Lacson: Berdugo, trapo
"Kinasusuklaman ko ang pulitika. At mas kinasusuklaman ko ang mga pulitiko".
Napilitan si Gen. Panfi lo Lacson na kainin ang mga sinambit niyang salitang ito nang patalsikin siya sa kapangyarihan bilang hepe ng pulisya at ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) kasabay ng pagbagsak ng kanyang amo na si Joseph Estrada. Isa ngayon si Lacson sa mga dating galamay ni Estrada na pilit na bumabalik sa poder at kumakandidato sa pagkasenador sa darating na halalan sa Mayo.
Subalit hindi lamang ang pagkahayok sa kapangyarihan ang motibo ni Lacson sa pagtakbo. Suportado siya ng salapi ni Eduardo "Danding" Cojuangco, na nagaalaga o nagpapatakbo ng mga pulitiko na magbibigay-proteksyon sa kanyang mga pampulitika at pang-ekonomyang interes sa ilalim ng anumang rehimen. Higit sa lahat, isang maaasahang tuta ng imperyalismong US si Lacson.
Duguan ang mga kamay ng kandidatong si Lacson. Habang kahalubilo niya sa entablado ang mga kapwa niyang bulok na lab� ng pangkating Estrada, kailangang puspusang tutulan ang kanyang pagkakandidato, ilantad ang kanyang mga krimen at ang naging papel niya sa ilalim ng rehimeng Estrada, laluna sa mga huling buwan nito at huwag siyang hayaang ibayong makapanlinlang sa mamamayan.
Sariwa pa sa alaala ang karumal-dumal na pambobomba sa limang magkakaibang lugar sa Metro Manila noong Disyembre 30 na pakana nina Estrada at Danding Cojuangco at isinagawa ng mga tauhan ni Lacson. Pumatay ito ng 26 at nakasugat ng mahigit 100 inosenteng mamamayan. Sa kabila ng ilampung namatay at nabalda rito, bigo ang pambobomba na ilihis ang atensyon ng mamamayan mula sa mga eksplosibong impormasyong inilantad sa impeachment trial ni Estrada.
Bago nito, ipinadukot at ipinaligpit ni Lacson ang public relations practitioner na si Salvador "Bubby" Dacer noong Nobyembre upang pigilin ito sa napipintong pagbubunyag ng papel ni Estrada sa iskandalo sa BW Resources. Sa kasalukuyan, di bababa sa pitong tauhan ng PAOCTF ang natuklasang sangkot sa pagdukot at pagsalbeyds kay Dacer.
Nang ianunsyo ni Lacson ang kanyang kandidatura nitong Pebrero, sunud-sunod na pangingidnap at panghoholdap sa bangko ang isinagawa ng mga galamay ni Lacson sa Kuratong Baleleng at iba pang kriminal na sindikato upang mangalap ng pondo para sa kanyang kampanya, maghasik ng takot at gamitin ito upang makapagpropaganda na kailangang maibalik si Lacson sa poder para mapanatili ang "kaayusan at kapayapaan".
Nabunyag din kamakailan ang patuloy na paggamit ni Lacson sa mga elemento ng Philippine National Police bilang mga eskort at badigard sa kanyang pangangampanya. Limang regional director ng PNP sa Kabisayaan at Mindanao ang sangkot sa pagbibigay ng "VIP treatment" kay Lacson nang mangampanya ito sa kani-kanilang mga lugar.
At kamakailan lamang, ibinunyag ni Gov. Luis "Chavit" Singson na nang tinangka ng rehimeng Estrada na gawing ligal ang hweteng, humingi si Lacson ng 2.5% ng daan-daan milyong kabuuang kita ng mga opereytor ng hweteng. Tulad ng kanyang among si Estrada, gustong solohin ni Lacson ang pamamahagi ng "protection money" sa mga regional director ng PNP upang makatiyak siya sa katapatan ng huli at tumatag ang kanyang base sa loob ng pulisya.
Ito lamang ang mga pinakahuling krimen ni Lacson. Tiyak na marami pang mabubunyag hinggil sa kanya habang umiinit ang labanan sa reaksyunaryong pulitika.
Ang bulok at pasistang si Lacson ay bagay na kamuhian at ibasura kasabay ng bumagsak na rehimeng Estrada. Isinisigaw ng daan-daang inosenteng mamamayang naging biktima ng kanyang mga krimen na dapat na siyang kasuhan at parusahan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|