Bakit mabibigo ang digmang kontragerilya?
Katulad sa nakaraan, mabibigo ang digmang kontra-gerilyang "Oplan Gordian Knot" ng AFP dahil ang ipinagtatanggol nito ay isang sistemang bulok, mapang-api at mapagsamantala. Walang anumang epektibong taktika na magagamit ang kaaway upang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan dahil ito'y sinusuportahan at itinataguyod ng mamamayan. Sa kabila ng pananakot at pagmamalupit ng AFP at PNP, militanteng tumitindig ang masa at iwinawaksi ang pasistang paghahari sa kanayunan.
Patuloy na gagamitin ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ang mga taktika ng pakikidigmang-gerilya nang may talino at talas. Walang anumang antas ng konsentrasyon ng kaaway ang hindi kayang lusutan ng BHB.
Dahil sa disiplinang-militar at lalim ng suporta ng masa, palaging nakaiiwas ang mga mandirigma sa konsentradong pwersa ng kaaway. Sa tulong ng masa, palagiang nakakikita ang BHB ng puwang upang maglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mahihinang pwersa o napahihiwalay na tropa ng kaaway.
Patuloy na itinataas ang kakayahang militar at rebolusyonaryong kamulatan ng magigiting na Pulang mandirigma. Ang matataginting na taktikal na opensiba ng BHB nitong nakaraan sa Compostela Valley, Pampanga, Bulacan, Quezon, Mindoro, Leyte, Samar, Bohol, Negros at iba pang mga lugar ay nagpapatunay na patuloy na lumalalakas ang rebolusyonaryong kilusan.
|