Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga aral sa 12 taong imperyalistang kampanya ng paglupig sa Iraq

 Read this article in English

Ang 22 araw na pagsalakay ng mga tropang US at UK sa Iraq nitong huli ay rurok lamang ng labindalawang taong pang-aapi at pagpapahirap ng imperyalismong US. Ginamit ng mga mananakalay ang lubos na nakapamamayaning kapangyarihang militar upang tuluyang gapiin ang isang maliit na bansang mahigit isang dekada na nilang pinahihirapan at mahigit isang dekada na ring lumalaban.

Gumamit ang US ng mga tangke at bomba upang salakayin at lupigin ang Iraq. Rurok ng atake ang pagpasok at pagkontrol ng mga tropang Amerikano sa pambansang kabisera.

Ang mahigit isanlibong mamamayang Iraqi na pinatay ng mga tropang Amerikano sa walang pakundangang pambobomba at pamamaril sa Baghdad at iba pang syudad ay dumagdag sa mahigit 150,000 pinatay ng mga pagbobomba noong 1991 at mahigit 1.5 milyon pang kasunod na namatay bunsod ng walang-awang embargo ng US sa pasok ng pagkain, gamot at iba pang esensyal na pangangailangan ng mamamayang Iraqi.

Sa halos lahat ng bayan at syudad na sinaklot ng mga mananakop, sinalubong sila ng paglaban ng mga sundalo at milisyang Iraqi gamit kahit ang mahihinang armas. Ngunit hindi nagtagal ang armadong paglaban ng mga sundalong Iraqi. Lubhang di patas ang labanan sa usapin ng armas at hindi ito napangibabawan ng gubyernong Iraqi sa pamamagitan ng mas mahusay na pamumuno at pagmomobilisa sa mas makapangyarihan pa sanang laban ng mamamayan.

Mula sa karanasang ito, mahahalaw ang sumusunod na ilang aral:

  1. Ang rehimeng Hussein ay matatag na lumaban sa imperyalismong US sa loob ng mahigit isang dekada at hindi sumuko. Subalit nabigo ang rehimen na pukawin at pagkaisahin ang mamamayan sa isang pakikibaka para sa patriyotikong pagtatanggol sa bansa.
  2. Maraming matapat na kawal at mamamayang lumaban para sa bansa. Ngunit nagkulang ang gubyerno at pamunuang pampulitika sa Iraq para maihanda at maisaayos ang malawak, matatag at matalinong depensang militar na sumasalig sa kumbinasyon ng pakikidigmang regular at gerilya sa pamamagitan ng mga regular na sandatahang pwersa, di regular na pwersang milisya at armadong mamamayan.
  3. May ilang ispontanyong pagkilos ang mamamayang Iraqi. Ngunit walang organisadong kilusang masa at walang epektibong nakapamuno para bigyang-direksyon ang pagpapakilos ng milyunmilyong mamamayan sa militante at matalas na di armadong pakikibaka sa mga mananalakay at mananakop, kakumbinasyon ng armadong pakikibaka.
  4. Ginamit ng mga mananalakay ang mapanghating taktika ng panggagatong sa matagal at malalim nang mga dibisyong etniko at relihiyoso. Bagamat mayroon silang malakas na patriyotismo laban sa pananakop ng US, ang mga lider ng mga Kurd ay tuwirang nakasangkapan ng US sa pagbabagsak sa rehimeng Hussein.
  5. Walang ibang pagpipilian ang mamamayang Iraqi kundi ang lumaban sa rebolusyonaryong paraan sa imperyalismong US at mga kasabwat nitong reaksyunaryong papet.

    Ang pagsamantala ng mga mananalakay sa nasabing mga dibisyon ay maaaring naiwasan sa pamamagitan ng mga pagsisikap na malutas ang mga kontradiksyon sa pagitan ng gubyerno at mga kumakalaban dito upang mabuo ang pambansang nagkakaisang prente laban sa imperyalismong pananalakay at kolonisasyon sa Iraq. Obligadong kabilang sa naturang pagkakaisan ang iba't ibang grupong etniko at mga grupong oposisyon sa rehimeng Hussein.

  6. Ang lahat ng tungkulin sa paglaban sa armadong pananalakay ng imperyalismo, ay magagarantiyahan lamang kung may rebolusyonaryong proletaryado na makapagbibigkis sa buong sambayanan, mamumuno sa kanilang rebolusyonaryong kilusan at makapagbibigay ng mahusay na direksyon sa pagtatanggol sa inang bayan.

Dahil sa mga kahinaan sa iba't ibang nabanggit na mahahalagang salik, kinapos ang laban ng mga sandatahang pwersa at mamamayang Iraqi sa kagyat na paglaban sa lubhang makapangyarihang lakas militar ng mga mananakop.

Bagamat naibagsak ng US ang rehimeng Hussein sa Iraq at itinatayo na kapalit nito ang isang kolonyal at sa kalauna'y isang neokolonyal na rehimen sa ngalan ng "Kalayaang Iraqi", hindi pa tapos ang laban.

Sumusulong ang mga anti-US na rali sa iba't ibang syudad sa Iraq. Sa mismong Baghdad, ilampung libo ang nagrali noong Abril 18. Dumagundong ang sigaw nilang palayasin ang mga tropang Amerikano mula sa kanilang bansa. Hiwalay na hiwalay ang mga tropang Amerikano.

Noon namang Abril 15, kasabay ng pulong upang buuin ang bagong kolonyal na gubyerno, nagrali laban dito ang libu-libong Iraqi sa lunsod ng Nasiriyah. Kinundena nila ang planong pagtatayo ng gubyernong pamumunuan ng isang retiradong Amerikanong heneral at tatauhan ng ilandaan pang mga Amerikanong heneral, mga burukrata at iba pang mga alaga ng Pentagon.

Nito namang Abril 19, nagkakaisang nagpahayag ang mga bansang Arabo para sa pag-alis ng US sa Iraq. Tutol sila sa mga hakbanging magbibigay sa US ng kontrol sa industriya ng langis sa Iraq.

Pag-iibayuhin lamang ng imperyalismong US ang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayang Iraqi at ibayong titindi ang kontradiksyon sa pagitan ng mamamayang Iraqi at imperyalismong US. Walang ibang pagpipilian ang mamamayang Iraqi kundi ang lumaban sa rebolusyonaryong paraan sa imperyalismong US at mga kasabwat nitong reaksyunaryong papet. Sa ilalim ng wastong rebolusyonaryong pamumuno, matagumpay na malalabanan ng mamamayang Iraqi ang paghahari, pagsasamantala at pang-aapi sa kanila ng imperyalismong US at mga papet nito at makakamit ang pambansang kalayaan, demokrasya at kaunlaran ng kanilang lipunan.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Abril 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang pagpataw ng US ng imperyalistang kapangyarihan sa buong daigdig

Mga aral sa 12 taong imperyalistang kampanya ng paglupig sa Iraq
Ang pagpataw ng bagong "Pax Americana"
Denasyunalisasyon, pribatisasyon at pandarambong sa ngalan ng "rekonstruksyon"
Pista ng mga bwitre
Sa ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag
NDF: Di magigibang moog ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino

Mga Ulat Koresponsal:
Lumalakas ang BHB sa Mindanao

Matagumpay na opensiba ng BHB:
Aktibong depensa sa Bulacan

Matagumpay na opensiba ng BHB:
Armadong pagkikibaka, patuloy na sumusulong

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.