Walang habas na paglabag sa karapatang-tao sa Sulu
Ang mas malaking bahagi ng operasyon ng mga sandatahang pwersa ng rehimen laban sa Abu Sayyaf ay kinatatampukan hindi ng aktwal na sagupaan sa pagitan ng mga sundalo ng estado at ng bandidong grupo, kundi ng maraming malalalang paglabag sa karapatang-tao at pananalanta sa buhay, komunidad, kabuhayan at pag-aari ng mga sibilyan.
Noong Marso 5-7, isang grupo ang nagsagawa ng pagsisiyasat sa mga paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan ng Sulu kaugnay ng ilang taon nang militarisasyon sa lugar. Binuo ito ng mga kinatawan ng Karapatan; Kapatut, isang organisasyon ng mga Moro sa Zamboanga City para sa karapatang-tao; at Concerned Citizens of Sulu (CCS), isang grupo ng mga abugado, doktor, negosyante, guro at lider-simbahan na nagtataguyod sa kapakanan ng mamamayang apektado ng mga operasyong militar laban sa bandidong Abu Sayyaf. Isinagawa ang pagsisiyasat sa harap ng tumitinding operasyong militar kaakibat ng Balikatan 02-1.
Ang sumusunod ay mula sa mga salaysay ng mga residente sa mga barangay na napuntahan ng grupo.
Pambobomba, panununog ng mga bahay, pagnanakaw at dislokasyon
Sa Barangay Darayan, isang umaga noong Pebrero, dumating ang mga eroplano ng Philippine Air Force at biglang hinulugan ng mga bomba ang mga komunidad at eskwelahan. Matapos ang pambobomba, dumating ang mga sundalo. Ayon sa mga residente, mula Pebrero 12-15, pinagsusunog ng militar ang lahat ng 273 bahay sa palibot ng eskwelahan. Sa ngayon ay wala nang naninirahan sa lugar at pinagbibintangang bandido ang sinumang maabutan doon.
Labing-walong buwan nang naninirahan sa Daymala Elementary School ang mga taga-Barangay Kabbon Takkas na lumikas dahil sa militarisasyon. Noong Nobyembre 22, 2001, tatlong bomba ang bumagsak sa eskwelahan at lumigalig sa mga evacuee. Alam ng militar na may mga residente roon. Idinahilan ng militar na nagkamali ang piloto sa pagbomba sa eskwelahan.
Dahil sa hindi ligtas na kalagayan sa eskwelahan, lumikas ang 70 pamilya mula Barangay Kabbon Takkas tungong Barangay Danag, Patikul, na limang oras nilang nilakad. Nagsiksikan sila sa mga silid-aralan ng Danag Elementary and High School. Kapag may klase sa araw, naghihintay muna sa labas ang mga evacuee. Ang iba nama'y nagtayo ng pansamantalang mga tirahan sa bakuran ng eskwelahan. May mga batang nagkasakit sa balat, na ayon sa mga evacuee ay sumulpot matapos ang pambobomba sa kanilang lugar.
Noong Nobyembre 21, 2001, pinagnakawan at sinunog ng mga elemento 7th IB ang bahay ni Radzata Usman, isang guro sa Barangay Caunayan. Ayon sa kanya, nilisan ng kanyang pamilya ang kanilang tahanan noong Nobyembre 19 dahil sa engkwentrong naganap sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf sa kalapit na Barangay Buhanginan. Naiwan nila ang kanilang mga kagamitan sa bahay. Makalipas ang dalawang araw, inoperasyon ng militar ang Barangay Caunayan. Pinaabutan siya ng giya ng mga militar na kunin ang mga kagamitan ng pamilya dahil susunugin ng militar ang kanilang bahay. Pero sunog na ito nang kanyang datnan. May mga palatandaang pinagnakawan muna sila ng militar bago sinunog ang bahay. Pinagtatabas din ang mga tanim nilang saging at kawayan. Sa pandarahas na ito, 18 bahay ang sinunog ng militar. Karamihan sa mga residente ay hindi pa rin nakababalik sa Barangay Caunayan.
May mga sinunog ding bahay sa Barangay Buhanginan. Sa ilang lugar, pinagnanakaw at pinagkakatay ng militar ang mga alagang hayop ng mga residente. Ayon sa mga taumbaryo, isinakay ang kanilang mga alagang hayop sa mga trak ng militar.
Pagpatay
Noong Setyembre 18, 2000, inoperasyon ng militar ang Barangay Darayan, Patikul. Pinatay ng militar ang isang lalaking hindi sumama sa ebakwasyon at sinunog ang kanyang bangkay. Noon ding Setyembre, sinunog ng militar ang bangkay ni Abdumasul Salani, 19, matapos basta na lamang pagbabarilin nang makasalubong siya habang naglalakad mula sa eskwelahan. Tanging ang likod ng kanyang ulo ang hindi nasunog.
Ayon sa CCS, 22 sibilyan na ang nawawala mula nang maglunsad ang militar ng operasyon para tugisin ang Abu Sayyaf sa Sulu.
Kagutuman at mga sagupaang sibilyan-militar
Matinding gutom ang dinaranas ng mamamayan sa lugar. Hindi nila mapuntahan ang kanilang mga taniman dahil mapagkakamalan silang mga kasapi ng Abu Sayyaf at papuputukan. Maaari rin silang matamaan ng mga bomba. Sa kabila ng peligro sa kanilang buhay, para makakuha ng makakain ay may mga residenteng nangangahas pa ring pumunta sa kanilang mga taniman nang may dalang mga baril. Kapag nakakasagupa nila ang mga militar, iniuulat ito ng AFP sa masmidya bilang engkwentro sa Abu Sayyaf.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|