Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Bangayang Lastimoso-Lacson:
Away ng mga sindikatong kriminal sa PNP

Lumalalim at lumalala ang kabulukan ng burukrasyang sibil at militar ng reaksyunaryong gubyerno. Litaw na litaw ang mga katiwalian at anomalya sa loob nito. Hayag na sa midya ang garapalang pagkandili nito ng mga sindikatong kriminal at pagbibigay proteksyon sa kanilang mga operasyon�mula sa malalaking kaso ng pagnanakaw sa gubyerno, kidnapping, panghoholdap, pagbebenta ng droga, pagpapatakbo ng iligal na sugal hanggang sa pangungotong. Sa katunayan, pinamumunuan, dinidireksyunan at binubuo ng mga upisyal at kagawad nito ang pinakamalalaking sindikatong kriminal na sumasaklaw sa buong bansa. Ikinokoordina ang mga operasyong ito ng walang iba kundi ng presidente ng Pilipinas.

Lalo lamang napatunayan na bulok-sa-kaibuturan ang burukrasyang sibil at militar sa kasalukuyang bangayan nina Hen. Roberto Lastimoso at Hen. Panfilo Lacson, dalawang matataas na upisyal ng pulisya. Sa esensya, ito ay matinding away ng mga magkakalabang sindikatong kriminal sa loob ng Philippine National Police (PNP).

Mabilis at sunud-sunod na nabubunyag ang iba pang malalaking katiwalian at anomalya sa loob ng burukrasya. Umaabot na sa pinakamatataas na pusisyon at upisyal ng reaksyunaryong gubyerno ang bahong nalilikha ng mga bangayang ito.

Lalo nitong pinalalaki ang mga lamat sa lantad na't nahihiwalay na gubyerno ni Estrada. Hindi malayong babagsak ang kasalukuyang rehimen sa bigat ng sariling kabulukan at katiwalian.

Mga sindikatong kriminal sa PNP

Si Hen. Panfilo Lacson, pinuno ng Presidential Task Force on Anti-Organized Crime (PTFAOC), ang paboritong heneral ni Estrada at ang superpinuno ng PNP sa aktwal. Samantala, si Director General Lastimoso, pinuno ng PNP, ay tauhan ni Lacson at siyang pinapangasiwa ng huli na "alagaan" ang mga boto ni Estrada sa Mindanao. Si Lacson, bilang pinakapinagkakatiwalaang pulis ni Estrada, ang nakatakdang maging hepe ng PNP. Subalit pansamantalang pinaupo si Lastimoso bilang pinuno ng pulisya habang nagpapalamig pa si Lacson mula sa pagkakasangkot nito sa kaso ng Kuratong Baleleng rubout. Gantimpala rin ito kay Lastimoso sa kanyang paninilbihan kay Estrada noong eleksyon.

Nagbago ang ihip ng hangin para kay Lacson nang maitalaga si Ronaldo Puno bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government. Inilakad ni Puno na gawing permanente ang pagkakatalaga kay Lastimoso bilang hepe ng PNP noong Abril dahil nais niyang magbuo ng sariling bloke sa pulisya para sa kanyang mga ambisyon sa pulitika.

Biglang nalagay sa alanganin ang hangarin ni Lacson na mailuklok sa pinakamataas na pwesto sa PNP. Kasabay nito, nanganib ang kagustuhan niyang mangibabaw ang kanyang sindikato sa droga sa loob ng pulisya. Dito na nagsimulang magsingawan ng baho ang mga kampo nina Lacson at Lastimoso.

Ibinunyag noong Abril ang pagkandili at pagbibigay proteksyon ni Lastimoso sa mga druglord na tulad nina Rafael Madraso, Dr. Avello 'Billy' Jaca at Vicente Sy na pawang nag-oopereyt sa Kabisayaan at Mindanao. Ang mga nagbunyag ay sina Region 4 Director Chief Supt. Reynaldo Acop; Kol. Francisco Villaroman, hepe ng paniktik para sa Timog Katagalugan; at Senior Supt. Reynor Gonzalez, pinuno ng PNP Anti-Narcotics Group. Lahat sila ay mga tauhan ni Lacson.

Inilantad ng mga naturang upisyal na nahuli noong Marso si Rafael Madraso sa isang buy-bust operation ng PNP sa Para�aque. Si Jaca, isang ophthalmologist mula sa Cebu, ang umaktong tagapaglangis para mapalaya si Madraso mula sa pangangalaga ni Senior Superintendent Gonzales.

Ang pag-aresto kay Madraso ay bunsod ng intensyong pigilan ang drug trafficking operation nito sa Luzon, sa mga teritoryong hawak pangunahin ng kampo ni Lacson at ng kilalang druglord na si Alfredo Tiongco. Nais mabawi nina Lacson at Tiongco mula sa kampo nina Madraso at Lastimoso ang mga teritoryong ito ngayong abswelto na si Tiongco sa salang drug trafficking. Isinapubliko ni Lacson at mga kasapakat nito ang mga maanomalyang maniobra ni Lastimoso, kabilang ang panunuhol sa kapwa upisyal para palayain ang mga nakapiit na druglord na kakutsaba nito.

Subalit anupamang pagtatakip at maniobra ang gawin ni Estrada at ng nagbabangayang kampo sa PNP, ang masa ng sambayanan ay sukang-suka na sa mga katiwalian at kawalanghiyaan ng mga pulis.

Napakahalaga para sa mga nagbabangayang heneral ang mga teritoryo ng kani-kanilang sindikato dahil tumatabo sila ng mahigit P50 bilyon taun-taon sa "negosyo" ng droga.

Mismong ang mga "kumpidensyal" na ulat ng gubyerno ang nagpapatunay sa direktang pagkakasangkot hindi lamang ni Lacson at Lastimoso kundi ng buong burukrasya ng PNP sa mga sindikatong kriminal. Ayon sa ulat ng National Intelligence Coordinating Agency, sangkot ang dalawa at mga tauhan nila pangunahin sa mga sindikato ng droga at iligal na sugal.

Hindi nakapagtataka kung bakit 12% ng mga pulis ay gumon sa droga. Ito ang datos na inilabas nitong huling linggo ng Mayo ng Dangerous Drugs Board ng gubyerno na nagpapatunay kung gaano kalaganap at kung paano gumagalaw ang mga sindikato ng droga sa PNP. Hindi ito imposible dahil mga heneral mismo ng PNP, sa katauhan nina Lacson at Lastimoso, ang may hawak ng sindikato.

Maniobra ni Estrada

Mabilis na kumilos si Joseph Estrada, koordinador ng mga magnanakaw at kriminal sa gubyerno, upang patayin ang isyu hinggil sa dalawang heneral. Sa tulong ng mga alipures nito sa Senado at Kongreso, noong una'y nagawa ni Estrada na ipawalang-sala at linisin ang pangalan ng dalawang heneral bago pa man umabot sa kanya ang baho ng anomalya. Upang magkunwaring walang kinikilingan, iniatas ni Estrada ang suspensyon nina Lacson at Lastimoso mula sa kani-kanyang pwesto "habang isinasagawa pa ang imbestigasyon".

Di nagtagal ay lumitaw din ang pagkampi ni Estrada sa kanyang paboritong superpulis. Kinasuhan si Lastimoso ng panunuhol at ng graft dahil sa pagtanggap niya ng mga pabor mula kay Jaca, habang si Lacson naman ay ibinalik na sa kanyang pwesto sa PTFAOC.

Nitong huli, tinangka ng kampo ni Lastimoso na ipitin si Lacson sa pamamagitan ng muling pagbuhay sa kaso ng Kuratong Baleleng rubout. Subalit kumilos din agad sina Lacson upang sirain ang kredibilidad ng testigong pinalutang nina Lastimoso. Malinaw nang nakapangingibabaw sa loob ng PNP ang kampo ni Lacson, na bukod sa bulok sa kaibuturan ay isang pasistang uhaw sa dugo.

Tiyak na hindi rito matatapos ang pagsingaw ng baho sa loob ng pulisya.

Subalit anupamang pagtatakip at maniobra ang gawin ni Estrada at ng nagbabangayang kampo sa PNP, ang masa ng sambayanan ay talagang sukang-suka na sa mga katiwalian at kawalanghiyaan ng mga pulis. Sa kanayunan at kalunsuran, kilala ang mga pulis sa paglabag sa karapatang-tao at ngayon nga, lantad na lantad ang kriminal na aktibidad nila kaugnay sa droga.

Kahit sa sarbey ng PNP noong Marso, ang lumabas na pinakamataas na performance rating nila para sa unang kwarto ng taon ay 8% lamang at pinakamalala ang grado ng mga pulis Maynila na umabot sa �2%.

Nakatatak na ang imaheng ito ng PNP sa kamalayan ng sambayanan. Kailangang ilantad nang husto ang kabulukan ng burukrasyang sibil at militar ng reaksyunaryong estado. Lalong nagiging malinaw sa mamamayan ang katumpakan ng rebolusyonaryong paglaban kung mahusay na masasamantala dahil nalalantad ang kabulukan ng naghaharing sistema sa bangayan ni Lacson at Lastimoso at ang antas ng demoralisasyon sa PNP. Ito rin ang tuluytuloy na nagpapatindi ng demoralisasyon sa hanay ng PNP. Kailangan itong samantalahin sa pamamagitan ng pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya. Dapat maitransporma ang persepsyon ng masa sa mga kongkretong aksyon ng paglaban sa kanayunan at kalunsuran na mahigpit na nakakawing sa pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Mayo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Pagkaisahin ang mamamayan, labanan at gapiin ang pasistang kampanya ng rehimeng Estrada!

Desisyon na pormal na kilanlin ang de facto nang terminasyon ng gubyernong Estrada sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP
Taktikal na opensiba ng BHB laban sa panrehiyong kampo ng pulisya sa Bohol:
84 na armas, nasamsam ng BHB

Mga Pahayag
Patraydor na pag-aresto kay Vicente Ladlad, kinundena ng PKP
Isa pang taong krisis at paghihirap...
Paghuhubad sa lumalagong estadistika ng gubyerno

Isa pang taong krisis at paghihirap...
Pagsusuri sa ekonomya: lagpas sa usapin ng estadistika

Isa pang taong krisis at paghihirap...
Ipaglaban ang kagalingang pang-ekonomya ng mamamayan!

Bangayang Lastimoso-Lacson:
Away ng mga sindikatong kriminal sa PNP
Ang maralitang-lunsod:
Lugmok sa kahirapan

Laban ng maralitang-lunsod, laban ng uring manggagawa
Kalayaan ng mamamayang Timores:
Patuloy ang laban sa East Timor

Sumusulong:
Sa Cagayan-Apayao

Sumusulong:
Sa Silangang Kabisayaan

Ubos kayang labanan ang VFA!
Pahayag hinggil sa Visiting Forces Agreement
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.