Atake sa mga progresibong partido, tumitindi
Tumitindi ang mga atake ng rehimeng Arroyo at mga pasista sa mga progresibong kandidato at partido habang papalapit ang eleksyon.
Nitong Abril 2, inirekomenda ni Norberto Gonzales, bagong National Security Adviser, na ilaglag na bilang mga partido ang Bayan Muna (BM) at lima pang progresibong partido�Anakpawis, Gabriela Women's Party, Anak ng Bayan, Migrante at Suara Bangsa Moro. Inakusahan niya ang BM ng pagbibigay ng mahigit P500 milyon sa Bagong Hukbong Bayan. Pinangangambahan ng mga reaksyunaryo na magiging signipikanteng bloke ang mga ito sa kongreso at malaking sagabal sa mga maka-imperyalista at kontra-mamamayang patakaran ng reaksyunaryong papet na gubyerno.
Ang mga gawa-gawang akusasyon ng Malakanyang at AFP ay nagbibigay lamang ng senyal sa mga berdugo at iba pang pasista na pag-ibayuhin ang mga atake sa mga progresibong kandidato at partido. Mula nang maitayo ang BM noong 2001, umabot na sa 70 ang napatay na mga lider at myembro nito. Bukod pa ito sa mga dinukot, sinaktan at hinaras. Mga pwersang militar at paramilitar ang salarin sa mga krimeng ito.
Mariing binabatikos at pinabubulaanan ng mga progresibong kandidato at partido ang mga paratang ni Gonzales. Kaiba sa reaksyunaryong gubyerno na naglulustay sa pondo ng mamamayan, anila, ang mga pinondohan nila ay ilandaang day care center, eskwelahan, poso at mga sistema ng patubig, farm-to-market road, tulay, klinika at iba pang proyektong kapakipakinabang sa mamamayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|