Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang mga haharapin ni Macapagal-Arroyo bago ang eleksyong 2004

 Read this article in English

ni Armando Liwanag
Tagapangulo, Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Setyembre 12, 2003

Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado na nagtatayo ng mga organo ng demokratikong gubyernong bayan at nagsusulong ng digmang bayan laban sa imperyalismong US at lahat ng lokal na naghaharing uri.

Pangunahing layunin ng PKP, Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front of the Philippines na wasakin at durugin ang kontra-rebolusyonaryong estado ng malalaking kumprador at mga panginoong maylupa. Ngunit kailangang suriin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang krisis ng sistema at ang mga panloob na kontradiksyon sa pagitan ng mga reaksyunaryo upang itulak ang pagguho ng estado kaakibat ng pangunahing pagsisikap na wasakin ito.

Sa rebolusyonaryong balangkas sinusuri ng PKP ang lalim ng kasalukuyang krisis at mga kontradiksyon sa hanay ng naghaharing sistema at kinikilala ang posibilidad na maitutulak ng isang malawak na nagkakaisang prente ang pagpapatalsik o

pagbibitiw ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at ang paghalili sa kanya ni Bise Presidente Teofisto Guingona sa halip na ang pumalit ay isang military junta, civilian-military junta o anupamang pormasyong hindi katanggap-tanggap sa malawak na nagkakaisang prente at sa malawak na masa ng mamamayan.

Sa pagkilala ng PKP sa posibleng paghalili ni Guingona kay Macapagal-Arroyo, hindi nito binibitiwan ni bahagya o sa anumang paraan ang rebolusyonaryong misyon nitong itayo ang mga organo ng demokratikong gubyernong bayan at sa kalauna�y lubos na pawiin ang kontra-rebolusyonaryong estado. Paulit-ulit nang nailinaw ng PKP na habang hindi pa nito kayang wasakin ang reaksyunaryong estado, maaari nitong pahinain ito�hahayaan nitong maglabanan ang mga reaksyunaryong paksyon at bumagsak ang magkakasunod na mga reaksyunaryong pangkatin sa pamamagitan ng hambalos ng rebolusyonaryong kilusang masa.

Paborable ang obhetibong sitwasyon para sa pagsusulong ng digmang bayan. Ngunit hindi pa sapat ang lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa para ibagsak ang reaksyunaryong estado. Sa karanasan, nagawa na ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mga ligal na pwersang demokratiko na hikayatin, itaguyod at tulungang itayo ang malawak na nagkakaisang prente na nagpabagsak kay Marcos noong 1986 at kay Estrada noong 2001. Ang dalawang tampalasang ito�y hindi sana naibagsak kundi dahil sa konsensus ng malawak na nagkakaisang prente na halinhan ni Aquino si Marcos at halinhan ni Macapagal-Arroyo si Estrada.

Maling hindi ibagsak ng mga rebolusyonaryong pwersa ang naghaharing sistema kung mayroon na silang sapat na lakas na gawin ito. Subalit habang hindi pa ito kakayanin, mali ring magtangka, tulad ng ginagawa ng mga Trotskyista at iba pang estupido, na papaniwalain ang mamamayan na kagyat na matatamo ang pagbagsak ng naghaharing sistema at kailangang tutulan ang paghalili ni Aquino kay Marcos, ni Macapagal-Arroyo kay Estrada at ni Guingona kay Macapagal-Arroyo sa katwirang ito�y paghadlang o paglihis sa nalalapit na tagumpay ng armadong rebolusyon.

Sa kasalukuyang katayuan, hindi pa sapat ang lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa upang ibagsak ang naghaharing sistema. Maaaring sikaping buuin ng mga ligal na demokratikong pwersa ang isang malawak na nagkakaisang prente at alisin ang naghaharing pangkating Macapagal-Arroyo bago ang eleksyong 2004. Subalit kung isasaalang-alang ang kasalukuyang lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa, hindi pa magtatagumpay ang armadong rebolusyon na ibagsak ang buong naghaharing sistema bago, habang o kahit kagyat pagkatapos na mapatalsik si Macapagal-Arroyo.

Ang panahon ay nasa panig ng rebolusyonaryong kilusan gaano pa man sikapin ng imperyalismong US at ng mga lokal na reaksyunaryo na magkaisa laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa malawak na masa ng sambayanan.
Sa kasalukuyang kaayusan, mas mabuting palitan si Macapagal-Arroyo ni Guingona kaysa panatilihin sa poder ang kanyang naghaharing pangkatin o ilagay sa poder ang isang military junta, civilian-military junta o iba pang maiimbentong pormasyong hindi katanggap-tanggap sa malawak na nagkakaisang prente. Gayunman, sa ngayon, hindi basta-basta magagawa ang pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo.

Wala pang malakas na hanayan ng mga pwersang pampulitika na maihahambing sa malawak na nagkakaisang prente laban kay Marcos noong 1986 at laban kay Estrada noong 2001 na determinadong magpatalsik kay Macapagal-Arroyo. Pasadahan natin ang sitwasyon:

  1. Idineklara ni Ambassador Ricciardone, tagapamahala ng US sa Pilipinas, na kailangang panatilihin sa poder sa anumang paraan si Macapagal-Arroyo. Mas gugustuhin pa ni Cardinal Sin at ng iba pang lider-simbahan, ng mga dating pangulong Aquino at Ramos, ng mga samahang negosyante at mga �sosyal-demokrata� sa Kompil na tapusin na lang ni Arroyo ang kanyang termino. Paulit-ulit nilang ipinapahayag ang pangamba sa madalas na pagpapalit ng rehimen sa labas ng reaksyunaryong prosesong elektoral.
  2. Mahigpit na kinakastigo ng ilang upisyal at kasapi ng Council of Philippine Affairs at ng People�s Consultative Assembly ang kasalukuyang rehimen ngunit nag-uurong-sulong sila sa usapin ng pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo. Tila kumukuha sila ng mga konsesyon mula sa rehimen at nagtatangkang pahinain ito dahil may pinapaboran silang mga nagbabalak tumakbo bilang presidente.
  3. May mga balitang nagkakampanya ang isang grupo ng mga upisyal militar na ibayong mas malaki kaysa grupong Magdalo ng Hulyo 27 para itakwil ang kasalukuyang rehimen kasabay ng mga malawakang aksyong protesta. Ginagamit ng rehimen ang mga balitang ito para takutin ang mamamayan sa banta ng kudeta habang ginagamit ng oposisyon ang parehong mga ulat upang takutin ang rehimen.
  4. Pinaiigting ng kasalukuyang mga pangunahing pwersang oposisyon na tapat sa naghaharing sistema ang kanilang kampanya laban sa rehimen. Subalit batay sa lahat ng palatandaan, hangarin nilang ilihis ang atensyon ng mamamayan sa kanilang mga pananagutang kriminal, pangalagaan ang kanilang nakaw na yaman at siraan ang rehimen para makalamang sila sa eleksyon sa 2004. Nahaharap sila sa malalaking balakid sa kanilang hangaring matamo ang pampulitikang pagkawasak ni Macapagal-Arroyo.
  5. Determinado ang mga ligal na pwersang demokratiko na itulak ang pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo subalit nag-iingat silang magkaroon ng tuwiran, hayagan at pormal na pakikipag-alyansa sa pinakanakasusukang mga oposisyunistang kinalaban nila sa nakaraan. Hangarin nilang paunlarin ang kanilang sariling lakas-masa at maglunsad ng mga hiwalay na aksyong masa, kahit pa kahilera ang mga ito o kasabay ng mga pagkilos na inilulunsad ng reaksyunaryong oposisyon.
  6. Ang mga pwersa ng rebolusyonaryong armadong kilusan ay nagpupunyagi sa digmang bayan at sa gayo�y makapagpapalakas sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka anupaman ang mangyari sa ligal na larangan. Ang pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba ay makapagbibigay-inspirasyon at makapagpapalakas sa isang malawak na ligal na nagkakaisang prente laban sa nakaupong rehimen.

Subalit malaki rin ang puwang ng PKP na pabayaang maglaban-laban ang mga reaksyunaryo at samantalahin ang kanilang mga tunggalian kahit hindi pa muna ito sumuporta sa isang malawak na ligal na nagkakaisang prente na may sapat nang lakas na patalsikin ang kasalukuyang rehimen.

Hindi ito ang unang pagkakataon na maingat na tinitimbang ng pambansa-demokratikong kilusan ang tindig nito. Hindi pumanig ang kilusan sa rehimeng Aquino o sa oposisyong Enrile-RAM matapos ang pagpaslang kay Olalia noong Nobyembre 1986 at ang masaker ng mga magsasaka noong Enero 1987.

Sa kasalukuyang kalagayan, maaaring makapanatili sa poder si Macapagal-Arroyo hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino. Ngunit di na siya mananalo pa sa eleksyong pampresidente sa 2004. Kung makapandaya man siya�t magawang manalo, haharapin niya ang mga di malalagpasang balakid at mga makapangyarihang hamon sa kanyang paghahari dahil ang krisis ay lalala pa nang higit kaysa ngayon at lalo pa siyang kamumuhian ng malawak na masa ng mamamayan.

Ang panahon ay nasa panig ng rebolusyonaryong kilusan gaano pa man sikapin ng imperyalismong US at ng mga lokal na reaksyunaryo na magkaisa laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa malawak na masa ng sambayanan.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Setyembre 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palakasin ang kilusang protesta laban sa korapsyon at rehimeng US-Arroyo

Ang mga haharapin ni Macapagal-Arroyo bago ang eleksyong 2004
GMA: Desperadong kumakapit sa poder
Tumitindi ang panunupil sa pamamahayag
Tumitinding panunupil:
Humahabang listahan ng mga biktima

Paikut-ikot
Ka Amado V. Hernandez:
Komunista, lider manggagawa, makata, nobelista at peryodista

Sa Ibayong Dagat:
Pulong ng WTO sa Cancun, bagsak

Sa Ibayong Dagat:
Mga protesta laban sa adyenda sa Cancun, tagumpay

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Tampok na mga opensiba

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.