Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ang pagbabaligtad ng hatol sa mga pasistang krimen ng diktadurang Marcos

 Read this article in English

Sa tulong ni dating Sen. Jovito Salonga at ng bagong libro niyang A Journey of Struggle and Hope, muling binuhay ang paglulubid ng buhangin ukol sa masaker sa rali ng Partido Liberal sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971. Ang pagpapasa sa Partido Komunista ng Pilipinas at kay Kasamang Jose Ma. Sison (noo'y Tagapangulo ng Partido sa pangalang Amado Guerrero) ng bintang sa masaker ay isang kasinungalingang inumpisahan ni Marcos. Ang pag-uulit ng bulaang bintang na ito, 30 taon makalipas ang insidente at matapos ilang ulit na pasinungalingan maging ng piskalya at senado, ay marapat na tuligsain at labanan.

Dalawang araw pagkatapos ng masaker, sinuspindi ni Marcos ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus upang mabigyang-laya ang sabay-sabay na reyd sa mga himpilan ng mga demokratikong organisasyong masa at maramihang pag-aresto sa mga militanteng lider at aktibistang masa. Ang mabilis at sistematikong pagpapatupad ng mga pasistang hakbanging ito ay nagpakitang bago pa man ang insidente ay masinop nang naplano at napaghandaan ang iskrip at pagkakasunud-sunod ng lahat ng mga ito.

Para mabigyang-katwiran ang lahat ng ito, bilang bahagi pa rin ng iskrip, itinuon ni Marcos ang bintang sa naganap na masaker sa PKP at kay Kasamang Sison. Subalit ang kabulastugan ng bintang na ito ay mapatutunayan sa itinakbo ng kasaysayan.

Malinaw na ang masaker sa Plaza Miranda at mga kagyat na sumunod rito ay dry run o ensayo lamang para sa pinaghahandaan pang kasunod na plano�ang Oplan Sagittarius. Nilalaman nito ang pagpapataw ng batas militar sa susunod na taon at paghahasik ng mas matitinding panunupil sa demokratikong kilusang masa, mamamayan at pati sa mga anti-Marcos na reaksyunaryong oposisyon. Ipinakita ng mga pangyayari mula noong gabi ng Agosto 21, 1971 hanggang sa Setyembre 21, 1972, Agosto 21, 1983 at marami pang masaker at represyon, na iisang iskrip lamang ang sinunod ng diktadurang Marcos. Matatandaang bahagi rin ng iskrip sa asasinasyon kay Sen. Benigno Aquino noong 1983 ang pagpapasa ng bintang sa PKP. Ang malamig na bangkay ni Rolando Galman, isang upahang mamamatay-tao at bilanggo, ang tinangka nina Marcos na palabasing siyang pumatay kay Aquino.

Ngayon, ibinabalik na naman ang parehong bintang ni Marcos sa PKP at kay Kasamang Sison sa pamamagitan ng bagong libro ni Salonga. Bagong-labas ang libro, pero ang nilalaman nito ay lumang tugtugin na. Iresponsable at malisyosong ginamit ang mga sabi-sabi, pagbabaluktot ng mga datos at pilit at nilubid na mga istorya para mabigyang-katwiran ang bintang.

Nang mahirapan si Marcos na ipasa sa Partido ang bintang sa pagbomba sa Plaza Miranda, sinikap naman niya itong ipasa sa meyor ng Manila noon na si Antonio Villegas. Kung sinu-sinong bilanggong nasa labas o inilabas noon ang kinuha at pinaaamin sa pagbomba sa Plaza Miranda, kapalit ang hanggang P2 milyong piso at isang bahay at lupa. Si Col. Paulino Robles ng PC Anti-Carnapping Unit ang namahala sa pangungumbinsi sa kanila. Isang Francisco Magat, nasa parole (pansamantalang paglaya) na bilanggo sa National Penitentiary sa Muntinlupa ang inaresto noong Disyembre 31 dahil sa kagagawan niya diumano ang nasabing krimen. Dinala siya sa PC Stockade sa Camp Crame, kung saan siya tinortyur para umamin. Ayon sa isang sinumpaang salaysay na ginawa niya, dinala siya ni Colonel Robles sa Malakanyang, kung saan si Marcos mismo ang nangungumbinsi sa kanya na umamin na siya ang naghagis ng bomba at na si Meyor Villegas ang nag-atas niyon sa kanya. Hindi niya ito tinanggap kung kayat ikinulong siya nang anim pang taon. Umamin din sa krimen at nagpatunay sa pagkakasangkot ni Magat sina Flavio Benauro, Benigno Orquico at Francisco Agner na pawang mga bilanggo. Wala ni isa sa kanila ang nasampahan ng kaso.

Samantala, isa pang dating bilanggo at isang sarhento sa Firearms and Explosives Unit ng PC ang natukoy, kinasuhan at ikinulong kaugnay ng serye ng mga pagbobomba sa Metro Manila�sa Carriedo St., Port Area, Meralco at iba pa � kagyat kasunod ng pangyayari sa Plaza Miranda.

Higit lamang na magkakaroon ng linaw ang lahat matapos na mapatalsik ang pasistang diktadura noong 1986.

Noong Marso 14, 1989, isang elemento ng Presidential Security Unit, si Manuel Reyes Bogtong, ay gumawa ng sinumpaang salaysay na umaaming kasama siya sa pagpaplano ng pagbomba sa Plaza Miranda at na kasama niya sa pagpapatupad nito ni Maj. Roland Pattugalan at lima pang elemento ng PSU. Ayon sa salaysay ni Bogtong, si Gen. Fabian Ver, hepe ng AFP noong panahon ng diktadura, ang mismong namuno sa proyektong ito. Matatandaang si Ver din ang namuno sa proyektong asasinasyon kay Benigno Aquino noong Agosto 21, 1983.

Si Atty. Reynaldo Bagatsing, anak ng dating meyor ng Manila na si Ramon Bagatsing, ang tumayong abugado ni Bogtong. Si dating Meyor Bagatsing ay isa sa mga malubhang tinamaan at nasaktan sa pangyayari sa Plaza Miranda.

Mahigpit na binantayan ni Attorney Bagatsing ang kaso, alang-alang na rin sa kanyang ama. Tatlong araw makaraang gawin ni Bogtong ang sinumpaang salaysay, sinulatan ni Attorney Bagatsing si Gen. Fidel Ramos, na noo'y hepe ng AFP, upang paimbestigahan at ipaaresto ang mga upisyal at elemento ng PSU na itinuro ni Bogtong sa kanyang sinumpaang salaysay. Pero walang ginawa si Ramos. Ayon kay Ramos, wala siyang natatanggap na ganoong sulat. Pinaloap uli ni Attorney Bagatsing ang kaso kay Gen. Alfredo Lim, na noo'y siyang hepe ng Western Police District (WPD). Inatasan ni Lim si Col. Alladin Dimagmaliw, hepe noon ng WPD Investigation Division, para siyasatin ang kaso, pero wala nang nabalitaan tungkol dito mula noon. Sinugsog din ni Attorney Bagatsing ang iba pang tanggapan ng gubyerno (National Bureau of Investigation, Ministry of Justice, at Commission of Human Rights), pero wala pa ring nangyari. Makaraan ang ilang panahon, nawala si Bogtong at hindi na natagpuan.

Ayon kay Attorney Bagatsing, may isa pang saksi, na kalahok din sa operasyon at siya mismong nangasiwa sa pagpupukol ng granada. Isa siyang dating upisyal ng Philcag. Nag-ibayong dagat siya nang ideklara ang batas militar at doon na nanirahan mula noon.

Mga mismong pinakamalapit kay Marcos noong panahong iyon ang nakapagtitiyak na si Marcos ang utak sa pagbobomba sa Plaza Miranda. Isa na rito si Primitivo Mijares, naging Executive Secretary ni Marcos at isa sa dating pinakamalapit sa mga Marcos. Inilabas niya ito sa libro niyang Conjugal Dictatorship, na ginawa niya noong tinalikuran na niya ang diktadura. Kinidnap at nilikida siya at ang kanyang anak dahil sa mga isiniwalat niya. Noong 1986, inamin din mismo ni Juan Ponce Enrile, dating ministro sa depensa ni Marcos, na pawang paglulubid ng istorya ang diumano'y ambus sa kanya, at na si Marcos ang siyang nag-utos ng mga pambobomba sa Metro Manila noong 1971 hanggang 1972. Kabilang na rito ang sa Plaza Miranda. Layunin ng mga ito, aniya, ang paglilikha ng dahilan para sa deklarasyon ng batas militar.

Malinaw na ang masaker sa Plaza Miranda at mga kagyat na sumunod dito ay dry run o ensayo lamang para sa pinaghahandaan pang kasunod na plano�ang Oplan Sagittarius. Nilalaman nito ang pagpapataw ng batas militar sa susunod na taon at paghahasik ng mas matitinding panunupil sa demokratikong kilusang masa, mamamayan at pati sa mga anti-Marcos na reaksyunaryong oposisyon.

Sa kabilang banda, ang kasong isinampa ng Philippine National Police � Criminal Investigation Service Command (PNP-CISC) sa City Prosecutor's Office ng Maynila laban kay Kasamang Sison at iba pa sa bintang na pagbomba ng Plaza Miranda ay pinawalang-saysay noong Marso 2, 1994, "dulot ng kawalan ng sapat na ebidensya". Ayon mismo sa resolusyon ng City Prosecutor na gumawa ng preliminaryong imbestigasyon sa kaso, "ang diumanong partisipasyon ng mga akusado (Sison at iba pa) bilang mga nagplano o pasimuno ay pawang mga ispekulasyon. Ang pagsasakdal sa kanila, sa gayon, batay lamang sa naisumiteng sinumpaang mga salaysay ay mangangahulugan ng isang dali-dali, malisyoso at mapaniil na pag-uusig."

Ngayon, ibinabalik na naman ang parehong bintang ni Marcos sa PKP at kay Kasamang Sison sa pamamagitan ng bagong libro ni Salonga. Bagong-labas ang libro, pero ang nilalaman nito ay lumang tugtugin na. Iresponsable at malisyosong ginamit ang mga sabi-sabi, pagbabaluktot ng mga datos at pilit at nilubid na mga istorya para mabigyang-katwiran ang bintang.

Sa pamamagitan nito, pinawawalang-sala ang diktadurang Marcos sa isa sa mga pinakakarumal-dumal na krimen nito at binabaluktot ang kasaysayan ng bansa at hatol ng mamamayan. Tuwang-tuwang kaagad na pinalakpakan ito ng mga Marcos at iba pang mga sagadsaring reaksyunaryo sa hanay ng mga naghaharing uri. Sa pamamagitan nito, layunin nilang kwestyunin muli ang hatol ng mamamayan laban sa pagkakapataw ng batas militar at pasismo sa bansa. Sarado nang usapin ang walang kaduda-dudang pananagutan ng diktadurang Marcos at ni Ferdinand Marcos mismo.

Sa muling pagbibigay-buhay sa mga napabulaanan nang paratang sa PKP at kay Kasamang Sison, muli ring ginamit ni Salonga ang linya, mga argumento at pati mga palsong testigo nina Marcos at Gregg Jones, upang pilit na patunayang inosente at makatotohanan si Marcos.

Higit pa kay Kasamang Sison, ang Partido at ang pambansa-demokratikong rebolusyonaryong kilusan ang nakasalang sa bulaang paratang na muling binuhay ni Salonga. Nais nitong palabasin na ang Partido at mga pinuno nito ay konspiratoryal at walang-pakundangang pumapatay ng mga inosenteng mamamayan at na ang rebolusyon ay nililikha sa pamamagitan ng mga artipisyal na pampaningas, tulad ng sadyang pagmamasaker sa rali ng oposisyon.

Nagsisikap ang Partido na ipagwagi ang rebolusyon sa pamamagitan ng paghihimok ng malawak na masa ng sambayanan alinsunod sa pambansa-demokratikong linya; pag-oorganisa sa kanila sa mga ligal at lihim na organisasyong masa, alyansa at organo ng kapangyarihang pampulitika; pagpapakilos sa kanila sa pangmatagalang armadong pakikibaka at sa mga pagkilos at kampanya para sa mga saligang reporma at pagbabago tungo sa kanilang kabuuang pagpapalaya mula sa paghahari ng mga imperyalista at lokal na magpasamantala at mapang-aping mga uri.

Ang kalagayan para sa pagrerebolusyon sa bansa ay palaging mainam. Kusang sumasambulat ang krisis ng bulok na lipunan. Napakaraming mamamayan ang nananabik mag-armas at magrebolusyon para ganap na makaalpas sa pagsasamantala at kaapihan.

 


 Back to topNext article

31 Hulyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang pagbabaligtad ng hatol sa mga pasistang krimen ng diktadurang Marcos
Ang CIA, ang yaman ng mga Marcos at iba pang katiwalian sa likod ng pagbaligtad ni Salonga
Mga Pangyayari noong Agosto 21 at Agosto 23, 1971:
"Tumatahak sa landas ng diktadura-militar" - PKP

Mga kasinungalingan ng mga "testigo" nina Marcos, Gregg Jones at Salonga kaugnay ng pagbomba sa Plaza Miranda
Ilang sipi mula sa sinumpaang salaysay ni Manuel Reyes Bogtong ng Presidential Security Unit (March 14, 1989)
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.