![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Maitatala ang katatapos lamang na eleksyon bilang isa sa mga pinakamadugo at pinakabatbat ng anomalya sa kasaysayan ng papet na republika. Muling pinatutunayan ng dumi at dahas ng halalang 2004 na ang mga reaksyunaryong eleksyon ay hindi kailanman maaaring maging demokratikong paraan ng pagluluklok ng mga pinunong tunay na kakatawan sa interes ng mamamayan. Bago pa man ang eleksyon, tahasan na ang pandaraya ng rehimeng Arroyo nang gamitin nito ang pondo at rekurso ng gubyerno sa pangangampanya. Sarisaring maruruming taktika rin ang ginamit upang makansela ang kandidatura o mailagay sa alanganin ang mga pangunahing karibal ni Arroyo sa pagka-presidente. Bukod rito, isang sistematikong kampanya ng pananakot, pamamaslang at paninira ang inilunsad ng mga reaksyunaryo sa pangunguna ng National Security Adviser na si Norberto Gonzales, ng militar at pulisya at ng iba pang ultra-Kanang elemento laban sa mga progresibong partido at kandidato. Bunga nito, sa mahigit 140 kataong napatay at di pa mabilang na nabiktima ng harasment at iba pang paglabag sa karapatang-tao kaugnay ng eleksyong ito, halos sangkatlo ay mga myembro ng Bayan Muna (BM) at iba pang progresibong partido. Pagsapit ng eleksyon, ginamit laban sa mga progresibo ang parehong mga pamamaraan sa pandaraya at manipulasyon na nakatuon sa mga karibal ni Arroyo sa pagkapresidente. Lantarang nagkalat ng itim na propaganda ang militar laban sa mga progresibong partido at kandidato at nanghimasok sa kondukta ng eleksyon sa mga balwarte ng mga progresibo sa Northern Luzon, Central Luzon, Southern Tagalog, Bicol, Visayas at maraming lugar sa Mindanao. Noong araw mismo ng eleksyon, hinadlangan ng AFP ang mga boto para sa mga progresibo at mga kalaban ni Arroyo. Nangharang sila ng mga botanteng patungo sa mga presinto, nagdikta kung sinu-sino ang dapat iboto, "nagbilang" ng boto sa mga kampo at nagpatupad ng "dagdag-bawas" at iba pang pandaraya para mailipat ang mga boto ng mga progresibo sa mga partidong suportado ng rehimeng Arroyo at ng AFP tulad ng Akbayan, ANAD, Aksyon Sambayanan at Alab Katipunan.
Karapatan ng mamamayan na isigaw ang kanilang indignasyon sa laganap na karahasan at pandaraya sa eleksyon at ilantad ang kahungkagan ng halalan. Maaaring makipagkaisa ang mga progresibong partido at kandidato sa iba pang mga kandidato at pwersa na biktima rin ng karahasan at pandaraya, at pukawin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan upang sumbatan ang mandarayang rehimen, hubaran ito ng anumang pagkukunwaring ito ay lehitimong halal ng bayan at pigiling gamitin ang umano�y basbas ng nagdaang eleksyon para muling ibwelo ang mga anti-mamamayang patakaran. Maiuugnay ang mga usaping ito sa lumalalang mga sosyo-ekonomikong problema ng mamamayan na nagbubunga ng kanilang malawakang disgusto. Idiniriin ng mga pangyayaring ito na ang tunay na demokrasya at makabuluhang pagbabago ay hindi hinuhubog sa mga hungkag na prosesong elektoral. Pinapanday ito ng militanteng pagkilos ng mamamayan sa mga lansangan, sa mga pabrika, ekswelahan, komunidad at nayon. Binibigyang laman at hugis ito ng rebolusyonaryong kilusang rumaragasa sa malawak na kanayunan at iba't ibang bahagi ng kapuluan, unti-unting umuuk-ok sa reaksyunaryong kapangyarihan at nagtatayo ng mga organo ng tunay na demokratikong kapangyarihang bayan. Lalong tumitingkad ang kawastuan ng armadong pakikibaka bilang pangunahing daan tungo sa saligang pagbabago ng lipunan. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|