Kabulukan ng RPA-ABB, ibayong nabubunyag
Noong Nobyembre 2002, sumurender sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros ang isang kumander ng gangster na RPA-ABB, si Raul Villar alyas Ka Drilon. Kasama rin niyang sumuko ang dalawa pa niyang tauhan. Sumurender si Drilon dahil napag-alaman niyang ipinapapatay na siya ng pamunuan ng RPA-ABB dahil sa pagbatikos niya sa mga gawaing gangster nito.
Hawak ngayon ng BHB sina Drilon at kasalukuyan silang pumapailalim sa proseso ng imbestigasyon at puspusang reedukasyon at rektipikasyon.
Kasabay ng pagsuko, naglabas ng pahayag si Drilon na humihingi ng patawad sa publiko hinggil sa mga krimeng nagawa niya at ng kanyang yunit noong nasa ilalim pa sila ng RPA-ABB. Inilanted rin niya ang mga krimen ng RPA-ABB partikular sa Negros Oriental.
Tampok sa mga krimeng inilantad ni Ka Drilon ang isinagawang panghoholdap sa isang bangko sa Maninihon, Bayawan City, Negros Oriental noong Mayo 8, 2002 na pinamunuan niya mismo. Ayon kay Drilon, iniutos sa kanila ni Rey Mallari, pinuno ng "regional command" ng RPA-ABB ang panghoholdap upang makakuha ng pondong panustos para sa mga yunit ng RPA-ABB, mga prenteng organisasyon nila at mga pamilya. Inaatasan silang mangholdap para may maipakain sila sa kanilang mga pamilya, ani Drilon, samantalang maluho ang pamumuhay ng pamunuan ng RPA-ABB.
Napatay sa naturang holdap ang apat na empleyado ng bangko at nasamsam ang P213,000 pondo ng lunsod ng Sta. Catalina. Ginamit nina Ka Drilon sa panghoholdap ang mga armas na inisyu sa kanila ng mga upisyal ng PNP at AFP.
Dagdag dito, ani Drilon, nagsagawa rin ng sumusunod na kriminal at teroristang aktibidad ang mga yunit ng RPA-ABB sa ilalim ng tuwirang pamumuno nina Lualhati Carapali at Rey Mallari:
- Pambobomba sa oil depot sa Pandacan, Manila
- Pambobomba sa oil depot sa Amlan, Negros Oriental
- Pananakot sa Universal Robina Sugar Milling Company sa Negros Oriental, at pangingikil ng ilang milyon mula rito
- Panloloko at pangingikil sa mga kilalang personalidad sa Negros Oriental. Kabilang dito ang mga pulitikong hinihingan ng buwanang halaga para diumano sa mga organisasyong masa pero napupunta lamang sa pamunuan ng RPA-ABB; mga panginoong maylupa na hinihingan ng pera kundiman parte sa lupa kapalit ng paghupa ng mga lehitimong kahilingan at reklamo ng masa laban sa kanila;
- Pagdidilihensya mula sa mga druglord
- Pagtatayo ng dalawang lihim na grupo para sa pangingikil, gangsterismo at paghahasik ng takot sa publiko. Ang isa rito ang siyang nangholdap ng bangko sa Bayawan City. Ang isa pa ay pinamunuan ng isang alias "Rendo" na inatasang mangikil sa Siaton, Negros Oriental.
Lubos ang pagsisisi, pagkundena sa mga kinasangkutang krimen, at pagpupuna-sa-sarili nina Drilon at kanyang mga kasamahan sa grupo sa ginawa nilang mga krimen. Ipinahayag nila ang kanilang kahandaang pumaloob sa anumang proseso upang mabigyang-hustisya ang lahat ng kanilang mga nabiktima.
Kasabay nito, nanawagan si Ka Drilon sa naiwan pa niyang mga kasamahan sa mga yunit ng RPA-ABB na itakwil ang gangsterismo at papanagutin sina Carapali at Mallari sa lahat ng kanilang mga krimen sa mamamayan at sa kapwa nilang mga kasapi ng RPA-ABB. Inengganyo niya ang mga myembro nitong kagyat na tumiwalag sa grupo at bumalik sa tamang landas ng paglilingkod sa masa at rebolusyon. Aktibo ring nakikipagtulungan si Drilon sa pagbawi ng mga erya at yunit ng BHB na inilihis at ginamit ng mga kontra-rebolusyonaryong taksil sa Negros Oriental mula pa noong maagang bahagi ng dekada 1990.
![](../../angbayan/images/030507/rpmp_rpa.gif) | Sa pagkalas ni Drilon sa RPA-ABB, ibayong nabunyag ang kabulukan at katiwalian ng RPA-ABB sa Negros Oriental.
Ani Drilon, aktibong nakikipagsabwatan ang pamunuan ng RPA-ABB, laluna si Rey Mallari, sa mga reaksyunaryong pulitiko sa Negros. Sa partikular, tumatanggap ng buwanang alawans si Mallari at si Jake Roxas, isa pang kumander ng RPA-ABB, mula sa pondong pang-intelligence ni Gov. George Arnaiz ng Negros Oriental. Bukod pa rito, tumatanggap din ng P4,000 bawat buwan si Mallari mula sa Department of Public Works and Highways.
Mas masahol pa, nakikipagsabwatan din sina Carapali at Mallari sa militar at pulisya upang dakpin at isalbeyds ang mga myembro ng RPA-ABB na nabubunyag na sangkot sa mga gawaing kriminal, laluna yaong mga nagsisimula nang magkwestyon sa kanilang mga palakad. Pagkatapos nito, kinokolekta ng mga traydor ang pondong ipinatong ng militar at rehimen sa ulo ng ipinagkanulo nilang mga kasamahan. Ganito sana ang sasapitin ni Drilon kung hindi siya kumalas sa RPA-ABB.
Halos kumpleto na rin ang integrasyon ng mga yunit ng RPA-ABB sa reaksyunaryong militar. Nitong Enero, inaprubahan na ni Macapagal-Arroyo ang pagtangan ng RPA-ABB ng 100 armas alinsunod sa "pinal na kasunduang pangkapayapaan" na pinirmahan ng gubyerno at ng pamunuan ng RPA-ABB na sina Arturo Tabara at Nilo de la Cruz noon pang Pebrero 28, 2002. Sa kasunduang ito, lubusan nang ibinunyag nina Tabara at de la Cruz ang kanilang mga sarili bilang mga bayarang elemento ng reaskyunaryong gubyerno at militar at pormal nang isinanib ang kanilang mga operasyon sa PNP at AFP laban sa BHB at rebolusyonaryong kilusan sa Panay at Negros.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|