Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Tunggalian at aregluhan sa hanay ng naghaharing uri

 Read this article in English

Bunga ng puspusang paggigiit ng iba�t ibang mga demokratikong sektor, ibinilanggo ng rehimeng Macapagal-Arroyo si Joseph Estrada. Nakatakda ngayong harapin ni Estrada ang kaso ng pandarambong sa Sandiganbayan. Gayunpaman, nasa kamay pa rin ni Estrada ang napakalaking rekurso upang isagawa ang mga ligal at pampulitikang maniobra upang makatakas sa kaparusahan.

Higit saanpaman, nakasalalay sa militanteng pagkilos ng mamamayan ang pagtitiyak na mananatili sa bilangguan, tuluy-tuloy na uusigin, lilitisin at parurusahan si Estrada at ang kanyang pangunahing mga kasapakat. Kailangang bantayan at labanan ang anumang hakbanging aregluhin ang mga kaso at palusutin sa parusa ang mga maysala.

Isinampa sa Sandiganbayan ang mga kaso ng pandarambong at pangungurakot matapos na maigiit ng mga militanteng organisasyon sa Korte Suprema na pagtibayin na ang pagpapatalsik kay Estrada upang sarhan siya ng pinto na gamitin ang ligal na probisyon na nagbabawal na mademanda ang isang presidente. Bago nito, tuluytuloy na namayagpag si Estrada at ang kanyang mga alipures sa pangangampanya para sa eleksyon. Kontrolado pa rin nila ang napakalaking rekurso at may isa pa rin silang antas ng impluwensya sa reaksyunaryong burukrasya, laluna sa mga lokal na administrasyon, upang makapaglunsad ng malakas na kampanya, makapagpinansya ng mga rali, makapandaya sa eleksyon at makakuha ng pwesto.

Sa likod ng ingay na kaakibat ng pagpoproseso sa kaso ni Estrada, tahimik at isa-isa namang pinalulusot sa kaparusahan ang pinakamalalaking kroni, kasapakat at padrino ni Estrada kapalit ng mga pang-ekonomya at pampulitikang kunsesyon para sa rehimen.

Si Lucio Tan, isa sa naging pangunahing kroni ni Estrada, ay binigyang-kaluwagan sa pagbabayad ng kanyang bilyun-bilyong inutang sa Philippine National Bank (PNB), bilang paghahanda na rin sa tuluyang pagsasapribado nito at pangungumbinsi kay Tan na ibenta ang kanyang mga sapi sa PNB para maipagbili ang bangko sa isang dayuhang bangkong nagpahayag na ng interes dito.

Noong una, kunwa�y naghahabol ang gubyerno sa P25.27-bilyong di bayad na buwis ni Tan at nag-apila sa korte na buksang muli ang ibinasura nang kaso laban sa kanya. Subalit sa isang iglap ay binawi rin ito ng rehimen sa pagsasabing handa nitong gawaran ng amnestiya maging ang mga nagkasala nang malaki sa di pag bayad ng buwis (tulad ng mga Marcos) kung makikipag-areglo ang mga ito sa pamamagitan ng pagbayad ng bahagi ng kanilang mga obligasyon.

Malaki ring salik sa malambot na pakikitungo ni Macapagal-Arroyo kay Tan ang suportang makukuha ng kanyang pangkatin mula rito at iba pang mga negosyanteng Pilipino-Tsino para sa eleksyon sa 2004. Pangunahing tagapamagitan ni Macapagal-Arroyo sa pakikipag-areglo sa mga negosyanteng Pilipino-Tsino ang kanyang asawang si Mike Arroyo.

Ang mismong padrino ni Estrada na si Eduardo "Danding" Cojuangco Jr. ay patuloy sa pakikipag-areglo sa pangkating Macapagal- Arroyo. Sa katunayan ay nagpahayag na ng suporta sa bagong gubyerno ang partido ni Cojuangco, ang Nationalist People�s Coalition (NPC).

Matatandaang agad na pinanumbalik si Cojuangco ng bagong-upo noong si Estrada sa pamunuan ng San Miguel Corporation (SMC) noong 1998. Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang gitgitan (sa korte at labas nito) sa pagitan ni Cojuangco at ng bagong gubyerno para sa kontrol ng SMC, ang pinakamalaking korporasyong hawak ni Danding.

Nais ngayong patalsikin ng pangkating Macapagal-Arroyo ang mga kinatawang itinalaga ni Estrada (kabilang ang bayaw nito at malalapit na kaibigan) sa board of directors, palitan sila ng sariling mga tauhan at magluklok ng bagong tagapangulo. Kabilang sa mga nais iupo ni Macapagal-Arroyo sina Gen. Leo Alvez, dating hepe ng Presidential Security Group, at Renato Valencia, na dating pangulo ng Social Security System sa ilalim ng rehimeng Ramos at napipisil na bagong tserman ng SMC.

Ang hayag na taktika para maagaw ang pwesto ng tagapangulo mula kay Cojuangco ay ang patuloy na pagsusulong ng gubyerno ng kaso hinggil sa pag-aari ng pondong coconut levy (bumubuo sa 95% ng sapi ng United Coconut Planters Bank o UCPB) na kinurakot at ipinambili ni Cojuangco sa 27% sapi ng SMC. Oras na magpasya ang Korte Suprema na pag-aari ng publiko ang pondong coconut levy, mapupunta sa rehimen ang kontrol sa halos buong UCPB at sa 27% sapi ng SMC. Ito, kasama ang mga sapi ng SMC na hawak ng ibang mga ahensya ng gubyerno tulad ng Social Security System at Government Service Insurance System, ay sapat para patalsikin si Cojuangco at maiboto si Valencia.

Subalit hindi basta-bastang kalaban si Cojuangco. Ipinagyayabang niya na sa kanya pa rin ang simpatya ng maraming pribadong may-ari ng sapi sa SMC. Signipikante pa rin ang hawak niyang mga bloke sa pulisya, militar at burukrasyang sibil. Nananatili ang bantang destabilisasyon mula sa kanya. Subalit masyadong malaking palabigasan ang SMC para pabayaan na lamang ng pangkating Macapagal-Arroyo kay Cojuangco.

Dahil naluklok ang gubyernong Macapagal-Arroyo sa gitna ng walang kasintinding krisis, lubhang kumitid na ang mga rekursong maaaring paghatian nang mahinahon ng iba�t ibang mga paksyon sa naghaharing uri. Makikipaglaban nang pukpukan ang bagong naghaharing pangkatin upang makuha nito ang mayor na mga pakinabang sa poder.

Kaya mabilis itong kumikilos upang nyutralisahin ang pangunahing berdugo ni Cojuangco na si Gen. Panfilo Lacson. Binuwag ni Macapagal-Arroyo ang Presidential Anti- Organized Crime Task Force (PAOCTF) at nagbantang ibubunyag ang talaan ng mga krimeng kinasangkutan nito sa ilalim ng rehimeng Estrada. Tuluy-tuloy na ring inililitaw ng gubyerno ang ebidensyang mag-uugnay kay Lacson sa pagdukot at karumal-dumal na pagpatay sa public relations practitioner na si Salvador Dacer at sa kanyang drayber noong Nobyembre 2000. Ibayong pinatatampok ang mga kaso laban kay Lacson habang papalapit ang eleksyon upang hindi na muli itong makapwesto.

Sa likod rin ng lahat ng ito, may nilulutong areglo ang gubyerno na nag-aalok kay Cojuangco ng 20% pag-aari ng pinagtatalunang mga sapi ng UCPB at SMC kapalit ng pagkopo ng rehimen ng nalalabing 80%. Sa kasalukuyan, matigas itong tinututulan ni Cojuangco.

Samantala, habang may presyur kay Cojuangco hinggil sa SMC ay pumayag na si Macapagal- Arroyo sa ilang mas menor na kunsesyon na inialok ni Cojuangco tulad ng pagsasanib ng naghaharing Lakas-NUCD sa NPC. Kasalukuyang kandidato sa pagka-kongresman sa Pangasinan ang anak ni Danding na si Marcos Cojuangco sa ilalim ng bandila ng Lakas-NPC. Nabunyag din kamakailan ang alyansa ng Lakas at United Negros Alliance (o UNA, partido ni Danding sa Negros) nang mabalita ang pamumudmod ng pera sa mga kandidato kapwa ng Lakas at UNA ni Ignacio Arroyo, bayaw ni Gloria Macapagal- Arroyo at pinuno ng Lakas-NUCD sa Kanlurang Kabisayaan.

May isang antas na rin ng pakikipag-areglo sa kinamumuhiang mga Marcos ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ay muling tumatakbo sa pagkagubernador ng Ilocos Norte sa ilalim ng bandila ng Lakas-Kilusang Bagong Lipunan.

Samantala, si Gen. Angelo Reyes, dating hepe ng AFP sa ilalim ng rehimeng Estrada, ay pinanatili ni Macapagal-Arroyo sa pwesto at kalauna�y itinalagang kalihim sa depensa.

Ibinalik naman kay Gen. Jose Calimlim, dating deputy chief of staff, hepe ng paniktik ng AFP at ng Presidential Security Command ang pamumuno sa Task Force Aduana at ang kaakibat nitong oportunidad para kumita nang malaki sa ismagling. Unti-unti nang nagkakahugis ang mukha ng kroni-ismo sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo.

Magpapatuloy at iigting pa ang mga kontradiksyon, paghahabol ng mga kunsesyon at mga aregluhan sa hanay ng iba�t ibang paksyon ng naghaharing uri laluna�t nasa proseso pa rin ng pagkokonsolida ang bagong naghaharing pangkatin.

 


Previous articleBack to topNext article

Abril 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Paghandaan ang mas malalaki pang laban, kamtin ang mas malalaki pang tagumpay!

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Patuloy na dumadausdos ang pambansang ekonomya

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Tunggalian at aregluhan sa hanay ng naghaharing uri
Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Mainit ang pagtanggap ng mamamayan sa pag-aresto kay Estrada
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal
Pambansang Tagapagsalita,
Partido Komunista ng Pilipinas
Abril 26, 2001

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Nagpapatuloy ang pananalanta ng pasistang estado

Central Cordillera Agricultural Programme:
Pagsasamantala sa likod ng "tulong pangkaunlaran"

Maj. Noel Buan:
Bihag ng digma, pinalaya ng BHB

Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.