Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pananalanta Ng Pasistang Estado

 Read this article in English

NDFP konsultant, iligal na ikinulong

Batay sa listahan ng KARAPATAN noong Hunyo 2004, nakakulong ngayon sa iba't ibang bilangguan sa bansa ang 248 detenidong pulitikal. Kabilang dito si Eduardo Serrano, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nakakulong ngayon sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Si Serrano, kasama ang dalawang babae, ay dinukot ng mga operatiba ng Intelligence Service Group of the Philippine Army (ISG-PA) sa Lipa City, Batangas noong umaga ng Mayo 2. Pinaghihinalaan siyang si "Rogelio Villanueva" at si "Ka Macliing", isang mataas na lider umano ng rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro. Siyam na araw siyang hindi pinahintulutang umugnay sa kanyang pamilya at abugado. Kung saan-saang kampo at upisina siya hinanap ng kanyang mga kamag-anak, abugado at kasapi ng mga organisasyong nagtataguyod sa karapatang-tao. Natagpuan lamang siya ng isang upisyal ng Ecumenical Movement for Justice and Peace na nakabimbin sa isang kulungan sa Calapan City noong Mayo 12.

Ayon sa NDFP Negotiating Peace Panel, hindi maaaring arestuhin si Serrano dahil isa siya sa mga konsultant sa negosasyong pangkapayapaan at may proteksyon laban sa pang-aaresto at pagkakakulong alinsunod sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

3 kasapi ng BM, dinukot

Tatlong kasapi ng Bayan Muna (BM) ang dinukot ng mga elemento ng Intelligence Service of the AFP sa Sampaloc, Maynila nitong Agosto 18. Tumatangging magbigay ng anumang impormasyon ang mga pulis at militar tungkol sa sinapit ng tatlong kasapi ng BM.

Samantala, sa Bohol, iligal na inaresto ang mga magsasakang sina Hermosila Villamor, 30, at Roldan Emance, 32 noong umaga ng Hulyo 26 sa Barangay Kalbaryo, Lila. Pinaratangan silang mga kasapi ng BHB. Hinuli sila ng mga pulis matapos nitong makaengkwentro ang isang yunit ng BHB. Nakakulong sila ngayon sa Camp Dagohoy sa Tagbilaran City.

ST, "killing fields" para sa mga aktibista

Binansagang pinakamapanganib na lugar ang rehiyon ng Southern Tagalog para sa mga progresibong aktibista bunsod ng pagkakapaslang nitong Agosto 27 sa City of Sta. Rosa, Laguna kay Melita Trinidad Carvajal, 50, coordinator ng Gabriela Women's Party.

Naghihintay ng masasakyang traysikel si Carvajal sa tapat ng kanyang bahay nang lapitan at pagbabarilin siya ng dalawang tao. Namatay siya bago pa man makarating sa ospital.

Umaabot na ngayon sa 80 ang mga aktibistang biktima ng pamamaslang dito sa tatlong taong panunungkulan ni Arroyo.

Mga pulis at militar, inireklamo sa Bulacan

Iligal na nanghalughog, nagnakaw at walang pakundangang nagpaputok ang mga elemento ng Philippine Army at 306th Provincial Mobile Group na pinamunuan ni Chief Insp. Alex Sitin sa dalawang barangay sa Bulacan.

Noong gabi ng Mayo 27, dumating sa Barangay Sta. Lucia ang mga tropa. Agad nilang kinordon, pinaputukan at pinasok ang bahay ni Alexander Tigas, na wala noon sa kanyang bahay. Ninakawan nila si Tigas ng pera at mga gamit. Pagkatapos nito, dalawang bahay pa ang nilooban ng mga pulis.

Noong Mayo 30, pinasok ng 10 sundalo ng Philippine Army bandang ala-una hanggang alas-dos ng madaling araw ang bahay ni Marcelo Miras sa Sityo Coral, Barangay Matictic upang hanapin diumano ang isang nagngangalang "Rico". Umalis ang mga sundalo na tangay ang gulok ni Miras.

Pangungulimbat ng CAFGU sa Maguindanao

Kinulimbat ng mga elemento ng CAFGU ang ari-arian sa mga barangay na inabandona ng mga taumbaryo sa Maguindanao sa kainitan ng mga labanan sa pagitan ng mga yunit ng Moro Islamic Liberation Front at Philippine Army mula Agosto 28-29.

Ayon sa Joint GRP-MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH), mga elemento ng CAFGU ang nagnakaw ng mahahalagang gamit at rekurso ng barangay. Ninakaw din ng mga CAFGU ang mga kalabaw, iba pang alagang hayop, pagkain at sarisaring gamit.

Aabot sa 2,860 pamilya (14,215 katao) mula sa Linantangan, Dalapdap, Pimbalakan, Bagumbong, Tukanalipao, Dugengen, Liab, Dabenayon, Dasikil, Pagatin at Puseo ng Mamasapano at Saudi Ampatuan, Maguindanao ang lumikas.

63rd IB, pinalalayas sa Basey, Samar

PINALALAYAS ngayon sa bayan ng Basey, Samar ang mga abusadong tropa ng 63rd IB. Sa nilagdaang petisyon noong Agosto 23 ng mahigit 200 katao, iginiit nila ang pagpapatigil ng mga operasyong militar at pagpapaalis sa lugar ng nasabing tropa. Isinumite nila ito nang makipagpulong sila sa Municipal Peace and Order Council (MPOC). Dinaluhan din ito ni Mayor Vicente Labuac ng Basey at mga konsehal nito, ni Gen. Anastacio Salud, hepe ng 801st Bde at Col. Manuel Ramos, hepe ng 46th IB.

Naganap ang pulong ng MPOC bunsod ng mga reklamo na mga pang-aabuso ng mga militar sa taumbaryo. Nagsampa rin ng kaso ang mga taumbaryo sa Commission on Human Rights-Eastern Visayas.

Nang hindi inaksyunan ang kanilang mga reklamo, naglunsad ang Samahan han Gudti nga Parag-uma-Sinirangan Bisayas at Promotion of Church People's Response-Tacloban ng isang fact-finding mission sa kanayunan ng Basey noong Agosto 20. Sinalihan din ito ng mga konsehal ng Basey. Nakumpirma rito ang mga kaso ng pang-aabuso ng 46th IB sa mga barangay ng Villa Aurora, Bulao at Cogon tulad ng pananakot sa mga bata, paninira ng mga pananim at iligal na paghahalughog ng mga bahay mula Agosto 7-17.

2 lider magsasaka hinuli sa Bohol

Iligal na inaresto at diniteyn ng mga elemento ng PNP at 17th Special Forces Company ng Philippine Army ang dalawang lider magsasaka sa Bohol noong Agosto 13.

Ayon sa KARAPATAN-Central Visayas, bandang ala-5:30 ng umaga ay hinarang sina Felipeneri Bejasa at Ireneo Ucang sa tsekpoynt na itinayo ng 17th Special Forces Company sa Barangay Rizal, Catigbian. Nagmula pa sila sa Tagbilaran City at patungong bayan ng Trinidad para dumalo sa isang pulong ng mga kasapi ng Hiniusang Makinasodnong Mag-uuma sa Trinidad, na kasapi ng Hugpong sa mga Mag-uumang Bol-anon (HUMABOL). Si Bejasa ang pangalawang pangulo ng HUMABOL at si Ucang naman ay organisador ng partidong Anakpawis.

Nang halungkatin ng militar ang kanilang mga bakpak, kinumpiska ang mga dokumento ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na nilagdaan ng GRP at NDFP noong Agosto 1998.

Sa paratang na "subersibong dokumento" ang mga kopya ng CARHRIHL, dinala at ikinulong sina Bejasa at Ucang sa himpilan ng Catigbian Police Office. Bandang 3:30 ng hapon, pinakawalan sila dahil walang makitang anumang ebidensya ang Bohol Provincial Police Office para ibimbin pa sila.

Buntis na ginang patay, asawa, 3 anak sugatan sa istraping ng militar

Bandang alas-6 ng umaga noong Agosto 8 sa Barangay Uno, Catubig, Northern Samar, walang pakundangang pinaulanan ng bala ang bahay ng pamilyang Conge. Kaagad na namatay si Mely Conge, 27, dahil sa tinamong 17 bala sa katawan. Apat na buwan siyang buntis.

Malubhang nasugatan ang kanyang asawang si Sonny, Sr, 27, at tatlo nilang mga anak�Sonny, Jr, 10, Sammy, 8 at Gina, 6. Dinala sila ng kanilang mga kapitbahay sa Northern Samar Provincial Hospital at kakailanganing ipadala sa Metro Manila dahil sa kalubhaan ng kanilang tinamong mga sugat.

Apat na iba't ibang bersyon ng madugong insidenteng ito ang ipinalabas upang makaiwas sa kanilang kriminal na responsibilidad ang armadong pwersa ng gubyerno. Isang araw makaraan ang insidente, kinilala ang mga biktima na mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), ayon sa binasang text na ipinadala ng AFP sa istasyon ng dzRH sa Maynila noong Agosto 9. Nang kapanayamin ng mga reporter ng lokal na midya si Col. Manuel Usi, kumander ng 63rd IB, sinabi niyang nagkakanlong ng mga gerilya ng BHB ang pamilyang Conge. Sinabi naman ng upisyal na ito noong Agosto 10 na mga Pulang mandirigma ang may kinalaman sa madugong insidente. Sa pangatlong araw, inilabas ang pang-apat na bersyon: isang armadong grupo na hindi kilala ng militar ang siyang may kagagawan umano sa pag-iistraping sa maralitang pamilya.

Sa testimonya ni Sonny Conge, Sr. tinukoy niya na isa sa mga bumaril ay ang kanilang kapitbahay na elemento ng CAFGU, si Romy Acerbon.

Mariing binatikos ng KATUNGOD-Northern Samar at lokal na midya ang paghihigpit ng mga upisyal ng 63rd IB at 803rd Bde upang hindi makapanayam ang mga myembro ng pamilya. Isang iskwad ng Scout Rangers ang nakabantay sa mga pasyente sa Northern Samar Provincial Hospital.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Setyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang dagdag na pasanin sa mamamayan

Agresibong palawakin ang kilusang manggagawa!
Labanan ang AJ, ituloy ang welga
Pag-ugat ng Partido sa kilusang manggagawa
Kalagayan ng karapatang-tao sa bansa
Pananalanta Ng Pasistang Estado
Lumalalang panggigipit sa midya
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.