggit na mga usapin. Ikalulugod ko kung maipaabot rin ninyo ang reaksyon ninyo tungkol sa mga palaisipang ito.
Sa pakikibaka, Ka Adi 4 Abril 1999
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|