Mga pakikibaka laban sa pagtotroso
Sa simula pa lamang ng malawakang pagtotoroso, puspusan na itong nilalabanan ng mamamayan, laluna, ng mga minorya. Noong 1971, buong-giting na nilabanan ng mamamayang Higaonon sa Agusan del Norte ang NALCO (Nasipit Lumber Corporation) at ang mga bayarang maton at sundalo nito. Sa pamamagitan ng militanteng pakikibaka, pansamantala nilang napigil ang paglawak ng operasyon ng NALCO. Nagtuluy-tuloy ang kanilang pakikibaka hanggang dekada 1980 sa pagtataguyod ng pambansa-demokratikong kilusan.
Maigting ang pakikibaka ng mga Tinggian laban sa Cellophil Resources, Inc., isang kumpanya sa paggawa ng papel na pag-aari ni Hermino Disini, kroni ni Marcos. Binarikadahan nila ang kanilang mga komunidad sa Abra upang hadlangan ang pagpasok ng Cellophil.
Sa kolektibong pagsisikap ng mamamayang Subanen, napalayas ang Boise Cascade Inc. mula sa kagubatan ng Zamboanga Peninsula noong 1988. Mula pa noong 1994, nilalabanan na nila ang Toronto Ventures Inc. at Tropical Explorations Philippines Inc, mga Canadian na kumpanya ng pagmimina at ang mga pwersang militar at paramilitar na nagsisilbing pwersang panseguridad ng mga ito.
Noong 1994, nagdeklara ng pangayaw o tribal war ang mga mandirigmang Ata-Manobo ng Talaingod, Davao del Norte, laban sa pangangamkam ng Alsons Inc. sa kanilang lupain. Patuloy nilang tinututulan ang operasyon ng Alsons sa kabila ng paggamit nito ng pwersang militar.
Noong taon ding iyon, naglunsad ng mga kilos-protesta ang mamamayang B�laan upang igiit ang pagpapatigil sa operasyon ng Western Mining Corporation sa ilang bayan sa North at South Cotabato at sa Davao del Sur. Nagdeklara rin sila ng pangayaw laban sa 74th IB. Makailang beses silang nagkasagupa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|