Pagparusa kay Conrado Balweg
Noong Disyembre 31, 1999, pinarusahan si Conrado Balweg. Isinagawa ang pagpaparusa sa Barangay Buanao, Malibcong, Abra ng isang yunit ng Chadli Molintas Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Cordillera.
Mahaba ang listahan ng mga kasalanan ni Conrado Balweg laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan bilang pangunahing lider ng Cordillera People's Liberation Army (CPLA), isang pusakal na kontrarebolusyonaryong pwersang paramilitar sa Cordillera.
Aktibong nagpapagamit si Conrado Balweg sa mga pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada nang siya ay pinarusahan ng BHB. Katunayan, nagpunta siya noon sa Malibcong para ipatupad ang isang bisyosong pakana upang agawan ng kanilang mga lupang ninuno ang mga taga-Malibcong at papasukin ang dayuhang Newcrest Mining Corporation.
Sa isang pahayag, inilantad ng Chadli Molintas Command na noong Setyembre 1999 pa lamang ay plinano na ng CPLA na wasakin ang anumang mga pampulitikang istruktura at programang pang-ekonomyang naitatag ng rebolusyonaryong kilusan sa hilagang Abra. Para rito, tumanggap siya ng P5 milyon mula sa Countryside Development Fund ng senador at dating heneral na si Rodolfo Biazon. Apatnapu't apat na porsyento (44%) nito o P2.2 milyon ay kinurakot at dinala sa mga di tapos na "proyektong sosyo-ekonomiko" at ang nalalabing P2.8 milyon ay para sa "counter-insurgency". Ang Malibcong ang tinarget na gawing pilot area ng proyektong "Zone of Peace and Development" ni Biazon.
Kaugnay ng huli, binalak ni Balweg na magpunta sa bawat baryo upang magtawag ng mga pulong masa laban sa BHB. Ninais niyang buwagin ang lahat ng pambansa-demokratikong organisasyon ng mamamayan sa Malibcong na binuo upang maipagtanggol nila ang kanilang lupa, buhay at mga rekurso at ipaglaban ang interes ng maralitang mga uri at sektor. Pinangakuan ni Balweg ng P8,000 ang bawat lider at myembro na magtatakwil sa kani-kanilang mga organisasyon. Ang sinumang tumutol ay agad binabansagang mga komunista at tinutugis.
Bilang kapalit, binalak ni Balweg na itayo ang Bodong Development Cooperative, Inc. na makikisosyo sa Newcrest Mining Corporation.
Pinakahuli lamang ang mga ito sa mga kasalanan ni Balweg. Noong 1986-87 pa lamang ay tinalakay na ng mga kinauukulang organo ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kanyang mga kaso. Pinagpasyahan na dahil sa bigat at dami ng kanyang mga kasalanan, kabilang na ang maraming utang na dugo, makatarungang gawaran siya ng parusang kamatayan. Makailang-ulit pa itong muling pinag-aralan at habang pumatong nang pumatong ang kanyang mga kasalanan ay makailang-ulit ding pinagtibay ang desisyon (tingnan ang talaan).
Noong Disyembre 31, nagkaroon ng katubusan ang paghuhumiyaw ng mamamayan ng Cordillera para sa katarungan laban sa mga krimen ni Balweg.
Ilan sa mga kasalanan ni Conrado Balweg
Pagpatay kay Fr. Bruno Ortega, SVD noong Disyembre 1987 habang natutulog ito sa punong himpilan ng CPLA sa Cordillera House sa Lunsod ng Baguio. Ilang araw bago namatay si Ortega, balak na niyang bumalik sa rebolusyonaryong kilusan matapos niyang matanto ang kanyang malaking pagkakamali sa pagsama sa grupo ni Balweg.
Pagdukot at pagpatay noong Oktubre 6, 1987 kay Daniel Ngaya-an, pinuno ng Cordillera Bodong Association at myembro rin ng Komiteng Tagapagpaganap ng Cordillera Peoples� Alliance (CPA). Hayagang ipinagmalaki ni Balweg ang kanilang pagpatay kay Ngaya-an.
Pagdukot, pagtortyur at pagpatay kay Romy Gardo, isang organisador ng CPA, noong Disyembre 28, 1987.
Pagpatay sa pamamagitan ng firing squad kina Jonathan Bisnan at Tito Babasa, mga magsasakang taga-Tubo, Abra noong 1987.
Pagpatay kay Benito Dang-aw ng Tubtuba, Tubo, Abra noong 1987.
Pagpatay sa dalawang matandang taga-Salegseg, Balbalan, Kalinga at dalawang batang taga-Balbalan din noong 1987.
Pagtortyur at pagpatay kay Pagpag Afarag noong 1988.
Pagmasaker sa 16 na sibilyan at pagsira sa mga ari-arian ng masa sa Paco Valley, Apayao noong Marso 1987.
Paglikida sa dalawang Pulang mandirigma ng BHB na walang kakayahang lumaban at nagpapagaling ng kanilang mga sugat sa Butot, Luba, Abra noong Pebrero 1988. Ginahasa rin ng mga tropa ng CPLA ang dalawang babaeng medik na nangangalaga sa mga pasyente.
Pagpatay kay Ayangwa Claver, anak ng dating Congressman William Claver sa Pinukpuk, Kalinga noong Enero 21, 1990. Kasama sa mga taga-CPLA na pumatay sa kanya ang mga tropang militar ng Armed Forces of the Philippines at mga maton ni Dominador Belac, na alkalde noon ng Pinukpuk.
Pagwasak sa mga proyektong pangkabuhayan ng mamamayan noong 1987 tulad ng mga kooperatiba sa Upper Tinglayan, Kalinga at ng isang water-powered rice pounder sa Ngibat, Tinglayan, Kalinga.
Pananakot sa mamamayan ng Ampucao, Itogon, Benguet na tumututol sa ginagawang iligal na pagtotroso ng CPLA sa kanilang lupang ninuno.
Iligal na pagpasok at panghahalughog sa mga tahanan at pangungumpiska ng mga ari-arian ng mga pamilya sa Abra na pinaghihinalaan nilang sumisimpatya sa BHB.
Paggamit ng armas upang takutin ang ilang tribu na baguhin ang hangganan ng kani-kanilang mga baryo pabor sa mga upisyal at elemento ng CPLA, tulad ng ginawa sa hangganan ng tribung Saclit at Butbut.
Pang-aagaw ng lupa sa Tabuk, Kalinga at sa Baguio.
Pananakot sa mga delegado sa Cordillera Day sa Tubo, Abra noong 1998.
Pagbabantang papatayin ang mga lider ng mga progresibong organisasyon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|