Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Hungkag at mapanlinlang ang 10-puntong programa ng rehimeng Arroyo

 Read this article in English

Isang malaking panloloko ang ipinamamarali ni Gloria Arroyo na 10-puntong programa. Wala itong ibang layon kundi linlangin ang mamamayan at pagtakpan ang kainutilan ng rehimen na itaguyod ang interes ng nakararaming mamamayan. Hatid nito'y papatinding pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan ng mga mandarambong na malalaking dayuhan at lokal na kapitalista, asendero at burukratang kapitalista. Wala itong ibang idudulot sa mamamayan kundi ibayong kahirapan at panunupil.

Bukod sa mas matatayog at lalong di kapani-paniwalang mga pangako, ang 10-puntong programa ni Arroyo ay walang pinag-iba sa dati nang hungkag na mga pangakong binitiwan niya sa kanyang state of the nation address noong Hulyo 2003. Alinman doo'y walang natupad. Tiyak na wala ring maaasahan mula sa mga bago niyang deklarasyon.

Patuloy ang malawakang pagkawasak ng mga produktibong pwersa at pagkabagsak ng produksyon. Inaasahang aabot sa P200 bilyon ang depisit sa badyet. Patuloy na lumalaki ang depisit sa kalakalan, ang gahiganteng utang ng gubyerno at panlabas na utang ng Pilipinas. Kaya walang mapagkukunan ng pondong panustos sa mga target ni Arroyo.

Mismong ang mga burges na ekonomista ay nagmamaliit sa 10-puntong programa ni Arroyo. Anila, masyadong ambisyoso at walang batayan sa riyalidad ang mga itinakdang target ni Arroyo. Isinasaalang-alang nila ang kasalukuyang pagkalugmok ng ekonomya sa malalaking suliranin. Ang sobrang matatayog na target ni Arroyo, kung tuuusin, ay tanda ng labis-labis ding desperasyong lokohin ang mamamayan.

Walang pag-unlad na makakamit sa kanayunan kung patuloy na walang isasakatuparang tunay na repormang agraryo at sa halip ay lalo pang palalakasin ang monopolyong kapangyarihan ng mga luma at bagong-tipong panginoong maylupa at kumprador burges.

Kabilang dito ang pangako ni Arroyo na makalilikha siya ng 6-10 milyong trabaho. Kung ang dating pangakong lilikha ng isang milyong bagong trabaho ay hindi natupad, ano ang maaasahan ngayon, gayong tulad ng dati ay walang anumang kaakibat na balaking wakasan ang mga makadayuhang patakarang nagpapabagsak sa lokal na produksyon at nagdudulot ng malawakang disempleyo sa bansa? Kung mayroon mang makuhang trabaho, ito'y pawang kontraktwal na magtatagal lamang ng tatlo o limang buwan kada taon; o kaya'y mga di substantibong trabahong ibinibigay ng gubyerno tulad ng pagwawalis sa kalsada.

Sa kabila ng matarik na pagsirit ng mga arawang gastusin, nagmamatigas ang rehimeng Arroyo laban sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa. Pikit-mata at tikom-bibig ito sa harap ng sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng gasolina, ng singilin sa kuryente, tubig at expressway. Malala pa, binabalak nitong magpataw ng mga karagdagang buwis na papatong pa sa napakabigat nang pasanin sa balikat ng masang anakpawis.

Hungkag ang bukambibig nitong pag-unlad ng agrikultura. Walang pag-unlad na makakamit sa kanayunan kung patuloy na walang isasakatuparang tunay na repormang agraryo at sa halip ay lalo pang palalakasin ang monopolyong kapangyarihan ng mga luma at bagong-tipong panginoong maylupa at kumprador burges.

Dahil sa neoliberalisasyon sa agrikultura na itinataguyod ni Arroyo, ang kanayunan ay lalo pang nalulugmok sa pagkaatrasado at kahirapan. Ang malawakang pagtatambak sa bansa ng mga dayuhang produktong agrikultural at mga mamahaling imported na sangkap tulad ng binhi, abono, pestisidyo, at iba pa ay pumapatay sa lokal na produksyon at nagdudulot ng pagkalugi sa mga magsasaka. Walang makakamit na pag-unlad sa kanayunan kundi yaong pakikinabangan ng mga dambuhalang dayuhang monopolyong korporasyon sa agribisnes at malalaking komprador at panginoong maylupa.

Walang mapaniwala si Arroyo sa ipinagmamalaki niyang "balansyadong pambansang badyet". Saan niya kukunin ang pondo? Sa laki ng depisit sa badyet, tiyak na mamamayan ang lubos na mapipiga sa dami ng ipapataw na karagdagang buwis at gagawing pagtitipid sa mga serbisyong panlipunan. Upang mabigyan ng bagong pautang, ibayong pagmamanikluhod ang gagawin nito sa IMF. At saan naman ito mapupunta? Saan pa kundi sa pagtustos sa lumalaking gastos-militar at sa pagbabayad sa utang ng gubyerno at utang panlabas ng bansa. Saan pa kundi sa bulsa ng mga bulok na upisyal ng gubyerno?

At ano ang sinasabi ni Arroyo na "makatarungang pagwawakas ng prosesong pangkapayapaan"? Sa nakaraang pag-uusap sa Oslo, Norway, pinatunayan ng rehimen na hindi ito tunay na seryosong kamtin ang kapayapaan. Ang pakikipagnegosasyon ng rehimeng Arroyo ay walang ibang layunin kundi linlangin, ipresyur at pasukuin ang rebolusyonaryong kilusan. Nagpapatumpik-tumpik itong ipatupad ang mga kasunduan habang patuloy na nagmamatigas sa mas maraming mahahalagang punto.

Walang matatamong kapayapaan kung walang paglutas sa mga usaping nasa ugat ng digmaang sibil at kung patuloy na paiigtingin ni Arroyo ang "gerang kontra-terorismo" at tatangging seryosong harapin ang mga usaping panlipunan at pang-ekonomya na siyang nasa likod ng sumusulong na digmang bayan. Kung patuloy na magmamatigas si Arroyo, walang makakamit na makabuluhang pagsulong sa usapang pangkapayapaan.

Habang patuloy na tumatanggi ang rehimeng US-Arroyo na lubusang harapin ang mga ugat ng digmang sibil, patuloy naman ito sa panunuyo sa mga reaksyunaryong kalaban sa pulitika. Nais umano nitong "isara ang libro" ng mga pag-aalsang bayan na nagpabagsak sa mga kinamuhiang rehimeng Marcos noong 1986 at Estrada noong 2001, subalit hindi tungo sa pagkakamit ng katarungan para sa mamamayan at paggawad ng nararapat na kaparusahan sa mga may kasalanan sa bayan. Ang pakikipag-aregluhan sa mga Marcos at kay Estrada, at mga iniaalok na suhol sa mga kalaban sa pulitika ay lalong gumagatong sa laganap na pagkasuklam ng mamamayan sa bulgarang pandaraya ni Arroyo sa nagdaang eleksyon.

Sa pagsasakatuparan ng rehimeng Arroyo ng mga patakarang lalong mapaniil sa mamamayan at mapagmanikluhod sa imperyalistang US, lalo rin nitong itinutulak ang mamamayang Pilipino na magkaisa upang wakasan ang kanyang paghahari. Gusto mang isara na ni Arroyo ang "libro ng mga pag-aalsa sa EDSA," tiyak na mahaharap ito kapwa sa panibagong mga pag-aalsa at sa ibayong pag-abante ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayang sukdulan nang naghihirap at puno na ng galit sa bulok na reaksyunaryong gubyerno at sistema.

Ang papalubhang krisis ng naghaharing sistema ay nagdidiin sa pangangailangan ng rebolusyonaryong pakikibaka upang ipaglaban ang pambansa at demokratikong interes ng mamamayan.

Tanging ang programa para sa pambansa-demokratikong pagbabago na isinusulong ng Partido Komunista at mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa ang lulutas sa pinakamalaking suliranin ng mamamayang Pilipino.

 


 Back to topNext article

07 Hulyo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Hungkag at mapanlinlang ang 10-puntong programa ng rehimeng Arroyo
Ikatlong round ng usapang pangkapayapaan, nakakadismaya-JMS
Adyenda ng US ang planong pag-amyenda sa konstitusyon
Mga aral sa kampanyang militar ng BHB sa Panay
Sumusulong ang rebolusyong agraryo sa Central Luzon
Ka Argie: Mandirigmang medik, dentista at siruhano
Sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo
Sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo:
Pondo ng pasista

Sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo:
Mga palabas ni Arroyo

Sa Ibayong Dagat:
Papet na gubyerno, itinayo ng US sa Iraq

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.