Matatagumpay na opensiba ng BHB
98 armas nasamsam sa reyd sa Surigao
Siyamnapu't walong armas ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma sa matagumpay na reyd sa armori ng Picop Resources Inc. sa Barangay Tabon, Bislig, Surigao del Sur nitong Marso 21.
Walang nagawa ang dadalawang gwardya nang pasukin ng BHB ang pinag-iimbakan ng mga armas ng Mission Security Agency at ng CAFGU na nagsisilbi ring pwersang panseguridad ng PICOP. Nasamsam sa reyd ang 47 M14, 27 garan, 17 karbin, isang M16, dalawang .38, apat na shotgun at isang two-way radio.
Ang PICOP ang pinakamalaking kumpanyang gumagawa ng papel sa Pilipinas at isa sa pinakamalalaki sa buong Asia. Mahaba ang rekord ng panunupil ng PICOP sa mga manggagawa nito at sa mga magsasakang nakatira sa paligid ng kumpanya.
9 na armas nakumpiska sa reyd sa Agusan
Tumagal lamang ng 15 minuto ang mapangahas na pagsalakay ng Bagong Hukbong Bayan sa himpilan ng pulisya at munisipyo ng Carmen, Agusan del Norte noong gabi ng Marso 16.
Nabigla ang tatlong pulis at mga badigard ni Mayor Ramon Gato nang paulanan sila ng bala ng mga gerilyang sakay ng dalawang trak. Nakipagpalitan sila ng putok ngunit madali silang nagapi ng pinagsanib na pwersa ng Julito Tiro Command at Cesar Cayan Command ng BHB-North Central Mindanao.
Nasamsam sa reyd ang walong M16, isang M79, 500 bala, 40 magasin ng M16 at isang base radio.
Sumaklolo ang mga tropang militar ngunit hindi na nila inabot ang mga gerilya. Isang badigard ng alkalde ang napatay at dalawang iba pa ang nasugatan sa labanan.
Himpilan ng PNP sinalakay, komboy ng Philippine Army tinambangan
Nitong Marso 8, matagumpay na sinalakay ng BHB ang pulisya sa isang bayan at tinambangan ang dalawang pangkat ng Philippine Army. Sa tatlong taktikal na opensiba, 16 na sandata ang nasamsam, apat na sundalo kabilang ang isang tinyente ang napatay, at apat ang nasugatan.
Samar. Sabay na sumalakay sa bayan ng Calbiga ang dalawang pangkat ng Arnulfo Orpiz Command ng BHB-Timog Samar. Nireyd ng unang pangkat ang himpilan ng Calbiga PNP. Hindi nakapanlaban ang mga pulis sa bilis ng atake. Isa-isa namang nireyd ng pangalawang pangkat ang mga bahay ng mga masugid na kontra-rebolusyonaryo at masasamang elemento.
Nakasamsam ang mga Pulang mandirigma ng anim na M16, isang shotgun, isang .38 at dalawang 9 mm na pistola. Sa laking kahihiyan ng kaaway, sinibak sa pwesto ang hepe ng Calbiga PNP.
Bohol. Bandang tanghali, inambus ng mga gerilyang BHB sa bayan ng Mabini ang isang komboy ng Philippine Army na pauwi mula sa pagpapatrulya. Ang mga kawal ng 15th IB ay sakay ng isang dyip na Kennedy-type at isang mini-cruiser nang tambangan sila sa Sityo Bugtong, Barangay San Isidro.
Apat na sundalo ang napatay sa labanan, kabilang si 1Lt. Ronie Bungaos, intelligence officer ng I5th IB. Dalawa pang tropa ang nasugatan.
Apat na M16, isang M203, isang M79 at mga bala ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma.
Albay. Sa Barangay Tupas, Ligao City, tinambangan ng BHB ang nagpapatrulyang mga tropa ng 22nd IB bandang alas-8:30 ng umaga. Nasugatan si 2Lt. Rogel Hegana, commanding officer ng "B" Coy, at ang isang sarhento.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|