Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mining Act of 1995:
Salot sa mamamayang Pilipino

 Read this article in English

Bago pa man hagupitin ng magkakasunod na bagyo ang silangang bahagi ng Luzon, may nauna nang kalamidad na nananalasa sa bansa. Ito ay dulot ng mapaminsalang desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 1 na nagpapatibay sa �ligalidad� ng Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) sa pagitan ng gubyernong Arroyo at ng Western Mining Corp. (WMC), isang kumpanyang Australyano. Ang WMC, na may mahigit 99,000 ektaryang konsesyon sa timog Mindanao, ang kauna-unahang binigyan ng FTAA nang isabatas sa ilalim ng rehimeng Ramos ang RA 7942 o ang Philippine Mining Act of 1995.

Sa pamamagitan nito, sinabi rin ng Korte Suprema na hindi labag sa reaksyunaryong konstitusyon ang Mining Act na nagpapahintulot sa mga dayuhang nagmamay-ari ng di bababa sa 60% ng kumpanya sa pagmimina na pakinabangan ang mineral na yaman ng ating bansa. Kabaligtaran ito ng naunang desisyon ng hukuman noong Enero 27 na nagdeklara na ang FTAA ay tuwirang paglabag sa probisyon ng konstitusyon na nagsasaad na tanging mga Pilipino ang maaaring makinabang sa pambansang patrimonya ng bansa.

Ang desisyon ng Korte Suprema ay pinakahuli lamang sa iba pa nitong pagpapasya na isa-isang pumapawi sa anumang nalalabing probisyon ng reaksyunaryong konstitusyon na pumoprotekta sa pambansang patrimonya. Plano ng rehimeng Arroyo na lubusin ang gayong proseso sa nakatakdang pag-amyenda sa konstitusyon sa 2005, kung saan papawiin na ang Artikulo 12 at katulad na mga probisyon ukol sa pambansang patrimonya at soberanyang pang-ekonomya.

Samantala, maaasahan ang iba pang katulad na desisyon ng Korte Suprema sa harap ng matinding krisis sa pinansya na kinasasadlakan ng rehimeng Arroyo. Lantarang inamin ng hukuman sa desisyon nito kaugnay ng Mining Act na naging malaking salik ang diumano�y pagpapabwelo sa matagal nang matamlay na ekonomya ng bansa. Isinangkalan nito ang datos ng National Economic Development Authority (NEDA) na nagsasaad na aabot sa $10 bilyong kapital ang papasok umano sa bansa at 251,826 bagong trabaho ang umano�y malilikha kung pahihintulutan ang mga dayuhan na makinabang sa $840 bilyong reserbang mineral na yaman ng Pilipinas. Sadyang nagbulag-bulagan ang korte di lamang sa tuwirang kontradiksyon ng Mining Act at ng sariling konstitusyon ng papet na republika kundi sa iba pang pinsalang tiyak na idudulot ng malawakan at walang pakundangang pagmimina sa kapakanan ng mamamayan at kapaligiran.

Bunga ng pinakahuling desisyon ng Korte Suprema, dumagsa sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 30 aplikasyon ng mga dayuhang kumpanya para magsagawa ng eksplorasyon sa iba�t ibang bahagi ng bansa sa maagang bahagi ng 2005. Karamihan ng mga sasaklawing lugar ay nasa Mindanao, partikular sa hangganan ng Bukidnon at mga prubinsya ng Davao at sa Surigao del Norte at Surigao del Sur. Napipinto na rin ang pag-apruba sa 23 aplikasyon sa pagmimina sa Cordillera na sasaklaw ng 77,000 ektarya.

Mariing tinututulan ng mamamayan sa Bukidnon at mga prubinsya ng Surigao ang pagbwelo ng pagmimina sa kani-kanilang lugar. Anila, sa pagkawasak ng kalikasan ay mawawasak din ang kabuhayan ng mga magsasaka at katutubong mapapalayas sa kanilang mga lupang ninuno. Ito�y dahil ang malawakang pagmimina ay magdudulot ng polusyon sa mga pinagmumulan ng tubig, kabilang ang mga sapa, ilog at dagat na karaniwang pinagkukunan ng kabuhayan ng mamamayan sa lugar. Tinukoy din ng AGHAM, isang grupo ng mga siyentista sa University of the Philippines, na kapwa ang pagmimina at pagtotroso ng malalaking dayuhang kumpanya ang sanhi ng malawakang pagkawasak ng kapaligiran.

Pinakahuling halimbawa ng dugtung-dugtong na pinsala sa mamamayan at kapaligiran na dulot ng malawakan at walang pakundangang pagmimina ang nangyari sa Marinduque noong 1996 nang magpawala ng tatlong milyong toneladang nakalalasong kemikal ang Marcopper-Placer Dome sa Boac River. Ang mga lason, na dumaloy hanggang sa Calancan Bay ay naging sanhi ng pagkamatay ng ilog at pagkawasak ng kabuhayan di lamang ng ilandaang libong mamamayang umaasa rito kundi ng mga magsasakang nasiraan ng mga pananim nang umapaw ang tubig na may lason sa kanilang mga sakahan. Bago ito, bumigay din ang �siltation dam� ng kumpanya noong 1993 na nagresulta sa pagtagas ng nakalalasong kemikal gaya ng asoge sa Mogpog River. Ilang residente na rin ng mga apektadong lugar ang nalason ng asoge at namatay.

Ang Lepanto Consolidated Mining naman ang tinutukoy na salarin sa pagkawasak ng kapaligiran, pagkamatay ng mga isda sa Abra River mula noong 2003 at sa mga pinsala sa kalusugan ng mamamayang naninirahan sa baybayin ng ilog mula Benguet hanggang Ilocos Sur at Abra. Samantala, napatunayang umaabot na rin hanggang Lingayen Gulf sa Pangasinan ang asogeng itinatapon ng Benguet Consolidated sa ilog nang mapag-alamang may mataas na konsentrasyon ng nakalalasong kemikal na ito ang mga nahuhuling isda sa look. Sinasabi rin na ang pagguho ng lupa sa Baguio nang mangyari ang lindol noong 1990 ay epekto ng malawakang pagmimina.

Sa Southern Mindanao, tinataya ng National Democratic Front na may 800,000 magsasaka at lumad ang mapapalayas sa kanilang tirahan bunga ng malawakang pagkawasak ng kapaligiran at mas malulupit na kampanyang militar na kaakibat ng malawakang operasyon ng mga kumpanya sa pagmimina.

Ayon kay Rubi del Mundo, tagapagsalita ng NDF-SMR, ang eksplorasyon at open-pit mining sa rehiyon ay magreresulta sa malawakang pagkakalbo ng kagubatan at siltation o paghalo ng maraming buhangin at graba sa tubig-ilog. Ganito ang nangyari sa Kingking River sa Pantukan, Compostela Valley nang bumwelo ang mga operasyon ng Kingking Gold Copper Concession ng Echo Bay, Toronto Ventures, Inc. at Benguet Mining Corp. sa lugar. Dahil dito, napakadali nang umapaw ng ilog tuwing tag-ulan, na nagiging sanhi ng pagguho ng lupa at mga biglaang pagbaha.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Disyembre 2004
Edisyong Pilipino


Deklarasyon ng tigil-putukan
Doble-karang pakana
Editoryal:
Labanan ang walang habas na pananalanta sa kagubatan at kapaligiran

Ang DENR at ang pagtotroso
Ang kasaysayan ng pagwasak sa kagubatan ng Pilipinas
Mga pakikibaka laban sa pagtotroso
Ang rebolusyonaryong kilusan laban sa pagtotroso
Trahedya sa Aurora
Kilusang masa laban sa pagtotroso sa Aurora
Mining Act of 1995:
Salot sa mamamayang Pilipino
Matatagumpay na opensiba ng BHB
Sunud-sunod na opensiba sa Central Luzon

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.