Balita
Mga bihag ng BHB at MILF, palalayain na
Palalayain na ng BHB at MILF ang kani-kanilang mga bihag ng digma bilang pagpapakita ng katapatan sa hinahangad na kapayapaan. Inianunsyo ito sa isang dayalog noong Marso 15 na nilahukan nina Al Haj Murad, Vice Chairman for Military Affairs ng MILF, Ka Allan Juanito ng Komisyon ng PKP sa Mindanao; Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng NDF-Mindanao; at 15 obispong Katoliko, mga Muslim na ulama, mga lider sektoral at iba pa.
Pitong tropa ng gubyerno ang binihag ng MILF noong Marso 6 sa Barangay Tingin-Tinginin, Balo-i, Lanao del Norte. Isinasaayos na lamang ang mga dokumento ng pagpapalaya sa kanila. Samantala, kumpirmasyon na lamang ng pamunuan ng PKP ang hinihintay upang mapalaya na ang mga bihag ng BHB.
Paglabag sa karapatang-tao sa Gitnang Mindanao, lumalala
Lumalala ang kalagayan ng karapatang-tao sa Gitnang Mindanao. Sa Pikit, North Cotabato, umabot na sa 41,000 ang mga nagsilikas at 16 (14 ang mga bata) ang namatay sa tigdas sa masisikip na evacuation center mula nang muling sumiklab ang mga labanan sa pagitan ng AFP at MILF.
Sa isinagawang fact-finding mission doon mula Pebrero 28 hanggang Marso 4, natuklasan ng Karapatan, Moro-Christian Peoples Alliance (MCPA) at Bayan Muna na hindi kukulangin sa 38,808 katao o 60% ng populasyon ng Pikit ang nawalan ng mga tirahan.
May naitalang limang sibilyang sinalbeyds (dalawa sa kanila ay bata mula sa Datu Piang, Maguindanao); at anim kataong iligal na inaresto sa Barangay Kidama. May 161 bahay ang sinunog ng mga elemento ng 40th IB: 84 sa North Cotabato at 77 sa Sharif Aguak, Maguindanao. Sa pangkalahatan, may naisadokumentong 35 kaso ng pwersahang pagpapalikas, kung saan 12 ang namatay; apat na kaso ng pambobomba; 10 kaso ng pananalbeyds; at 44 na kaso ng pangungulimbat. Laganap din ang paninira sa mga istrukturang panrelihiyon.
Ayon din sa Diocese of Kidapawan City, bago ang pinakahuling kaso ng paglikas, nagsisiksikan na ang 15,445 pamilya o 62,195 katao sa 100 evacuation center. Noong Marso 1, ilan sa mga nagsilikas ang sumubok na magbalik sa Sityo Galingayon, Barangay Maksabual sa Pikit. Ngunit sinunog ng mga sundalo ng 40th IB ang 27 sa kanilang mga bahay noong Marso 3.
Dahil sa kalunus-lunos na kalagayang ito, iginigiit ng Karapatan, MCPA, Bayan Muna at mga asosasyong pangkalusugan na imbestigahan ng Kongreso ang mga pangyayari. Kasabay ding inilunsad ng nasabing mga organisasyon ang pandaigdigang kampanya para igiit kina Macapagal-Arroyo at Sec. Angelo Reyes ng Department of National Defense na kagyat na ipatigil ang mga operasyong militar sa Gitnang Mindanao.
Kampanyang Defend Sison, lumalawak
Patuloy na umaani ng malawak na suporta sa ibayong dagat ang kampanya para tanggalin ang BHB at si Kasamang Jose Ma. Sison sa listahan ng mga "terorista". Lumalawak din ang suporta para sa karapatan ni Sison bilang isang political refugee.
Ayon kay Ruth de Leon ng Committee Defend, tuluy-tuloy ang mga aksyong protesta sa iba't ibang dako ng mundo para sa mga karapatan ni Sison. Kabilang dito ang mga demonstrasyon, piket, pagpapadala ng mga sulat at mga petisyon, pag-iipon ng mga lagda, mga pangkulturang pagtatanghal, mga porum at pag-lobby sa European Parliament at sa gubyernong US. Sa ngayon, umabot na sa 50,000 ang pumirma sa deklarasyon ng suporta kay Sison na ihahapag sa European Commission sa Abril 15.
Nagboluntaryo naman bilang dagdag na abugado ni Sison si Ramsey Clark, US Attorney General noong panahon ng administrasyong Lyndon B. Johnson. Siya ang nagtatag ng International Action Center, na sa ngayon ay sentro ng malalaking mobilisasyon laban sa panggegera ng US sa Iraq.
Kababaihan laban sa interbensyong militar ng US
Noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, libu-libong kababaihan ang nanindigan at bumuhos sa mga lansangan upang iparating kapwa kay George Bush at kay Gloria Macapagal-Arroyo ang kanilang matinding galit at pagkamuhi sa paglapastangan ng imperyalismong US at ng papet na republika sa pambansang soberanya. Sa pangunguna ng Gabriela, nanawagan ang kababaihan para sa kagyat na pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo.
Ayon pa sa kanila, hindi lamang magiging mga direktang kaswalti ng digma ang kababaihan. Patitindihin din ng interbensyong militar ng US ang "sex trafficking" at sapilitang pagrekrut ng kababaihan sa "kalakalan ng laman". Nang ilunsad ang Balikatan 02-1 noong nakaraang taon, naiulat ang paglaganap ng rekrutment ng mga batang kababaihan (edad 13-18) sa sentro ng Davao upang ipadala sa Zamboanga kung saan nakabase ang tropang Amerikano.
Bukod sa 3,000 kababaihan at batang nagmartsa patungong tulay ng Mendiola sa Maynila, mahigit 1,000 kasapi ng Bicol Concerned Women for Nationalism (Bicolana) ang nagrali sa kampo ng 19th IB sa Pilar, Sorsogon.
Sa Borongan, Eastern Samar, nagmartsa sa ulan ang 2,000 madre at paring Katoliko, seminarista, iba pang relihiyosong sektor, magsasaka at drayber ng traysikel. Kasabay ng pagdiriwang ng araw ng kababaihan, mariin nilang ipinakita ang pagtutol sa napipintong gera ng US sa Iraq.
Sa Bacolod City, sumali ang 1,500 manggagawang kababaihan sa dalawang araw na noise barrage at martsa ng Alliance of Youth Against War (AYAW).
Nagkaroon din ng pagkilos ang Innabuyog-Gabriela, Dinteg Alternative Law Center at Cordillera Peoples Alliance sa Baguio City.
Stalin, patuloy na ipinagbubunyi
Libu-libong mamamayan ang dumalaw sa puntod ni Josef Stalin, lider-komunista ng dating Union of Soviet Socialist Republics (USSR) sa ika-50 anibersaryo ng kanyang pagkamatay nitong Marso 5. Daladala ang bandila ng dating USSR, nag-alay sila ng mga pulang bulaklak para sa isang dakilang lider at ama ng bansa. Karamihan sa mga dumalo ay mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at mga sundalong nagtanggol sa USSR laban sa pananakop ng pasistang si Hitler.
Maraming Ruso at iba pang mamamayan sa dating USSR, laluna na yaong mga nakatatanda, ang tumatanaw kay Stalin bilang isang mabuti at makataong lider. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, bumukadkad ang USSR bilang isang makapangyarihang sosyalistang bansa.
Si Stalin ang humalili bilang pangkalahatang kalihim ng Communist Party of the Soviet Union (CPSU) nang mamatay si Vladimir Lenin noong 1924. Bago ito, nagsilbi siyang patnugot ng Pravda, upisyal na pahayagan ng CPSU. Mula 1928 hanggang 1941, ipinatupad niya ang magkakasunod na limang-taong planong nagpaunlad at nagpalago sa industriya at agrikultura ng USSR.
TESDA nagpapalaganap ng prostitusyon
Nabunyag ngayong Marso ang papel ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa paglaganap ng prostitusyon. Ang TESDA ang ahensya ng gubyerno na nag-aapruba sa Artist�s Record Book (ARB) na nagpapatunay diumano na mayroong kasanayan sa mga sining tulad ng pagsasayaw at pagawit ang isang aplikante na nais magtrabaho bilang overseas performing artist. Karamihan sa mga nais magkaroon ng ARB ay mga aplikante para magtrabaho sa Japan bilang tagaaliw. Halos lahat ng aplikanteng ito ay nauuwi sa prostitusyon pagdating sa Japan.
Ayon sa Development Action for Women Network (DAWN), na siyang naglantad sa anomalya, umaabot sa P45,000 ang ibinabayad ng mga aplikanteng walang kasanayan sa sining para lamang mabigyan sila ng ARB. Anang DAWN, nagsisilbing bugaw ang gubyerno dahil sa gayong kalakaran.
Nabunyag din ang malaking papel ni Dante Liban, Director General ng TESDA, sa anomalyang ito. Ipinagyabang mismo ni Liban na sa loob ng unang walong buwan ng kanyang panunungkulan, 55,000 ARB ang kanyang pinirmahan. Marami sa mga ARB na ito, anang DAWN, ay dati nang pirmado at ipinagbibili sa mga desperadong aplikante sa malaking halaga.
Dahil sa tindi ng mga batikos, napilitang magbitiw si Liban nitong Marso 14.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|