Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
General Victor Corpus: Malaking manloloko

 Read this article in English

Sa tapang ng apog ng retiradong heneral na si Victor Corpus, nakuha pa niyang magmayabang na ipupursige raw niya ang "agresibong maka-mamamayang programa sa reforestation" sa buong bansa upang makapagbigay umano ng trabaho sa mga naninirahan sa mga baryo sa kabundukan, kabilang ang dati niyang mga kasama sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Akala ni Corpus na may mauuto pa siya sa pagpopostura bilang tunay na maka-mamamayan at tagapagtanggol ng kalikasan. Sa Panay, walang-wala na siyang maloloko, laluna sa hanay ng mga minoryang Tumanduk. Iisa lamang ang tawag nila sa hambog na heneral: Malaking manloloko!

Si Corpus ay tenyente sa dating Philippine Constabulary nang umanib siya sa BHB noong 1971. Nadakip siya noong 1976 at bumalik sa reaksyunaryong hukbo nang palayain siya noong 1986. Mula noon hanggang sa pagreretiro niya nitong 2004 ay humawak siya ng iba't ibang katungkulan sa AFP, kalakhan sa larangan ng paniktik at saywar. Hinirang siya ni Arroyo nitong Disyembre 2004 bilang Presidential Adviser para sa Anti-Illegal Logging Task Force at sa National Reforestation Program. Bahagi ito ng mga pasiklab ng rehimen kaugnay ng pagharap nito umano sa malawakang pagguho ng lupa at pagbaha sa Aurora at Quezon na ibinunsod ng laganap na komersyal na pagtotroso.

"Greening Panay." Batayan ng pagkakahirang ni Corpus sa gayong mga pusisyon ang diumano'y mahusay niyang rekord sa reforestation nang nakatalaga pa siya noong dekada 1990 sa 3rd ID ng Philippine Army na nakabase sa Panay. Pinasimunuan noon ni Corpus ang "Greening Panay," isa umanong proyekto para muling gawing luntian ang kalbong kagubatan sa sentral na bahagi ng isla.

Taliwas sa nais palabasin ng rehimeng Arroyo, ang "Greening Panay" ay isang programang mas may kinalaman pa sa "counterinsurgency" kaysa sa reforestation. Isa itong multi-milyon pisong proyekto na pinondohan ng Asian Development Bank at hinawakan ng isang consortium na kinabibilangan ng 3rd ID, University of the Philippines-Paghidaet (isang NGO), Department of Environment and Natural Resources at ng noo'y Office of Southern Cultural Communities. Sinimulan ito noong maagang bahagi ng dekada 1990 sa lugar ng mga Tumanduk sa prubinsya ng Capiz. Pinamunuan ni Corpus ang "Greening Panay" noong siya ay koronel pa at hepe ng Civilian-Military Operations ng 3rd ID.

Ayon sa plano, tatamnan ang 33,310 ektaryang Philippine Army reservation at training camp ng 3rd ID, na may punong himpilan sa Camp Gen. Macario Peralta Jr. sa Barangay Jaena Norte, Jamindan, Capiz. Sumasaklaw ito ng 24 na baryo sa mga bayan ng Jamindan at Tapaz sa Capiz din. Ang lugar ay lupang ninuno ng mga Tumanduk na inagaw nang gawing army reservation ito noong 1965 ng rehimen ni Diosdado Macapagal, ama ni Gloria Arroyo.

Ginawang "pilot area" ni Corpus ang Barangay Agloloway sa Jamindan, na katabing-katabi lamang ng kampo ng 3rd ID. Nagbuo siya rito ng kooperatiba para sa pagtatanim ng mga punong kahoy. Kinunan din niya ng donasyon ang mga kasapi ng kooperatiba para umano makabili ng kalabaw sa tulong ng Philippine Army. Ang baryong ito ang nagsilbi ring nursery ng mga punla para sa "Greening Panay". Isa sa mga ipinatanim ni Corpus ang mahogany, na kabilang sa tinatawag na "fast-growing commercial timber."

Maging milyonaryo, magtanim ng mahogany. Para maengganyong sumali sa "Greening Panay" ang mamamayan sa lugar, ibinando ni Corpus na siguradong magiging milyonaryo ang sinumang magtatanim nito. Karaniwang umaabot ng 25 taon bago pwedeng anihin o putulin ang mahogany. Ngunit ayon sa buladas ni Corpus, kahit 15 taong gulang pa lamang ang kahoy ay pwede na itong anihin. Isa pa, kung mataas na ang mga itinanim na kahoy, aniya, kahit hindi pa ito maaani ay pwede na itong gamiting kolateral ng magsasaka para makautang sa bangko. Walang kahirap-hirap ito, ayon kay Corpus, dahil ipapakita lamang ng magsasaka sa bangko ang litrato ng kanyang itinanim na mga puno ng mahogany.

Ang nakalaang pondo para sa pagtatanim ng kahoy ay P20,000 hanggang P30,000 kada ektarya. Pero ipinagmayabang ni Corpus na kaya niyang patamnan ang bawat ektarya sa halagang P5,000 lamang. Totoo nga naman ang kanyang sinabi. Sa aktwal, wala ni isang sentimong ibinayad si Corpus sa mga Tumanduk na pinagtanim niya ng mahogany.

Ayon sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine Army at mga magsasaka, maghahati sila sa kita kapag naibenta na ang mga punong kahoy.

Huli na nang malaman ng mga napaniwala ni Corpus na isa pa palang pakay ng "Greening Panay" ang agawan sila ng lupa. Unti-unti na pala silang nawawalan ng masasaka. Sa loob ng 15-25 taong paghihintay para maani ang mga itinanim na mahogany, wala silang ibang mapagkakitaan dahil binantaan silang palalayasin sa reservation kapag hindi sila nagtanim ng mahogany.

Mayroong sumubok mangutang sa bangko. Dito nila napagtanto na niloloko lamang pala sila ni Corpus. Hindi pala pwedeng gamiting kolateral ang mga itinanim nilang mahogany sa simpleng dahilan na walang titulo ang kanilang lupa. Dito na rin nila unti-unting napansin na hindi sila ang naging milyonaryo kundi si Col. Victor Corpus. Napag-alaman nilang may negosyo na ito sa Iloilo City at nakabili rin ng malawak na lupain sa isla ng Guimaras kung saan nakapagpatayo siya ng mansyon.

Unti-unti rin nilang napag-alaman na mapangwasak pala sa biodiversity ng nalalabing kagubatan ang malawakang pagtatanim ng mahogany. Bunsod nito, nagiging acidic ang lupa kaya namamatay ang ibang punong kahoy na katabi nito. Hindi na rin pwedeng sakahin ang lupa.

Mga Tumanduk nanindigan. Ginamit lamang na kober ni Corpus ang proyekto para sa "counterinsurgency". Sa pamamagitan nito, nagkaroon siya ng prente para mag-iikot sa mga komunidad at magpatawag ng mga pulong-pulong sa baryo. Sa mga pulong-pulong na ito, tinangka niyang ilihis ang mamamayan sa rebolusyonaryong landas sa pamamagitan ng mga hungkag na pangako na mahahango sila sa kahirapan sa pamamagitan lamang ng pagtatanim ng mahogany.

Di nagtagal at nabunyag sa mamamayan ang tunay na katangian ng "Greening Panay." Noong 1995, ipinanawagan ng organisasyon ng mga mamamayang Tumanduk na huwag magtanim ng mahogany. Nagkaisa at matatag silang nanindigang labanan ang "Greening Panay".

Sa laking galit ng mga taumbaryo, pinagbubunot at pinagsusunog nila ang mga punla ng mahogany. Naglunsad sila ng mga kilos protesta, nakipag-ugnayan sa mga lokal na gubyerno at nagpatulong sa mga rehiyunal, pambansa at pandaigdigang organisasyon. Sa proseso, nahimok nila ang Provincial Board ng Capiz na maglabas ng resolusyon na nananawagan ng agarang pag-alis ng militar sa lupain ng mga Tumanduk.

Huwad na reforestation, bigong "counterinsurgency". Ang ipinagmamayabang ni Gloria Arroyo na matagumpay umanong proyektong reforestation ni Corpus ay nakasentro lamang sa tatatlong baryo sa army reservation � ang Agloloway sa Jamindan at Daan Sur at Daan Norte sa Tapaz. May lawak lamang itong humigit-kumulang 1,000 ektarya. Ang mamamayan sa nalalabing 21 baryo ay nagtanim lamang ng iilang puno sa paligid ng kanilang bahay.

Mismong ang consortium na humahawak sa "Greening Panay" ang nagsabing bigo ang proyekto nang tasahin nila ito noong 1997. Inamin din mismo ng militar na bigo ang pakay ng proyekto na wasakin ang rebolusyonaryong armadong kilusan sa Panay. Bagkus ay lumakas pa ito at lumawak.

Nang makita ng Philippine Army na hindi na epektibo ang kanilang kontra-rebolusyonaryong pakana, at hindi kinagat ng mamamayan ang "Greening Panay", unti-unti ring tumamlay ang pagtataguyod nito sa proyekto ni Corpus. Umigting ang bangayan nina Maj. Gen. Jose Lapus, ang hepe noon ng 3rd ID at ni Corpus di lamang dahil sa kabiguan ng "Greening Panay" bilang instrumento ng "counterinsurgency", kundi dahil sa pag-aagawan nila sa pondo ng proyekto.

Tahasang idineklara ni General Lapus na hindi kinikila ng 3rd ID ang MOA sa pagitan nito at ng mga taumbaryo dahil si Corpus lang naman, aniya, ang may gawa nito. Umabot ang kanilang bangayan hanggang sa Korte Suprema. Noong 1998, nagdesisyon ang mataas na hukuman na hindi balido ang naturang MOA.

Bunsod nito, nagtampo si Corpus at nagbantang magbitiw sa Philippine Army. Hindi niya ito itinuloy nang hirangin siya ni Pres. Fidel Ramos bilang brigadier general. Binigyan din ng ibang katungkulan si Corpus sa labas ng 3rd ID.

Ang masaklap nito, nang mawala sina Corpus at Lapus sa Panay, naglaho na rin ang pera ng "Greening Panay". Hanggang ngayon, hinihintay pa rin ng mga kasapi ng kooperatiba sa Barangay Agloloway ang kalabaw na ipinangako sa kanila ng manlolokong heneral.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Pebrero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang malulupit na anti-mamamayang hagupit ng rehimeng US-Arroyo

Pagtaas ng VAT, inuulan ng batikos
Malakihang pagmimina: Paglapastangan sa pambansang soberanya at patrimonya
Pagmimina sa Central Luzon
Mga Ulat Koresponsal:
General Victor Corpus: Malaking manloloko
Mga Ulat Koresponsal:
Rebolusyonaryong patakaran sa Panay hinggil sa kapaligiran

Pagsasanib ng mga dambuhalang kumpanya:
Mas malaking tubo, mas masahol na pagsasamantala

Sa Ibayong Dagat:
Di masusupil ang Maoismo sa China

Sa Ibayong Dagat:
Pagpapalaya sa Auschwitz, ginunita

Sa Ibayong Dagat:
Pagbubuo ng estadong papet ng US sa Iraq

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.