Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 


1. Ang tagumpay ng mamamayan laban sa rehimeng Estrada

 Read this article in English

Nalulugod ang sambayanang Pilipino at ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagpabagsak kay Estrada at sa kanyang naghaharing pangkatin. Ito�y isang maningning na tagumpay. Ipinakikita nito ang kapangyarihan ng mamamayan upang ihiwalay at gapiin ang isang korap at mapanupil na rehimeng sunud-sunuran sa imperyalismong US.

Tiyak ang Partido sa tagumpay na ito nang ipanawagan nito noong ika-32 anibersaryo ng kanyang muling pagkakatatag na, "Pakilusin ang malawak na masa upang bigwasan ng pamatay na dagok ang rehimeng Estrada!" Mula Oktubre ng nakaraang taon, lubusan nang nahiwalay at nasa proseso na ng mabilis na disintegrasyon ang rehimen.

Resulta ito ng matatag at militanteng pakikibaka ng sambayanan at ng malawak na nagkakaisang prente laban sa rehimen. Nag-alsa ang malawak na masa ng sambayanan laban sa pangangayupapa ng rehimen sa imperyalismong US at laban sa kanyang sukdulang korupsyon at panunupil.

Ang ligal na demokratikong kilusang masa ay malaon nang nagpupunyagi mula�t sapul pa laban sa rehimeng Estrada na nasa mando ng US. Sa kalaunan, nakapagpakilos ito ng 1.8 milyong mamamayan sa Edsa, ng milyun-milyon sa buong bansa at ng 75,000 na nagmartsa at sumalikop sa palasyo ng presidente upang pwersahin si Estrada na lisanin na ang kanyang trono. Mga kabataan ang higit na nakararami sa kanila.

Tiyak ang Partido sa tagumpay na ito nang ipanawagan nito noong ika-32 anibersaryo ng kanyang muling pagkakatatag na, "pakilusin ang malawak na masa upang bigwasan ng pamatay na dagok ang rehimeng Estrada!"

Ang panawagan para kubkubin ng di bababa sa isang milyong katao ang palasyo ay naging epektibo sa pagbasag sa pagtatapang-tapangan ni Estrada. Nang makita niya ang puu-puong libong kataong bumalewala sa panawagan ng mga reaksyunaryo na iwasan ang palasyo, bahag ang buntot na nagmamadaling nilisan ni Estrada ang palasyo. Kung sinubukan niyang manatili nang isa pang araw, direkta sana siyang nakubkob ng mahigit isang milyong katao at malamang na naaresto.

Tuluyan siyang nawala sa kapangyarihan noong Enero 20, 2001, apat na araw pagkatapos papagningasin ng maka-Estradang mayorya sa Senado ang napakatinding indignasyong publiko nang ito ay bumoto laban sa pagbubukas ng ikalawang sobreng naglalaman ng kanyang mga sikretong bank account. Pero mas maaga pa sana noong Disyembre, maaaring naalis na si Estrada sa kapangyarihan kung ang mga pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan ay nagkaroon lamang ng mga rekurso upang mapakilos ang isang malaking bag-as ng organisadong masa mula sa Metro Manila, Gitnang Luzon at Timog Katagalugan na papalibot sa palasyo ng presidente.

Ang proseso ng pagbabagsak kay Estrada ay binuo di lamang ng mga pamamaraang pampulitika at pang-organisasyon gaya ng paglalabas ng mga pahayag na pampulitika, pagdaraos ng mga pulong na paparurok sa malalaking mobilisasyon, pagmamartsa sa mga lugar ng pagtitipon at pagbigkas ng mga talumpati. Malaki ang iniambag ng mga grupong pangkultura sa pamamagitan ng paglikha ng mga awitin, musikang banda, teatrong pagtatanghal sa lansangan at entablado, mga karikatura at miyural upang maiangat ang kamulatan at panlabang diwa ng mamamayan.

Nagamit ang luma at bagong pamamaraan ng komunikasyon. Nagtrabaho nang obertaym ang mga imprenta at makinang pang-photocopy. Araw-araw na nakatutok ang atensyon ng puupuong milyong mamamayan sa mga brodkas sa radyo at telebisyon na nagkokober sa mga isyu at pangyayaring may kaugnayan sa kilusan para patalsikin si Estrada. Ilang buwang inilaan ng isang istasyon sa radyo ang sarili sa pagbobrodkas ng mga pahayag at awiting anti-Estrada. Mabilisang pinalaganap ng pag-text sa cellphone ang mga islogan at birong satirikal. Umabot sa publiko sa bansa at daigdig ang mga debelopment sa kilusang anti-Estrada sa pamamagitan ng e-mail, pahayagan sa mga website at webcast.

Naging puspusan ang kampanya para ihiwalay si Estrada. Ang mga progresibong taong-simbahan ay naghatid ng mensaheng anti-Estrada sa kanilang mga sermon at liturhiya. Ninyutralisa nila ang El Shaddai bilang pangunahing tagahakot ng tao ni Estrada. Blinokeyo at piniket ng taumbayan ang mga mansyon ng kanyang mga kerida, mga upisina ng kumpanya at bangkong kroni at ang mga bahay ng kanyang mga sagadsaring pampulitikang kroni. Ang pinakamatatalik na mga kaibigan niyang karamay lamang sa sarap ay nagsibaligtad nang di makayanan ang init ng mga protestang masa.

Sa simula pa lamang ng kanyang rehimen, inani na ni Estrada ang poot ng mamamayan sa pagpaparangya niya ng pagtataguyod sa kinamumuhiang mga Marcos at sa pinakamalalaking kroni ni Marcos, at sa pagpapayaman niya sa sarili at sa kanyang mga asawa sa pamamagitan ng mga pondong publiko at suhol mula sa mga sindikatong kriminal. Walang pakundangang nilapastangan niya ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad sa pamamagitan ng ratipikasyon ng Visiting Forces Agreement.

Habang nagpipyesta si Estrada sa dambong ng kapangyarihan, ay bulnerable siya sa aktwal, na maibagsak bunga ng ibayong paglala ng krisis ng sistema, ng lalong pag-igting ng mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo at pagdaluyong ng rebolusyonaryong kilusang masa.

Tinangka niya ngunit nabigo siyang maamyendahan ang 1987 konstitusyon ng GRP at itinulak niya ang lehislasyon upang ibayo pang maibenta sa mga monopolyong dayuhan ang soberanya sa ekonomya at pambansang patrimon ya. Pinahintulutan niya ang mga kumpanya ng langis at iba pang dayuhang monopolyong kumpanya para mambusabos sa mamamayan.

Ang kasuklam-suklam na mga katangian ng bumagsak na rehimen ay palatandaan lahat ng kabulukan ng buong naghaharing sistema. Habang nagpipyesta si Estrada sa dambong ng kapangyarihan, ay bulnerable siya sa aktwal, na maibagsak bunga ng ibayong paglala ng krisis ng sistema, ng lalong pag-igting ng mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo at pagdaluyong ng rebolusyonaryong kilusang masa.

Pinaglingkuran ni Estrada ang mga interes ng imperyalismong US at binigyan naman siya ng laya sa korupsyon at kroniismo. Subalit naiguhit na ang kanyang kapalaran at naikahon na siya ng neoliberal na dogma ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" at ng mabilis na umuunting mga rekurso. Pinadapa ang ekonomya ng pagkakamal ng mga imperyalistang kumpanya at bangko ng super-tubo, paglala ng lokal na pagsasamantala at pang-aapi, burukratikong korapsyon, at papalaking depisit sa badyet at kalakalan at lokal at dayuhang utang ng estado.

Pagkatapos ng 20 taong walang-habas na dayuhang pangungutang ng rehimeng Marcos sa dikta ng patakarang Keynesian ng IMF at World Bank para sa obras publikas at produksyon ng hilaw na materyales para sa eksport, naipailalim ang Pilipinas sa mas mapandambong na dikta ng patakarang "malayang pamilihan" ng IMF at WTO.

Ang rehimeng Aquino ang naglatag ng daan para sa liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon at nang-abuso sa lokal na pangungutang publiko. Itinodo naman ng rehimeng Ramos ang paglikha ng artipisyal na paglago sa pamamagitan ng mga mala-manupakturang may mababang-halagang-dagdag at ng pribadong konstruksyon na tinustusan, sa pamamagitan ng walang kasimbilis na pagpasok ng mga lokal at dayuhang utang hanggang ang bula ng mga "umuusbong na ekonomya" ay pumutok sa Pilipinas at sa buong Southeast Asia noong 1997.

Nang umupo sa kapangyarihan si Estrada noong 1998, nabangkarote na ng mga nakaraang rehimen ang ekonomya at ibayo pa itong lumubog sa pagkaatrasadong malapyudal. Ang ilusyon ng "matataas" na tantos ng paglago sa panahon ng rehimeng Marcos at Ramos ay sinalamangka sa pamamagitan ng paspasang dayuhang pangungutang at sobrang konsumo ng mga naghaharing uri. Ang bulnerabilidad sa pulitika ni Estrada, bunga ng lumalalang sosyo-ekonomikong krisis, ay pinalubha pa ng walang-kahihiyang kasibaan ng kanyang pangkatin.

Malaking biro na sa simula pa lamang ang kanyang demagohiyang populista na maka-mahirap. Hindi man lamang siya makapagkunwang para sa pambansang kaunlarang industriyal, reporma sa lupa at pagpapabuti ng kabuhayan ng mamamayan. Pinagbawalan siya ng kanyang mga imperyalistang amo na magsalita laban sa dogma ng "malayang pamilihan". Kaya, ang kanyang programang "pangkaunlaran" ay kinatampukan ng pandarambong sa ekonomya, pagtataguyod ng sugal at pagtatayo ng mga mansyon para sa marami niyang pamilya.

Wastong itinaguyod ng Partido ang linya ng malawak na nagkaisang prente upang pukawin at pakilusin sa pinakamaagang posibleng panahon ang pinakamalawak na posibleng hanay ng mga pwersa laban sa pinakamakitid na target.

Inianak ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang sosyo-ekonomikong krisis ng lokal na naghaharing sistema. Inianak naman nitong huli ang krisis pampulitika at pinaigting nang higit kailanman sa nakaraan ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo. Sa gitna ng sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis, mas tumingkad ang korapsyon ng naghaharing pangkating Estrada.

Sa katunayan, kinahiligang monopolisahin ng naghaharing pangkatin ang dambong ng kapangyarihan laban sa ibang seksyon ng mga mapagsamantalang uri. Binawi ng mga padrino na malalaking burges kumprador ng mga burukarata kapitalista ang kanilang mga sekwestradong ari-arian, nilooban ang pananalaping publiko at mga pondong pensyon, kinopo ang mga kontrata ng estado, nagsagawa ng teknikal na ismagling at umiwas sa mga buwis.

Sa militar at pulisya, pinaboran sa pinakaiskandalosong pamamaraan ang isang maliit na pangkatin ng mga upisyal na pulis na nasa isang presidensyal na task force sa pamamagitan ng malaking pondo sa paniktik at oportunidad para sa kriminal na pagpapayaman. Dapat sana, ang tungkulin nila ay bakahin ang organisadong krimen ngunit ang ginawa nila�y patakbuhin o kunsintihin ang mga sindikatong kriminal na sangkot sa sugal, pagtutulak ng droga, kidnap-for-ransom, ismagling, prostitusyon at iba pang bisyo.

Walang hanggan ang personal na kasibaan ni Estrada. Inoobliga niya ang kanyang mga kroni na bigyan siya ng paunang kabayaran sa malalaking kikbak na higit na mas malaki kaysa sa kanyang "makatarungang bahagi" sa dambong sa distribusyon ng pork barrel, kontrata ng estado sa pamimili, pagsasanib ng mga korporasyon na gumagamit ng pondong pensyon, pandaraya sa stock market at iligal na sugal sa numero (hweteng) at iba pang kriminal na operasyon.

Panahon na lamang ang kailangan bago ang isang kroni o kabarkada ay makaramdam ng panganib o pagkaagrabyado upang labanan at ipagkanulo siya. At siya ngang ginawa ni Gubernador Luis Singson, isa sa kabilang sa pinakamalapit na sirkulo niya ng mga kroni. Mula sa kailaliman ng kanyang sakim na paghahari, nabulatlat si Estrada. Tumungo ang indignasyong publiko sa mabilis na disintegrasyon ng kanyang naghaharing pangkatin. Naging posible ang pag-impeach sa kanya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at paglilitis sa kanya ng Senado.

Mapayapa, militante at dambuhalang mga aksyong masa ang nagpabagsak sa rehimen sa napakaikling panahon dahil nagtagumpay ang linya ng malawak na nagkakaisang prente na pagkaisahin ang iba�t ibang pwersang pampulitika ng Kaliwa, gitna at anti-Estradang Kanan para ikonsentra ang atake kay Estrada. Lahat sila�y nagkasundo at kumilos upang igiit ang pagpapatalsik sa kanya o di kaya�y pagbibitiw. Ang tuluy-tuloy na protestang masa ng pambansa-demokratikong kilusan ang nagbigay ng matibay na pundasyon sa malawak na nagkakaisang prente.

Kabilang sa mga patriyotiko at progresibong pwersa ng Kaliwa at Gitna ang Erap Resign Movement, Bayan, Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Pamalakaya, Migrante, Gabriela, Erap Resign Youth Movement, Anakbayan, League of Filipino Students, National Union of Students of the Philippines, College Editors� Guild of the Philippines, CONTEND, ACT, Karapatan, Promotion of Church People�s Response, Kairos, OUSTER, Health Alliance for Democracy, Concerned Artists of the Philippines, ProGay at marami pang ibang organisasyon ng masang anakpawis at ng petiburgesyang lunsod. Sa maraming bansa, pinangunahan ng Bayan International at Migrante International ang malawak na organisasyon ng mga Pilipino sa ibayong dagat sa ilalim ng bandila ng Erap Resign Movement.

Kabilang sa mga reaksyunaryong pwersang anti-Estrada ang mataas na hirarkiya ng Katoliko at iba pang simbahan, ang Makati Business Club at iba pang mga organisasyon sa negosyo, KOMPIL II (isang maliit na grupong sumasakay sa pangalan ni Cardinal Sin at dating presidente Aquino), ang Council for Philippine Affairs (konektado kay Jose Cojuangco Jr.), Ang People�s Consultative Assembly (konektado kay dating presidente Ramos), ang Federation of Retired Commissioned and Enlisted Soldiers (kahanay din ni Ramos), Kangkong Brigade (mga anti-Estradang lokal na upisyal sa Metro Manila, timog katagalugan at gitnang luzon) at ang United Opposition, isang pansamantalang kumbinasyon ng mga partido pulitikal gaya ng Reporma, Promdi at LAKAS-NUCD na itinayo ng noo�y bise presidente Macapagal-Arroyo upang ipakita na mayroon siyang baseng nasasandigan.

Upang maiwasang mahulog sa patibong ng Kanang oportunismo, minantine ng mga pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan ang kanilang kasarinlan at inisyatiba.

Nagsagawa ng lihim na pagkilos sa hanay ng mga upisyal na militar at pulis upang pabaligtarin sila laban kay Estrada at sa ilang sagadsaring loyalistang pinamumunuan ni Gen. Panfilo Lacson. Trinabaho naman ng mga susing personalidad ng maka-Kanang anti-Estrada ang mga upisyal sa pinakamataas na antas. Gayundin ang ginawa ng mga susing aktibista ng mga pwersang Gitna at Kaliwa sa mga upisyal sa lahat ng antas, laluna iyong nasa gitna at mababang antas. Hinimok ang mga upisyal na iatras ang suporta kay Estrada, igalang ang karapatan sa pagtitipon ng mamamayan at huwag ilagay sa sariling kamay ang pag-agaw sa kapangyarihan.

Nagpasya ang US at mga multilateral na ahensyang kontrolado ng US gaya ng IMF at World Bank, tulad noong naibagsak si Marcos, na bitiwan na si Estrada na tila isang nakakapasong bagay sa harap ng malawak na nagkakaisang prente laban sa kanya. Noong Oktubre 2000, ang ilang heneral ay pinatawag ng US sa Washington para pagpulungan ang pagharap sa krisis at pinabatid na hindi aatakehin ng mga pwersang militar at pulis ang mga mapayapang aksyong masa. Nagbigay ng payo ang US kay bise presidente Macapagal-Arroyo na magbitiw na sa gabinete ni Estrada.

Maingay na pinulaan ng IMF ang kawalangkakayahan ni Estrada na mangulekta ng mas malaking buwis at panatiliin sa takdang hangganan ang depisit sa mga gastusin. Idineklara nito ang internasyunal na pag-ipit sa pangungutang ng rehimen. Kinundena din ng World Bank ang labis-labis na korupsyon, na lumalamon sa halos kalahati ng badyet ng gubyerno. Pinalalabas ng ganito na tila ang korapsyon ay hindi siyang gantimpala sa pagkatuta. Sa pamamagitan ng internasyunal at lokal na burges na masmidya, maging ang mga tagapagsalita at manunuri sa mga kumpanya para sa pamumuhunan (investment houses) at mga bangko ay nagpahayag laban sa rehimen.

Wastong itinaguyod ng Partido ang linya ng ma lawak na nagkaisang prente upang pukawin at pakilusin sa pinakamaagang posibleng panahon ang pinakamalawak na posibleng hanay ng mga pwersa laban sa pinakamakitid na target. Lumarga ang buong saklaw ng nagkakaisang prente: ang batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, ang progresibong alyansa ng masang anakpawis at petiburgesyang lunsod, ang positibong alyansa ng mga progresibong pwersa at panggitnang burgesya at ang pakikipag-alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada sa layuning masamantala ang pagkakahati sa hanay ng mga reaksyunaryo at maihiwalay at mawasak ang kasalukuyang kaaway.

Walang panlabang yunit ng BHB ang direktang nakisangkot sa mga aksyong masa sa kalunsuran. Subalit gumampan ang BHB ng mayor na papel sa pagpapahina at pagbabagsak sa rehimeng Estrada sa pamamagitan ng tuluy-tuloy at umaarangkadang mga taktikal na opensiba laban sa mga pwersa nito sa kanayunan at sa pamamagitan ng paghikayat sa masa sa kanayunan na lumahok sa mga aksyong masa sa lahat ng dako ng bansa.

Ipinahihintulot ng patakaran ng malawak na nagkakaisang prente na labanan, ihiwalay at gapiin ng rebolusyonaryong kilusan ang kaaway nang paisa-isa at, sa proseso ay makapagpalakas hanggang sa kakayanin na nitong ibagsak ang buong naghaharing sistema. Bunga ng matagumpay na pakikibaka laban sa rehimeng Estrada, lumakas sa katunayan ang rebolusyonaryong kilusan nang higit kailanman sa nakaraan at handa itong pumasok sa panibagong rawnd ng pakikibaka.

Tulad ng wastong prediksyon ng Partido, humantong na sa kanilang pampulitikang libingan ang mga "Kaliwa" at Kanang oportunista ng nakaraan, na naging lantaran nang kontrarebolusyonaryo (gaya nina Romulo Kintanar, Arturo Tabara, Nilo de la Cruz, Horacio Morales at Edicio de la Torre) at wala nang pagbabalatkayo na naging lantad na mga ahente ng rehimeng Estrada. Nasa bingit rin ng ganap na pagkalusaw maging ang maliliit na grupo (SIGLAYA, KPD, RPA ABB at RHB) na nakipagkutsabahan sa kanila ngunit nagkunwaring kritikal sa rehimeng Estrada.

Ang ultra-Kaliwang panawagan ng Sanlakas ni Popoy Lagman, na naggigiit ng pagbibitiw ng lahat ng matataas na upisyal ng reaksyunaryong gubyerno, ay isang tangkang pagsasalba kay Estrada at tahasang ibinasura ng mamamayan. Layon ng panawagan na ilayo ang pagtudla sa pinakamakitid na target at sumalungat sana sa malinaw na layuning ibagsak ang naghaharing pangkatin sa loob ng apat na buwan.

Upang maiwasang mahulog sa patibong ng Kanang oportunismo, minantine ng mga pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan ang kanilang kasarinlan at inisyatiba. Nakipagtulungan sila sa mabuway at di mapagkakatiwalaang mga reaksyunaryong alyado subalit iniwasan o tinanggihan nilang pumasok sa mga organisadong balangkas na tulad ng People�s Consultative Assembly, Council of Philippine Affairs at Kompil II.

Tiniyak ng Partido ang pagdiriin sa publiko na kailangang manatili ang BHB sa kanayunan upang maglunsad ng mga taktikal na opensiba at hindi lumahok sa mga aksyong masa sa kalunsuran. Layunin ng Partido rito na pawiin ang pangamba ng mga reaksyunaryong alyado na lumahok sa mga aksyong masa, pagkaitan si Estrada ng anumang dahilan para magtambak ng tropa laban sa mga di armadong demonstrador at palakasin ang mga panawagan ng malawak na nagkakaisang prente sa reaksyunaryong militar at pulis na iatras ang suporta sa naghaharing pangkating Estrada at igalang ang demokratikong karapatan ng mamamayan sa pagtitipon at pagpapahayag ng sarili.

Walang panlabang yunit ng BHB ang direktang nakisangkot sa mga aksyong masa sa kalunsuran. Subalit gumampan ang BHB ng mayor na papel sa pagpapahina at pagbabagsak sa rehimeng Estrada sa pamamagitan ng tuluy-tuloy at umaarangkadang mga taktikal na opensiba laban sa mga pwersa nito sa kanayunan at sa pamamagitan ng paghikayat sa masa sa kanayunan na lumahok sa mga aksyong masa sa lahat ng dako ng bansa. Naglunsad ang BHB ng mga mayor na opensiba habang sa buong bansa�y lumaki nang dramatiko ang bilang ng mamamayang lumalahok sa mga aksyong masa.

Habang dumadaluyong ang ligal na kilusang masa upang patalsikin ang naghaharing pangkating Estrada, ang Bagong Hukbong Bayan ay nagpaigting ng mga opensibang gerilya sa buong bansa, bumigwas ng nakamamatay na mga dagok sa mga pwersa ng kaaway at bumigo sa Oplan Makabayan. Sa ikalawang hati pa lamang ng taong 2000, 66 na taktikal na opensiba ang matagumpay na nailunsad sa 32 prubinsya sa iba�t ibang rehiyon sa bansa. Naging pangunahing target ang mga regular sa Philippine Army at Special Action Forces, CAFGU, mga asset at impormer ng militar. Labinsiyam (19) na reyd ang isinagawa sa mga detatsment ng PA, PNP, coast guard, CAFGU at mga punong himpilan ng pulisya.

Sa pamamagitan ng mga ambus at reyd, nilasap ng mga pwersa ng kaaway ang malaking bilang ng kaswalti at nawasak ang mga sasakyan ng militar at pulis. Nasamsam ang matataas na kalibreng riple at maiikling armas, mga .50 at .30 kalibreng masinggan, mga 81-mm na mortar, mga M203 grenade launcher, mga portable at base radio equipment at iba pang gamit pandigma.

Bumagsak ang isang papet na rehimen at pinalitan ito ng isa pa. Tulad ng sa matagumpay na pakikibaka laban sa pasistang rehimeng Marcos noong 1986, nananatiling buo ang naghaharing sistema. Subalit binabayo ito ng krisis na higit kaysa kailanman sa nakaraan. At ang mga suhetibong pwersa ng rebolusyon ay lumakas nang higit kaysa kailanman sa nakaraan.

Ikinasiya ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa na naparusahan nila ang papet na rehimen at sa proseso ay nakapagpalakas sila. Nagapi natin ang rehimeng Estrada bago nito naisakatuparan ang ipinangako nitong pagwasak sa mga rebolusyonaryong pwersa bago ang 2004. Nakahanda tayo, nang may dagdag na lakas at mataas na kumpyansa, na kumprontahin at labanan ang bagong papet na rehimen ayon sa hinihingi ng kalagayan. Sa pagpapatuloy ng rebolusyonaryong pakikibaka, magkakamit tayo ng ibayong malalaki pang tagumpay.

 


Previous articleBack to topNext article

29 Marso 2001
Edisyong Pilipino


Sagpangin ang bawat pagkakataon, isulong ang digmang bayan

1. Ang tagumpay ng mamamayan laban sa rehimeng Estrada
2. Nagpapatuloy na kabulukan ng naghaharing sistema
3. Pagpapatuloy ng armadong rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya
4. Napakahusay na kundisyon para sa pagsusulong ng digmang bayan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.