Lumalaganap ang mga kritikal na dokumentaryong video
Lumalaganap ang maraming dokumentaryong video na mahusay na nagpapakita ng tunay na kalagayan, mga karaingan at paglaban ng mamamayan.
Karamihan sa mga ito�y malawak na naipalalaganap ngayon sa pamamagitan ng mga compact disk (CD). Marami ritong malinaw na nagdokumento at naglantad sa kalupitan ng rehimeng Macapagal-Arroyo at sa sabwatan ng US at papet na rehimen na yurakan ang soberanya ng Pilipinas at ang mga karapatan ng mamamayang Pilipino.
Naipalabas ang mga dokumentaryong ito sa iba�t ibang pagtitipon ng mamamayan sa kalunsuran at kanayunan, gayundin sa iba pang pagtatanghal sa labas ng bansa. Dahil sa mataas na kalidad at sining ng pagkakagawa, ang ilan sa mga ito ay umani rin ng mga gawad at malawakang papuri mula sa mga kilalang manunulat at kritiko sa sining at pelikula.
Isa sa pinakauna rito ang "Sa Liyab ng Sanlibong Sulo" na inilabas ng Asia Visions noong 1997. Malaki ang naging tulong nito sa pangmasang edukasyon at propaganda sa kanayunan at kalunsuran hinggil sa kasaysayan at rebolusyong Pilipino. Sumusunod ang iba pa:
"Alingawngaw ng mga Punglo" ng Southern Tagalog Exposure. Ito ay isang makabagbag-damdaming dokumentaryo tungkol sa karahasang militar laban pangunahin, sa mamamayan ng Timog Katagalugan. Sa pamamagitan ng mga panayam at ebidensya, inilantad nito ang tindi ng pagmamalupit sa masa at katigasan ng puso ng mga pwersang militar �- sa Mindoro, sa iba pang lugar sa Timog Katagalugan at sa buong bansa �- sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo.
Maraming inaning papuri ang dokumentaryo. Ayon pa sa kolumnista ng Philippine Daily Inquirer na si Recah Trinidad, "inilantad nito "bangis at pagiging makaisang panig ng kampanya ng gubyerno para maghatid diumano ng kapayapaan sa kanayunan." Ang mga pang-aabusong militar na ipinakita sa dokumentaryo ay inilarawan ni Trinidad bilang "higit na masamang anyo ng terorismo" kaysa sa ginagawa (ng Abu Sayyaf) sa Mindanao.
Naipalabas din ang dokumentaryo sa iba�t ibang prestihiyosong film festival at paligsahan. Ginawan ito ng bersyon na may Ingles na mga subtitle (pagsasalin) na naipalabas na rin sa ibang bansa.
"Ka Kano" na ginawa rin ng Southern Tagalog Exposure. Isa itong 15-minutong parangal sa isang lider Dumagat na pinaslang ng militar noong Disyembre 2001 sa Antipolo, Rizal habang naghahanda ng pagkain para sa mobilisasyon para gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang-Tao. Kalahok ito sa Gawad Cultural Center of the Philippines Award for Short Experimental Film para sa 2002.
Epektibo ang isang tanging pangungusap na laman ng iskrip at pumuno sa isang tahimik na minuto -� "Siya ay walang awang pinaslang ng mga elemento ng Task Force Panther ng AFP sa pamumuno ni Col. Laureano Tolentino noong Disyember 8, 2001 sa Barangay San Jose, Antipolo, Rizal."
"Basilan: Siklab ng Digma" at "Behind the Second Front", kapwa ng Kodao Productions. Sumentro ang mga ito sa napakakongkreto at malinaw na paglalantad ng mga aktwal na pangyayari kaugnay ng paglulunsad ng mga operasyong "anti-terorista" sa Basilan, Sulu at Zamboanga: sabwatan ng militar at Abu Sayyaf sa kidnap-for-ransom sa Mindanao; maramihan at matitinding paglabag ng AFP sa mga karapatang-tao ng mamamayang Moro; pang-hihimasok ng mga pwersang militar ng US; sobra-sobrang pang-aapi sa mamamayang Moro; at matinding galit at lumalakas na paglaban nila.
Sa mga tuwirang pakikipanayam sa mga biktima, pamilya nila, saksi sa mga karahasan, mga abugado at mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, epektibong naipakita ang tunay na mga pangyayari sa mamamayan. Sa pagkuha ng asta at reaksyon ng mga upisyal ng AFP, epektibong nailantad ang kanilang pasistang kaisipan, arogansya, pagkawalang-bahala at kalupitan sa harap ng kahirapan at pang-aaping idinudulot nila sa mamamayan. Sa pagpapakita ng mainit na pagtanggap sa International Solidarity Mission, sa mga demokratikong organisasyon at sa mga nagtataguyod ng karapatang-tao sa maraming lugar na dinaanan ng mga ito, mahusay na naipadama ang mataas na antas ng militansya ng mamamayan. May mga usapin ding malinaw na kinumpirma sa dokumentaryo: nagpakita ng maraming patunay ang matapang na asawa ni Buyong-buyong Isnijal na Amerikanong sundalo nga ang bumaril kay Isnijal. Pinatunayan din ng iba�t ibang saksi ang planong pagtatayo ng mga istrukturang militar para gawing base militar ng mga pwersang Amerikano.
Bukod sa Metro Manila at sa iba�t ibang syudad at bayan sa bansa, naipalabas din ang "Basilan: Siklab ng Digma" sa Chicago, New York at Colorado sa US; sa Montreal, Canada; sa Hongkong at iba pa.
"Ang Kaaway" na gawa rin ng Southern Tagalog Exposure, ay isang dokumentaryong naglalantad at tumutuligsa sa interbensyong militar ng US sa Pilipinas.
Pinagsunud-sunod lamang nito ang mga film clip na pawang kinuha mula sa mga balita sa telebisyon. Dahil sa pagkakaorganisa at daloy ng mga ito, naging malinaw ang mensahe: mula sa mga sinasabi at mismong mga aksyon ng imperyalismong US at rehimeng Macapagal-Arroyo at sa mga pagtutol sa kanila, malinaw kung sino ang kaaway.
Malaking tulong ang pagpapalabas ng mga dokumentaryong audio-visual sa pagbibigay ng edukasyon at pagpopropaganda sa malawak na mamamayan, nakapagbabasa man o hindi. Mabilis, madali at hindi magastos itong maipalalaganap sa iba�t ibang dami ng tagapanood, lalo na sa malalaking pagtitipon. Dapat higit pang mapakinabangan ng buong demokratiko at rebolusyonaryong kilusang masa ang ganitong mabilis, masaklaw at epektibong paraan ng pag-eeduka at pagpopropaganda sa lalo pang maraming mamamayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|