Rehimeng US-Arroyo: Pinakamalaking bugaw sa Pilipinas
Ang rehimeng US-Arroyo ang pinakamalaking sanhi ng paglala ng prostitusyon sa Pilipinas. Ang mga patakaran nitong nagbubunsod ng matinding paghihikahos ang nagsasadlak sa paparaming kababaihan, mga bata at maging kalalakihan sa prostitusyon.
Muling tumambad sa publiko ang pagiging talamak ng prostitusyon nang ilabas ng United Nations Childrens Fund (Unicef) ang kagimbal-gimbal na estadistika na ito na ang ikaapat na pinakamalaking pinagkakakitaan sa Pilipinas. Noong 1997, ayon sa GABRIELA, mayroong 300,000 prostityut sa Pilipinas. Di pa kasama rito ang mga pana-panahong nagpuputa, mga entertainer sa ibayong dagat at mga biktima ng sex trafficking papunta sa ibang bansa. Noong 1998, umabot na sa 400,000 ang bilang nila. Katunayan, noong taong iyon ay katumbas ng bilang ng mga manggagawa sa sektor ng pagmamanupaktura sa bansa ang dami ng mga prostityut sa Pilipinas. Sa gayong tantos ng pagdami, di malayong aabot na sa isang milyon o mahigit pa ang bilang ng mga prostityut ngayon sa bansa.
Subalit gaano man katindi ang kahirapan, hindi ito sapat na salik para humantong ang prostitusyon sa antas na inabot na nito sa Pilipinas�organisado, napakalaganap at lubhang kapaki-pakinabang sa mga sindikato.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, mahigpit na katuwang ng matinding kahirapan ang matagal na pamamalagi rito ng mga base militar ng US at ang masugid na pagtutulak ng gubyerno ng turismo sa naging sistematikong paglaganap ng prostitusyon.
Tinataya na pagsapit ng kalagitnaan ng dekada 1980, ang prostitusyon na lumaganap sa paligid ng dalawang malalaking base militar ng US sa Pilipinas ay nakapagpapasok na ng aabot sa $500 milyon. Tiyak na isa sa mga dahilan sa likod ng pagtutulak ngayon ng rehimeng Arroyo sa permanenteng presensya ng mga sundalong Amerikano at ng pagpapataas pa ng antas ng interbensyong militar ng US sa bansa ang daan-daan milyong dolyar na inaasam-asam nitong kikitain ng gubyerno mula sa pag-iibayo ng prostitusyon. Aabot sa 10,000 sundalong Amerikano ang regular na pumapasok sa 22 daungan ng Pilipinas bunga ng Visiting Forces Agreement.
Ipinapain din ng rehimen ang katawan ng kababaihan at mga bata kapalit ng dayuhang salaping hatid ng sex tourism.
Sa Olongapo, sa kabila ng pagsasara ng base militar dito, tinatayang aabot pa rin sa 15,000 ang mga prostityut (o 8% ng populasyon). Bukod sa pagsisilbi nila sa mga sundalong Amerikanong sakay ng mga barkong militar na dumadaong sa tuwi-tuwina sa Subic, regular din nilang parokyano ang iba pang mga turista na British, Irish, Australian, Japanese, Korean at iba pa.
Upisyal na patakaran din ng rehimeng Arroyo na ipagtulakan ang kababaihan na mangibang-bansa bilang mga entertainer sa Japan kapalit din ng daan-daan milyong dolyar na remitans. Sa kasalukuyan, may aabot sa 180,000 babaeng entertainer sa Japan na nagpapadala taun-taun ng hanggang $200 milyon na remitans sa Pilipinas. Marami sa kanila ang nauuwi sa prostitusyon at iba pang pang-aabusong sekswal sa kamay ng kriminal na sindikatong Yakuza.
Samantala, di pa mabilang sa ngayon ang dami ng biktima ng cybersex, o ang pornograpiya at prostitusyon sa internet. Sa pamamagitan ng internet at mga digital camera ay ipinapakitang nakikipagtalik o gumagawa ng iba pang kalaswaan ang kababaihan o mga bata para panoorin ng mga kliyente nila. Dahil din sa iba pang makabagong teknolohiya tulad ng cellphone, mas madali nang gumawa at magpalaganap ng pornograpiya at mas mahirap na ring hulihin ang mga gumagawa nito.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|