Bagong papet na pasistang rehimen sa Afghanistan at ang estratehikong interes ng imperyalismong U.S.
Nitong Nobyembre, matapos iwan ng mga pwersa ng Taliban at al Qaeda ang kalunsuran ng Afghanistan, ipinwesto ng imperyalismong US at United Kingdom (UK) bilang pansamantalang tagapamuno si Rabbani, ang tagapangulo ng Northern Alliance. Nais ng US at UK na gamitin ang bagong gubyernong ito sa pangangalaga ng kanilang estratehikong interes sa Afghanistan at sa rehiyon ng Central Asia. Kasabay nito, sa ngalan ng "paghahabol kay bin Laden" ipinwesto ng US ang mahigit 1,500 regular na tropa nito sa loob ng Afghanistan para suhayan ang bagong rehimen. Nagpapasok na rin ang UK ng humigit-kumulang 5,000 tropa sa loob ng Afghanistan. Bukod pa ang mga ito sa naroroon nang mga special forces ng US at UK. May ilang daang regular na tropa na ang Russia sa ngalan ng "makataong gawain".
Nagpapatuloy ang mga kundisyon ng kawalan ng istabilidad dulot ng pagpapatuloy ng kaguluhang etniko na magsasapanganib ng interes ng US sa Afghanistan. Upang bigyan ng lehitimong pagkilala at pasaklawin ang koalisyon sa likod ng bagong rehimen at maging epektibo itong instrumento ng imperyalismo, inisponsor ng UN ang isang kumperensya sa Germany ng iba't ibang grupong anti-Taliban. Pinalalabas na ang kumperensyang ito ay pagbubuo ng pagkakaisa ng iba't ibang grupong etniko sa Afghanistan. Ngunit mananatiling mailap ang pagkakaisa laluna at nahihirapan silang magpalitaw ng lider na may kakayahang makaimpluwensya at makapamuno sa tribong Pasthun. Ang tribong ito, na siyang pinakamalaki sa Afghanistan, ang pinagbabasehan ng Taliban.
Tunay na layunin. Katuwang ng UK, inilunsad ng imperyalismong US ang "digma laban sa terorismo" sa pagsisikap na ipataw ang hegemonyang pang-ekonomya, pampulitika at pangmilitar nito sa Afghanistan. Ang malawakang pambobomba na sinabayan ng pang-uupat ng gerang etniko o relihiyoso ay estratehiyang ginamit na rin ng US sa mga digma nito sa Balkans at sa Middle East.
Ginagamit ng US ang patuloy na pagtugis kay Osama bin Laden (at ang kabiguan nitong madakip o mapatay ito) upang bigyang-matwid ang patuloy na panananatili ng mga tropa sa Afghanistan. Ipinwesto rin ng imperyalismong US at UK ang mga tropa nito sa Pakistan, Uzbekistan at Tajikistan.
Sa pamamagitan ng pagpwesto ng sarili nilang papet at pasistang gubyerno sa Afghanistan, tinitiyak ng imperyalismong US at UK na magsisilbi itong base sa kampanyang pagpapalawak ng impluwensya at kontrol sa Central Asia at sa mayamang rekursong langis dito. Tinataguriang "bagong Middle East" ang rehiyong ito dahil dito sa baybayin ng Caspian Sea at bahaging Caucasus-matatagpuan ang pinakamalawak na di pa nagagalaw na reserbang langis sa buong mundo.
Sa gayon, higit pang mamomonopolisa ng US ang paghahatid ng langis at gas sa pamamagitan ng pipeline mula sa Central Asia patungo sa Mediterranean at iba pang bahagi ng Asia. Kasalukuyang monopolisado ng US ang rutang Central Asia-Turkey-Mediterranean para sa paghahatid ng gas at langis sa Europe at iba pang bahagi ng Asia. Sa pamamagitan ng pagkontrol ng US sa Afghanistan, magkakaroon ito ng bago at eksklusibong ruta ng langis mula Central Asia para mas madali at mas murang makapaghatid ng langis sa iba pang bahagi ng Asia sa pamamagitan ng Indian Ocean. Lubusan nang bibiguin nito ang matagal nang balak ng Russia, China at Iran na maglatag din ng sarili nilang mga pipeline mula Central Asia patungong Mediterranean at iba pang bahagi ng Asia. Layunin ng US na panatilihing pangunahing nakaasa sa kanya ang mga pamilihan ng Europe at Asia para sa pangangailangan nila sa langis.
Ngayon pa lamang, estratehiko nang nakapwesto ang mga imperyalistang tropa upang masimulan at mabantayan ang paglalatag ng mga pipeline mula sa Turkmenistan at Kazakhstan na tatagos sa Afghanistan patungong Pakistan at India. Umaabot na sa $30 bilyon ang ipinuhunan ng mga monopolyong korporasyong Amerikano para sa karapatang monopolisahin ang pagmimina, pagpoproseso at paghahatid ng langis mula sa Central Asia.
Subalit pinag-iinteresan din ng iba pang mga kapangyarihan sa Europe at Asia ang Afghanistan.
Nagpahayag ng suporta ang Russia sa gerang "anti-terorismo" kapalit ng pag-atras ng US ng suporta sa mga grupong Islamiko sa Chechnya na matagal nang lumalaban sa Russia. Gayunman, nakahanda ang Russia na kumilos laban sa anumang balak ng US at UK na lubusang monopolisahin ang suplay ng langis mula sa Central Asia. Sa mas mahabang kasaysayan, ang tipak na ito ng daigdig ay dating saklaw ng imperyo ng Russia at patuloy na5 pinag-iinteresan pa rin nito.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|