Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines

 Read this article in English

Noong Enero 2, 2001 sa Sityo Nangkaan, Barangay Mataas na Pulo, Nasugbu, Batangas, nakasagupa ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang bahagi ng Philippine Marines na nagsasagawa ng test mission para sa Operation Force Recon. Dahan-dahang gumapang ang isang lima-kataong tim ng kaaway sa tubuhan papalapit sa hinihimpilan ng yunit ng BHB. Dulot ng masinop na pagmamatyag, mabilis na pagkilos at mahusay na paggagap sa gawaing militar, naunahan ng BHB ang kaaway sa pagpapaputok at kaagad nitong nakuha ang inisyatiba. Tumagal nang 15 minuto ang sagupaan. Dalawang elemento ng kaaway ang napatay, kabilang ang lider ng tim. Dalawa pa sa kanila ang nasugatan. Walang kaswalti sa bahagi ng BHB.

Sa pangyayaring ito, nakakumpiska ang BHB ng isang M14, isang ammunition� belt, mga bala, magasin at isang pak. Sa loob ng pak, nakuha ang mga dokumentong naglalaman ng oryentasyon ng Force Recon Team (FRT), ang yunit ng kaaway na nakasagupa ng BHB. Nakasaad sa mga dokumento ang detalye ng mga taktika sa operasyon ng yunit, talaan ng pakikipagpalitan ng mga mensahe sa radyo sa kanilang mga pinuno at iskedyul at direksyon ng tim. Natukoy din dito ang mga gamit ng yunit at ng bawat elemento, at ang bilang ng buong pormasyong kinapapalooban ng mga ito.

May mga nakuha ring impormasyon tungkol sa pagkilos ng mga FRT mula sa ilang magsasakang nakapag-obserba sa kanila.

Mula sa mga ito, naglabas ang komiteng rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan ng isang dokumento ng pag-aaral sa kilos ng yunit ng Philippine Marines ng Philippine Navy (PM/PN) na tinatawag na Force Recon Battalion (FRBn). Sumusunod ang buod ng nilalaman nitong pagsusuri at mga aral. Ipinanawagan ng rehiyon ang pagpapalaganap nito sa lahat ng mga yunit ng BHB na nasa gawaing masa at sa mga pwersang pansamantala o matagalang nakahimpil.

Mahalagang mapag-aralan ang mga karanasan dito upang makagawa ng mga karampatang hakbang ang iba pang humaharap sa ganito ring kalagayan.

Ang FORCE RECON BATTALION (FRBn) ay isang yunit sa loob ng Philippine Marines na nakatuon sa mga operasyong kontra-gerilya at paniktik. Kinuha ang pangalan nito mula sa bansag sa pinaka-espesyal na pwersa ng US Marines, ang Force Recon Regiment.

Ang mga tauhan ng FRBn ay may espesyalisasyon at pagsasanay sa mahigpit at tuwirang pagsubaybay sa mga yunit at eryang ginagalawan ng hukbong bayan. Nagsimula ang pagbubuo at pagsasanay nito noong huling bahagi lamang ng 1998, kasabay ng implementasyon ng Oplan Makabayan. Tig-aanim na buwan ang ginawang pagsasanay ng bawat batch na laking pinaliit na kumpanya.

Ang mga subyunit ng FRBn na tinatawag na Force Recon Team (FRT) ay may matingkad na katangiang maliliit at napakaingat sa pagkilos. May anim na FRT ang FRBn at bawat FRT ay tig-apat hanggang lima katao. Bawat FRT ay independyente at magkakalayong kumikilos sa isang malawak na erya, na sinlaki ng isang larangan o isang tipak ng mga bayan. Maaaring umabot nang isa o mahigit na bayan o nang isa o ilang araw na lakad ang distansya ng mga FRT sa isa't isa. Magkaagapay ang magkakahiwalay na pagkilos ng mga FRT sa isang masaklaw na erya. Tumatagal nang ilang linggo bago sila bumalik sa kanilang mother unit o tumipon at mag-ulat sa kanilang tactical command post.

Gumagamit ang mga FRT ng mataas na antas ng paglilihim upang makamit ang layuning makapasok nang di namamalayan sa mga konsolidado at pinalalawakang baryo sa mga sona at larangang gerilya. Absolutong hindi nagpapakita ni umuugnay sa masa ang mga FRT. Kaiba sa mga karaniwang yunit-militar ng kaaway, hindi sila umaasa sa barrio intelligence network (BIN) para sa impormasyon. Sa halip, tuwiran silang nagsisiyasat sa target na lugar ng operasyon. Sa mga operasyon nito, ipinatutupad ang mataas na antas ng disiplina para lihim itong makapagmaniobra mula sa laylayan hanggang sa pinakapusod ng mga sona at larangang gerilya.

Bago pumasok sa isang erya ng operasyon, ang mga elemento ng isang FRT ay nagsasagawa muna ng pamilyarisasyon sa kalupaan at malalim na pag-alam sa mga palatandaan ng pagkilos ng mga yunit ng BHB sa lugar. Palaging sa gabi sila naglalakad at hindi gumagamit ng plaslayt. Kapansin-pansin sa maliliit na bakas na naiiwan nila, na patiyad sila kung maglakad sa mga lugar kung saan madaling magmarka ang mga bakas ng sapatos. Kung may mga aso sa pupuntahan o daraanan, isang linggo silang hindi naliligo at bago ang operasyon ay nagpapahid ng putik sa katawan para hindi maamoy ng aso at hindi rin makita ng ibang tao. Sa mga pinagtataguan nilang sukal, may dala rin silang mga delatang biskwit at ulam upang hindi na kailangang magluto o lumabas nang kahit ilang araw.

Palagi nilang hinahanap, pinagmamasdan at pinag-aaralan ang mga palatandaan sa presensya ng BHB sa sinisiyasat na lugar: (1) bakas sa daan; (2) usok sa kabundukan at gubat; (3) liwanag mula sa plaslayt at silab ng apoy sa daan, parang, bundok at gubat; (4) ingay ng tao sa loob ng gubat; (5) amoy ng sabon at pagkulay-asul ng tubig sa sapa at ilog; (6) di-karaniwang daloy ng tao sa lugar; at iba pa.

Gumagamit ang mga FRT ng mataas na antas ng paglilihim upang makamit ang layuning makapasok nang di namamalayan sa mga konsolidado at pinalalawakang baryo sa mga sona at larangang gerilya.

Sa pamamagitan ng dikit na surbeylans, direktang inaalam ng FRBn ang kabuuang bilang, lakas-pamutok, kalupaang kinikilusan, masang inuugnayan, pinanggagalingan ng suplay, padron, mga dinaraanan, pinupuntahan at hinihimpilan ng mga yunit gerilya ng BHB sa lugar.

Sopistikado ang kanilang mga kagamitan. Bahagi ng kanilang mga instrumento sa pagsubaybay at komunikasyon ang night vision goggles, teleskopyo, global positioning system instrument, cellphone at radyong pangkomunikasyon. Bawat elemento ay may sinusuot na espesyal na kamoplahe para sa kanilang operasyong kumando. Ito ay damit na gawa sa lambat na ipinapatong at itinatahi sa palibot ng karaniwang unipormeng kamoplahe. Depende sa kulay ng lupa, mga tanim at paligid na gagapangan nila, may dala silang mga kulay-lupa, -dahon, -kahoy, at iba pang katulad na kulay ng makakapal na sinulid o mga himulmol ng tela para ituhog sa kanilang kamoplahe at nang higit na umayon sa paligid ang kulay at kabuuang itsura ng kanilang suot. May dala silang mga lubid na may malalaking pangkawit na bakal para sa pagtawid sa mga ilog at sa pag-akyat at pagbaba sa matatarik na dalisdis.

Kaiba ang mga tungkulin ng FRBn sa mga tungkulin ng mga Recon Force Team (RFT) ng Philippine Marines. Ang mga RFT ay may tungkuling magbigay ng seguridad sa main body o sa mas malalaking pormasyong kinapapalooban nila. Ang mga RFT ay pangunahing mga pwersang panagupa at panseguridad at handang mapalaban anumang oras. Ang mga FRT naman ay pangunahing pwersang paniktik. Pangunahing tungkulin nilang kumuha ng malinaw na impormasyon tungkol sa galaw ng mga yunit ng BHB at ibigay ito para sa gamit ng mga pwersang panagupa ng AFP at PNP. Ang pagdurog sa mga natitiktikan nilang yunit ng BHB ay responsibilidad ng mga panagupang pwersa, na papasok lamang kung nakapagbigay na ang FRT ng malinaw na impormasyon. Bagamat hindi pangunahing panagupang pwersa ang mga FRT, may mataas na kasanayan din ang mga ito sa close quarter battle o dikitang labanan at marksmanship para sa sariling depensa, at sa sharpshooting sa layong 400-500 metro para sa ilang presisong pamiminsala sa BHB.

Kaiba rin ang kilos ng FRBn sa mga operasyong kumando na inilulunsad ng Scout Rangers at Special Forces ng Philippine Army at ng Special Action Forces at Regional Mobile Group ng PNP. Ang mga ito ay mga panagupang pwersang sinanay sa maliliit na pormasyon. Ang tungkulin ng mga RFT nila ay pumasok nang lihim sa mga base ng BHB para nagsasariling magsagawa ng strike at combat operations. Gayunpaman, mayroong mga pagkakahawig sa paraan ng pagkilos ng mga ito at ng mga FRT ng FRBn. Halimbawa nito ang mga paraan sa paniniktik, tulad ng paggamit ng maliliit na pwersang pangsubaybay.

Sa ilang depensibang labanan ng ilang yunit ng BHB sa iba't ibang yunit militar ng AFP, kapansin-pansin ang paggamit na rin ng huli ng ilang taktika ng FRT. Bagamat maaaring hindi pa malaganap sa PNP, mayroon nang ginawang pagpapasanib ng mga elemento nito. Isang halimbawa ang pagsanib sa FRT Batch 06 ng mga elemento ng Regional Mobile Group ng PNP sa Timog Katagalugan.

Ipinangangalandakan ng mga pwersa ng FRBn na ang kahulugan ng pangalan nila ay "force to reckon with" ("pwersang di dapat ipagwalambahala"). Ngunit tulad ng naganap sa labanan sa Nasugbu noong Enero 2, gaano man kasopistikado ang taktika at gamit ng kaaway, hindi nito kailanman magagapi ang BHB.

Mapagpasyang bentahe ng BHB ang mahigpit na ugnay at suporta ng masa. Nakasalalay dito ang kaligtasan at buhay ng hukbong bayan, gayundin ang kakayahan nitong gapiin ang kaaway. Sa katunayan, nagsisilbing disbentahe kaysa bentahe para sa mga pwersa ng FRBn ang kawalan ng anumang ugnay sa masa. Hangga't nasa panig ng hukbong bayan ang masa, malaki ang disbentahe at kabiguan para sa anumang "espesyal na pwersa" ng kaaway.

Kasabay nito, para higit na matiyak ang kaligtasan at katiwasayan ng mga yunit at pwersa ng hukbong bayan, di matatawaran ang pangangailangan ng mahigpit na pag-iingat, disiplinang bakal at masinop na pag-aaral at pag-aangkop sa kalagayan ng pagkilos at labanan, pati na sa katangian at pagkilos ng kaaway. Saanman nag-ooperasyon ang FRT at katulad nitong mga pwersa, mahalagang mahigpit na pag-aralan, isasaalang-alang at gawan ng karampatang mga hakbangin ang gayong mga tipo ng operasyon at pagmamanman ng kaaway.

 


Previous articleBack to topNext article

Setyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US

Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US
Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat

Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko

Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya

Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines
RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo
CPLA isinanib na sa AFP
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.