Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, iginiit

Mahigit 100,000 mamamayan ang pumirma sa manipesto ng Pilgrims for Peace na nanawagan ng kagyat na muling pagbubukas ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Kabilang sa mga pumirma nito ay sina Vice President Teofisto Guingona, Senator Loren Legarda at marami pang iba.

Pinasisinungalingan ng mga pumirma sa manipesto ang pahayag ni Macapagal-Arroyo na ayaw ng 95% ng mga Pilipino na ituloy ang usapang pangkapayapaan.

Ayon sa manipesto: "Habang kinukundena namin ang lahat ng anyo ng terorismo, lubha kaming nababahala na ang lubusang pagsuporta ng gubyernong Macapagal-Arroyo sa �gera laban sa terorismo� ng US... ay nakasisira sa usapang pangkapayapaan."

Lalong lumalaki ang kabuluhan ng paggigiit na ibalik ang usapang pangkapayapaan sa harap ng lumalakas na opensiba ng imperyalismong US at mga alyado nito na wasakin ang negosasyon ng GRP-NDF. Nitong Oktubre 31, idineklara ng European Union na "terorista" ang Bagong Hukbong Bayan at si Kasamang Jose Ma. Sison, senior political consultant ng NDFP. Ito�y sa tulak ng US at pagkatapos maglunsad ng sistematikong kampanya ang rehimeng Macapagal-Arroyo para siraan sa mga bansa sa European Union ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.

Ayon kay Kasamang Luis Jalandoni, pinuno ng NDFP negotiating panel, ang ginawang deklarasyon ng European Union ay "sisira sa usapang pangkapayapaan at lalong magpapaapoy sa digmang sibil" sa Pilipinas.

Pinabulaanan din ni Kasamang Sison ang sinasabi ng rehimeng Macapagal-Arroyo na patuloy ang "back-channel talks" (di pormal na ugnayan at pag-uusap) sa pagitan ng GRP at NDFP sa kabila ng kawalan ng pormal na negosasyon. Sa isang interbyu sa radyo nitong Oktubre 26, sinabi ni Kasamang Sison na walang kinatawan ang GRP na lumalapit sa kanila para makipag-usap. Ang totoo, aniya, "si General Eduardo Ermita at si Sec. Angelo Reyes na lamang ang nagnenegosasyon. Nakikipagbolahan lang sila sa isa�t isa," dagdag niya.

Kinundena ng Partido sa pamamagitan ng tagapagsalita nitong si Gregorio "Ka Roger" Rosal ang imbing pakana ng imperyalismong US at ng GRP na ipitin ang rebolusyonaryong kilusan para ito�y sumuko. Ani Ka Roger, magpapatuloy ang rebolusyonaryong kilusan sa pagpupundar ng isang lipunang nagtatamasa ng tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, nariyan man o wala ang usapang pangkapayapaan.

"Talon Vision 02", tinutulan

Pinamunuan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang mga magsasaka mula sa Southern Tagalog, Bicol, Cordillera at Cagayan Valley na naglunsad ng protest caravan laban sa "Talon Vision 02". Sinalubong ang caravan nila mula sa Maynila ng mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon sa pamumuno ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) bago sila dumeretso sa Clark Ecozone sa Angeles City, Pampanga nitong Oktubre 23.

Mariing binatikos ng mga magsasaka ang mga pinagsanib na pagsasanay militar na tinaguriang "Talon Vision 02" na isinagawa nitong Oktubre 14-27. Ang 700 US Marines at 400 sundalo ng AFP ay nagsagawa ng joint war games sa Cavite, Nueva Ecija, Tarlac at Pampanga.

Itinaon ang pagsasanay sa pagpapaigting ng rehimen ng kontra-rebolusyonaryong digma na tinatagurian ngayong Oplan Gordian Knot.

Umani ng kaliwa't kanan na pagtutuligsa mula sa iba't ibang organisasyong masa ang "Talon Vision". Noong inilunsad ang "National Day of Protest" sa Maynila noong Oktubre 21, kinundena ng may 5,000 ang rehimeng Macapagal-Arroyo at ang amo nitong imperyalismong US dahil sa pagtatambol nito ng digma laban sa mga kilusang makabayan at mapagpalaya na nagsisilbing malaking banta at hadlang sa pananaig ng imperyalistang interes sa buong mundo.

Raling iglap sa Malakanyang, dinahas

Umabot sa 30 ang nasaktan nang marahas na idispers ng mga pulis ang isang raling iglap na ginanap sa harap ng Malakanyang noong Oktubre 18 bandang alas-10 ng umaga. Mapayapang nagpoprotesta ang may 100 myembro ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas, Kilusang Mayo Uno at PAMALAKAYA nang pagpapaluin sila ng mga batuta ng mga pulis. Tumagal nang halos isang oras ang dispersal. Ang aksyong protesta ay inilunsad upang tuligsain at kundenahin ang pagpapaigting ni Macapagal-Arroyo ng kontrarebolusyonaryong digma.

Welga ng mga drayber ng dyip, inilunsad

Inilunsad nitong Oktubre 29 ang isang kalahating-araw na tigil-biyaheng welga ng mga drayber ng dyip sa Metro Manila at iba pang syudad. Ang welga ay pinamunuan ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston). Ayon kay Medardo Roda, tagapangulo ng Piston, ang kalahating-araw na welga ay bilang pagprotesta sa walang-tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong langis. Nagbantang maglunsad ng mas malaking welga ang Piston oras na muling magtaas ang presyo ng langis.

MMDA kinasuhan sa pagpatay sa manininda

Idinemanda ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) si Bayani Fernando, tserman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa pagkamatay ni Iladio Tuacar, isang manininda, sa isang marahas na demolisyon sa Magallanes, Makati noong katapusan ng Setyembre. Si Tuacar ay napatay nang barilin siya nang dalawang beses sa likuran ng isang pulis na kabilang sa mga nagpatupad sa order ng MMDA na patalsikin lahat ng sidewalk vendor sa Metro Manila. Kinundena rin ng BAYAN at mga organisasyon ng mga manininda sa isang rali sa Makati noong Oktubre 2 ang pagpatay kay Tuacar.

Upisina ng KARAPATAN sa butuan city, hinalughog

Pinasok at hinalughog ng mga di nakilalang tao ang upisina ng KARAPATAN sa Butuan City noong Setyembre 28. Hinihinalang mga operatibang paniktik ng militar ang mga ito dahil bukod-tanging mga dokumento at hard disk ng kompyuter ang kinuha ng mga salarin. Nangyari ito sa pagitan ng Setyembre 27 ng gabi at Setyembre 28 ng madaling araw.

Ang mga nawala ay naglalaman ng mga rekord ng mga paglabag sa karapatang-tao, mga interbyu at ulat ng mga fact finding mission, mga sinumpaang salaysay ng mga biktima at mga testigo sa kaso ng paglabag sa karapatang-tao.

Mga residente ng Lanao del Sur, lumikas sa pambobomba ng militar

Hindi bababa sa tatlong barangay sa Lanao del Sur ang naapektuhan ng ginawang pambobomba ng Philippine Air Force sa kagubatan ng mga bayan ng Pualas at Sultan Gumander noong Setyembre 12 at 13. Habang buong yabang na sinasabi ni Col. Ernesto Boac na poprotektahan diumano ng mga operasyong ito ang komunidad laban sa karahasan, ang pambobomba ng militar ang mismong pwersahang nagpalikas sa mga residente palayo sa kanilang mga winasak na tahanan at pinagmumulan ng kabuhayan. Si Colonel Boac ay kumander ng 401st Infantry Brigade ng Philippine Army na nakabase sa Marawi City.

MERALCO bigo sa panunuhol kay Ka Bel

Bigo ang Meralco sa maraming tangkang panunuhol kay Crispin "Ka Bel" Beltran, kongresman ng Bayan Muna. Tinangka ng Meralco na suhulan si Ka Bel para tigilan na nito ang pagbatikos sa kumpanya. Mula pa noong Abril ay tumanggi na si Ka Bel na bayaran ang purchased power adjustment sa Meralco bilang protesta. Dahil hindi nito masuhulan si Ka Bel at di rin tuminag si Ka Bel sa kanyang paninindigan, pinutulan na ng Meralco ng kuryente ang militanteng kongresista noong Oktubre 24.

Paghirang kay Marcelo, kinwestyon ng Plunder Watch

Kinwestyon ng Plunder Watch ang pagkakahirang kay Simeon Marcelo bilang Ombudsman. Sa isang pahayag noong Oktubre 11, sinabi ng Plunder Watch na minadali at hindi idinaan sa masusing deliberasyon ang pagkakatalaga sa kanya. Wala umanong kakayahan si Marcelo na manindigan nang independyente dahil napakalapit niya sa mag-asawang Arroyo. Si Marcelo ay may mataas na pusisyon sa Carpio, Villaraza and Cruz law firm, na ilang taon nang nagseserbisyo sa pamilyang Arroyo. Marami na ring pabor na tinanggap ang law firm mula sa rehimen.

Binatikos din ng Plunder Watch ang kainutilan ng pangkat ng mga tagausig laban kay Estrada. Kabilang sa pangkat na ito si Marcelo bago siya nahirang bilang ombudsman.

Mga pilipinong inspektor sa mga paliparan sa U.S., sinesante

Maramihang pinagtatanggal sa trabaho ang aabot sa 1,000 Pilipinong inspektor (airport screeners) sa mga paliparan sa US nitong Oktubre. Ito'y resulta ng malupit na Aviation Security Act na ipinasa ng gubyernong Bush noong Nobyembre 2001. Ipinagbabawal ng batas na ito ang pagkakaroon ng airport screeners na hindi Amerikano. Subalit ang tunay na dahilan ng tanggalan ay ang paghihigpit ng US ngayon sa anumang lahing pinagsususpetsahang pinagmumulan ng mga "terorista", kabilang na ang mga Arabo, Afghan at Pakistani at nitong huli, pati mga Pilipino, Malaysian at Indonesian.

GMA nagwala sa di pag-apruba ni Bush sa $30 M ayudang militar sa RP

Animo'y batang nagdabog at nagwala si Macapagal-Arroyo noong Oktubre 8 nang hampasin niya ang lamesa matapos niyang malamang hindi inaprubahan ni George Bush, Presidente ng US, ang ipinangakong $30 milyong ayuda-militar para sa rehimen. Galit na galit si Macapagal-Arroyo dahil aniya'y hindi man lamang siya nakatanggap ng karampatang ganti sa kanyang todong suporta para sa "gerang kontra-terorismo" ng US. Para lalong ipadama ni Macapagal-Arroyo ang kanyang pagtatampo, kinansela niya ang planong tumuloy sa Washington, DC sa Oktubre 29 mula sa pagdalo niya sa pulong ng 10th Asia-Pacific Economic Forum sa Los Cabos, Mexico.

Depisit sa badyet lumobo sa P166.5 B

Lumobo sa P166.5 bilyon ang depisit sa badyet mula Enero hanggang Setyembre. Lampas ito nang P60.139 bilyon sa target na depisit para sa panahong ito. Mas malaki rin ito nang 36.3% sa depisit para sa parehong panahon noong isang 2002. Lampas na rin ito nang P10 bilyon sa itinakdang target na depisit na P155 bilyon para sa buong taon. Ayon pa rin kay National Treasurer Sergio Edeza, posibleng umabot pa sa P190 bilyon ang depisit sa badyet matapos ang taong ito.

Kalagayan ng ekonomya, lumalala - sarbey

Malaking mayorya o 88.67% ng mga taga-Metro Manila ang nagsabing "lalong lumalala" (45.78%) o "ganun pa rin" (42.89%) ang kalagayan ng ekonomya. Ito ang lumabas sa isang sarbey na isinagawa ng IBON Foundation nitong Setyembre 30-Oktubre 5.

Samantala, 6.7% lamang ng mga tinanong ang naniniwalang nakakaahon na ang ekonomya.

Pinasisinungalingan ng sarbey na ito ang mga upisyal na ulat ng gubyerno na bumubuti na ang kalagayan ng mamamayan. Kabilang sa mga ito ang ulat ng Commission on Population (Oktubre 2) na 40% lamang ng mga Pilipino ang nasasadlak sa karalitaan.

Lumalawak ang mga protesta laban sa imperyalistang panggegera sa Iraq

Mula Setyembre, patuloy na lumalawak at lumalakas ang kilusan laban sa imperyalistang gera ng US hindi lamang sa Europe at Asia kundi kahit sa US mismo.

Nitong Oktubre 26, unang anibersaryo sa pagkakapirma ng Patriot Act, lampas 100,000 Amerikano mula sa iba't ibang bahagi ng bansa ang nagtipon sa Washington, D.C. upang panindigan ang kanilang karapatang magpahayag ng pagtutol sa anti-imperyalistang gera laban sa Afghanistan at Iraq. Kasabay nito, aabot sa 80,000 ang bumuhos sa mga lansangan ng San Francisco City habang 10,000 ang nagrali sa Minnesota. Nagkaroon rin ng mga pagkilos sa iba pang bahagi ng bansa tulad ng Seattle (5,000), New York (2,000), Maine (3,000) at sa marami pang lugar. Kasabay din nito, ilampung libo ang nagrali The Netherlands at 400,000 sa Spain. Sa kalakhan, naging mapayapa ang mga militanteng aksyon-protesta.

Bago ito, inilunsad ng iba't ibang organisasyong masa sa US sa ilalim ng koalisyong "Not In Our Name" (Huwag sa Ngalan Namin) ang "pambansang araw ng paglaban" sa planong pandirigma ng US noong Oktubre 6-7. Sa Manhattan Central, New York kabilang sa mga nagsalita ang mga kilalang artistang sina Susan Sarandon, Tim Robbins at Martin Sheen. May 20,000 ang nagmartsang mga manggagawa, artista't direktor, manunulat at intelektwal.

Italy, niyanig ng welga

Naparalisa ang kalakhan ng Italy nitong Oktubre 18 nang ilunsad ang isang pangkalahatang welga laban sa mga planong pang-ekonomya ni Prime Minister Silvio Berlusconi na nasa balangkas ng imperyalistang "globalisasyon". Dalawang milyong manggagawa ang dumagsa sa mga kalsada at 10 milyong manggagawa ang sumuporta sa panawagan ng Confederazione Generale Italiana de Lavoro o CGIL, ang pinakamalaking unyon sa Italy.

Sumiklab ang kilos protesta nang tangkain ng Fiat, kumpanyang gumagawa ng kotse, na sipain ang mahigit 8,000 manggagawa. Nag-protesta ang mga trabahador para tutulan ito. Kabilang sa isinagawang pagkilos ang malalaking martsa-protesta. Sinundan ito ng rali ng 200,000 trabahador sa Turin at martsa ng 250,000 sa Milan.

Protesta sa Palestine, nagpapatuloy

Patuloy na sumusulong ang Bagong Intifada - ang pag-aalsa ng mamamayang Palestino para sa paglaya mula sa pananakop ng Israel.

Noong Oktubre 4 at 6, may 2,000 nagmartsa sa Gaza Strip upang kundenahin ang pagsuporta ng US sa Israel. Nanawagan silang mag-kaisa ang mga Arabo, Muslim at Kristyano at tutulan ang suporta ng US sa agresyon ng Israel. Nagrali rin ang 3,000 simpatisador ng Hamas sa Jabalya refugee camp, sakop pa rin ng Gaza Strip.

Sa sumunod na araw, sinunog sa isang demonstrasyon ng 400 gerilyang Islamic ang mga bandila ng Israel at US. Sa Nablus, West Bank sinuway ng mga ralyista ang curfew at nagmartsa. Isinigaw nila na ang "America ang siyang ulo ng ulupong".

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang balak na panumbalikin ang tuwirang paghaharing militar sa bansa!

Biguin ang Oplan Gordian Knot
Ang kontra-gerilyang digma ng
AFP at PNP

Dumaraming kaso ng pagdukot at desaparecido
Pambansang badyet sa 2003:
Badyet ng digma laban sa mamamayan

Mga kaso ng pagdukot sa anak upang sumuko ang magulang
Armadong pakikibaka, umaani ng tagumpay sa buong bansa
Bakit mabibigo ang digmang kontragerilya?
Mga tagumpay sa Pampanga, ipinagbunyi
Mga Ulat Koresponsal:
Medical at fact-finding mission sa Cagayan tagumpay; CIVAC ng AFP nilangaw

Mga Ulat Koresponsal:
Liberalisasyon sa importasyon ng gulay at bigas, pumipinsala sa mga magsasaka

Mga Ulat Koresponsal:
Kampanyang kontra-gutom, bumubwelo sa Panay

Mga Ulat Koresponsal:
Ibaba ang pasahe ng sitaw, sigaw ng Bulacan

Macapagal-Arroyo:
Kaaway ng mga kawani ng gubyerno

Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo
William Hinton, Joan Hinton
at Erwin "Sid" Engst

Pagpupugay sa mga tunay na proletaryong internasyunalista at anti-impeyalista

Balita
Mga Pagtutuwid sa isyung
Oktubre 2002 ng Ang Bayan

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.