|
|
Mayaman sa maraming natural na rekurso ang kontinente ng Africa ngunit lugmok ito sa kalunus-lunos na kahirapan at kaapihan. Sa mahabang panahon, kolonya o malakolonya ng mga imperyalistang bansa gaya ng UK, Russia, France, Belgium at Italy ang maraming bansa rito. Ilang siglong dinambong at hinuthot ng mga dambuhalang imperyalistang negosyo ang kanilang likas na yaman gaya ng langis, diamante, ginto at iba pang mineral. Dahil dito, umaabot na ngayon sa 300 milyon mamamayan ang nabubuhay sa kulang sa isang dolyar kada araw at mahigit 28 milyon ang may HIV/AIDS. Dahil sa tumitinding krisis at kaapihan, muling lumalakas ang mga kilusan para sa pagbabago sa buong Africa. Iba't ibang adhikain ang ipinaglalaban ng mga ito, mula sa mga kilusan laban sa rasismo hanggang sa mga kilusan para sa rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan. Sinubukang buhusan ng malamig na tubig ng walong pinakamayayamang imperyalistang bansa ang lumalakas na pag-aalsa at pag-oorganisa ng mga mamamayan. Sa huling pulong ng G8 noong Hunyo 1-3 sa France, inilagay nilang isa sa mga pangunahing adyenda ang kalagayan ng Africa. (Ang G8 ay binubuo ng US, UK, Germany, France, Italy, Canada, Russia at Japan.) Gaya ng dati, pinangakuan nila ang 53 bansa ng Africa ng suportang pang-ekonomya at panlipunang kagalingan. Itinatag at inimbitahan ng G8 ang New Partnership for African Development (NEPAD) na ituturing ng mga bansa sa G8 na kinatawan ng buong Africa. Walang ibang ibinigay ang G8 sa NEPAD kundi mga pangako at ayudang nakagapos sa liberalisasyon at globalisasyon. Sa kahayukan nito sa kayamanan ng Africa, pinupwersa ng G8 ang mga bansa rito na ibayong buksan ang kanilang mga ekonomya at kalupaan sa imperyalistang pandarambong at pagsasamantala sa ilalim ng "globalisasyon". Ito ay sa kabila ng laganap na kagutuman at malahayop na kundisyong dala ng ilang taon nang pananalanta ng globalisasyon at liberalisasyon sa kanilang mga ekonomya. Ni hindi magawa ng G8 na bawasan man lamang ng katiting ang nakalulunod na mga utang ng mga bansa sa Africa. Aabot sa mahigit $2.5 trilyon ang utang ng mga bansa sa Africa. Walumpung porsyento nito ay utang mula sa mga imperyalistang institusyon katulad ng IMF at World Bank. Itinutulak din ng G8 ang pagbebenta ng mamahaling mga gamot sa halip na bawasan ang mga restriksyon sa patent ng mga tradisyunal na gamot na ninakaw lamang ng mga dambulahang kumpanya sa mayamang kagubatan ng Africa. Dahil sa kasakimang ito, laganap ang malarya, TB at polio. Bukod rito, dumarami ang namamatay sa mga simpleng sakit dahil wala nang resistensya ang mga may malnutrisyon. Kasakiman din ang pangunahing nagtulak kay US President Bush na mag-alok ng $15 bilyong ayuda sa pagsisikap na sugpuin ang AIDS sa Africa. Ang makikinabang lamang dito ay ang mga dambuhalang kumpanyang pharmaceuticals na nagbebenta ng napakamahal na gamot laban sa AIDS. Dagdag dito, itinali ni Bush ang kanyang ayuda sa pagsang-ayon ng Africa na mag-angkat ng pagkain at pananim na genetically-modified.
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|