Kalupitan sa kamay ng Malaysia at ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Habang parang mga hayop na pinatatalsik mula sa Sabah ang libu-libong Pilipino, inutil namang ipinagtatanggol ng Malakanyang ang gubyerno ng Malaysia
Halos araw-araw na inulan ng protesta ang embahada ng Malaysia simula nang mabunyag ang di makatarungan at makahayop na pagpapalayas sa mga Pilipino at iba pang "iligal na residente" mula sa Sabah. Walang pakundangang nilabag ng mga awtoridad ng Malaysia ang mga karapatang tao ng mga Pilipino roon at ang Internasyunal na Makataong Batas.
Maihahalintulad sa ginawa ng pasistang Nazi sa mga Hudyo noong panahon ni Hitler ang walang pakundangang paghakot sa libu-libong mga migranteng manggagawang Pilipino tungo sa mga barko at pagtipon sa kanila sa masisikip na detention center na walang sapat na pagkain at tubig. Walang anumang prubisyon para sa mga bata at matatanda. Masahol pa, dumaranas sila ng matinding kalupitan sa kamay ng pulisya at mga upisyal sa immigration ng Malaysia. Ang iba sa kanila ay pisikal na sinasaktan para lamang sa katuwaan ng mga pulis.
Dahil dito, 18 nang mga sanggol at bata ang namatay dahil sa init, kawalan ng tubig at malnutrisyon sa loob ng mga detention center at mga barkong ginagamit sa pagpapatapon sa kanila sa Pilipinas. Limang nakatatanda na rin ang namatay habang ilang babae naman ang nawala na sa sarili habang nasa detensyon.
Nagpakainutil sa harap ng lahat ng ito ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Hindi ito naghandang saluhin ang mga migranteng Pilipino kahit noon pang Enero ipinaabot ng Malaysia sa Pilipinas ang balak nitong deportasyon.
Sa halip na ipagtanggol ang karapatan ng mga pinatalsik na Pilipino, ipinagtanggol pa ng rehimen ang di makataong pagtrato sa kanila ng mga awtoridad ng Malaysia. Ipinatutupad lamang daw ng Malaysia ang mga batas nito at wala nang ibang magagawa ang Pilipinas.
Upang pagtakpan ang kainutilan, tinangka pa ni Macapagal-Arroyong gamitin ang kaawa-awang kalagayan ng mga sinipang Pilipino upang magmukhang "mapagmalasakit". Personal siyang pumunta sa daungan sa Tawi-tawi at pinigil ang agad na pagbaba ng mga Pilipino mula sa isang barko upang mabigyan siya ng oportunidad na makunan ng litrato kasama ang mga ito. Para rito ay inantala ang kagyat na atensyong kailangan ng maraming batang may sakit at nagugutom.
Hindi na maiwasan kahit ng mga reaksyunaryong pulitiko na kundenahin ang mga hakbangin ng Malaysia at ang kainutilan ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Tinawag na "henosidyo" nina Vice Pres. Teofisto Guingona at ni Jaime Cardinal Sin ang patakarang deportasyon ng Malaysia. Naglunsad rin ng piket ang Migrante International at Kilusang Mayo Uno sa tapat ng embahada ng Malaysia.
Ang patakarang deportasyon ay bunga ng pag-amendya ng Malaysia sa batas nito kaugnay ng mga iligal na migrante. Ipinasa ang bagong batas noon pang Abril at nagkabisa nitong Agosto 1. Mula Pebrero, umabot na sa 64,000 Pilipinong di dokumentado ang pinatalsik ng Malaysia. Tinatayang mayroon pang 30,000 na nakapiit sa mga detention center.
Ang pana-panahong paghihigpit sa mga migrante sa iba�t ibang bansa ay karaniwang tunguhin sa panahon ng matitinding krisis. Sa pagbubunton ng sisi sa mga migrante, naililihis ng mga naghaharing uri ang atensyon ng mamamayan sa mga tunay na ugat ng krisis na kinasasadlakan ng kani-kanilang lipunan.
|