Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Pananaig ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog

 Read this article in English

(Ang sumusunod ay halaw sa dokumentong �Pagtatasa ng mga Rebolusyonaryong Gawain sa 2002 at mga Tungkulin ng mga Rebolusyonaryong Pwersa sa Timog Katagalugan� na inilabas noong Marso 2003. Ilan lamang sa mga salik sa matagumpay na pagsalag ng rehiyon sa mga atake ng AFP ang binigyang-diin ng sumusunod na artikulo.)

Sa nakaraang limang taon, hinarap ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog (ST) ang walang habas na pananalakay ng mga tropa ng reaksyunaryong gubyerno.

Walang kaparis ang saklaw, tagal at tindi nito sa buong kasaysayan ng rehiyon. Maging sa kasaysayan ng Partido at rebolusyonaryong kilusan, ngayon lamang itinambak ng reaksyunaryong estado ang napakalaking pwersa para sa �kontra-insureksyon� sa iisang rehiyon at sa partikular, sa ilang piling prubinsya nito. Subalit ni isang larangang gerilya ay di kinayang wasakin ng ganitong pinagtipong pwersa ng kaaway.

Mula sa pinatalsik na rehimeng Estrada hanggang sa rehimeng Arroyo, ginawang �pambansang prayoridad� ng AFP ang buong ST. Nagsimula ang malakihan, walang habas at malulupit na operasyon sa prubinsya ng Laguna noong 1998. Lumipat ito sa Oriental Mindoro hanggang sumaklaw sa buong isla ng Mindoro noong 2001. Kasabay nito, nagsagawa ng mga operasyong pamigil (containment operations) sa ibang prubinsya. Noong unang kwarto ng 2003, umabot na sa katumbas ng 38 batalyon ang nasa rehiyon�19 batalyon ng AFP, pitong batalyon ng PNP at 12 batalyon ng CAFGU.

Mula 2001, ibayong pinalakas ng kaaway ang kanilang pwersa at gumamit ito ng pinakamalulupit na porma ng terorismo sa batayang antas para wasakin ang baseng masa sa kanayunan at pilayin ang ligal na demokratikong kilusang masa. Higit pa itong tumindi mula pagtatapos ng 2002 hanggang nitong 2003.

Itinaas ng rehimen ang antas ng pagpaplano sa antas ng brigada at area command, mas pinalawak ang saklaw (pinakamaliit ang isang larangang gerilya) at gumamit ito ng malaking bilang ng tropa (minimum na isang batalyon) at taktikang dumog sa mga operasyong militar.

Gumagamit na rin ang kaaway ng higit na mabibigat na sandata tulad ng mga mortar at howitzer at suportang panghimpapawid sa mga labanan. Liban sa mga karaniwang helikopter, gumamit na rin ng jet fighter-bomber sa isang insidente ng depensiba sa Batangas.

Ipinwesto sa mga prayoridad na erya ang pinakamalulupit at berdugong upisyal militar. Itinalaga sa 202nd Bde si Col. Efren Orbon, dating kumander ng Task Force Makiling at sa 204th Bde si Col. Jovito Palparan, dating kumander ng Joint Task Force Banahaw.

Pinag-ibayo rin ang mga operasyong sikolohikal ng mga Re-engineereed Special Operations Team (RSOT). Naghahasik ang mga ito ng panlilinlang, pananakot at terorismo sa mamamayan. Marami ang dinudukot at pinapatay sa pinakamalulupit na paraan upang malikha ang pinakamatinding epekto ng teror. Ang iba ay pinatay sa harap ng kanilang pamilya. Pinupugutan, nilalapastangan o di kaya�y sinusunog ang mga bangkay.

Pinag-iinitan ng militar kahit ang mga nasa ligal na organisasyong masa at pati mga taong simbahan at tagapagtaguyod ng karapatang-tao. Tampok dito ang pagdukot at pagpatay kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy.

Sa harap ng matitindi at malulupit na operasyon ng kaaway, matagumpay na nanaig ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Hindi lamang nito napreserba ang sarili, patuloy pa itong nakapag-ipon ng lakas sa kabila ng mga pinsalang tinamo nito. Mayorya ng mga prubinsya at larangang gerilya ng rehiyon ay nagrehistro ng iba�t ibang antas ng pagsulong. Binawi ng mga pagsulong na ito ang matarik na pagbagsak ng mga rebolusyonaryong gawain at organisasyon sa isang larangang pangunahing kinonsentrahan ng atake ng kaaway at bahagyang pag-atras sa ilan pang lugar na matindi ring inatake ng kaaway.

Naging malaking tulong ang pagpapatupad sa rehiyon ng redispusisyon at pagrereistruktura ng mga pwersa ng hukbong bayan ayon sa direktiba ng Komite Sentral noong kalagitnaan ng 2002. Ginawang saligang pormasyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang platun, sa halip na dating kinagawiang maliliit na iskwad. Naglagay ang pagreistrukturang ito sa BHB sa mas ligtas at epektibong katayuan para tupdin ang mga tungkuling militar at ang gawaing masa laluna sa harap ng ibayong tuminding sitwasyong militar sa buong rehiyon. Nagbigay ito ng lakas at tatag sa hukbong bayan na salagin at harapin ang �all-out war� ng rehimeng Arroyo.

Bago pa nito, isinagawa rin ang mga hakbang para paunlarin ang organisasyon ng hukbong bayan batay sa memorandum ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral. Itinayo ang mga espesyal na yunit ng hukbong bayan at pinalakas ang mga sentro de grabidad sa antas rehiyon, prubinsya at larangan. Itinayo rin ang mga teritoryal na kumand sa operasyon sa mga prubinsya at pinaunlad ang kakayahan ng mga akademya sa pulitiko-militar ng hukbong bayan sa antas rehiyon at mga prubinsya para sa pagsasanay.

Sa harap ng mas maigting na kampanya at supresyong kontra-gerilya ng kaaway, patuloy na nagsisikap ang hukbong bayan na pangibabawan ang kahirapan, umiwas madepensiba at ilunsad ang makakayanang mga taktikal na opensiba.

Sa buong taon ng 2002, naganap ang 76 na labanan. Kalakhan nito (63%) ay nasa inisyatiba ng hukbong bayan. Sa mga taktikal na opensiba, 46 ang napatay at 32 ang nasugatan sa kaaway. Tampok dito ang magkasunod na reyd sa munisipyo ng Lopez at sa ditatsment ng 74th IB sa San Narciso, kapwa sa Quezon. Kahit sa mga depensibong labanan, marami rin ang pinsala sa kaaway�40 ang napatay at 21 ang nasugatan.

Rebolusyong agraryo, kampanyang masa at pampulitikang pagkilos

Hindi lalaki at tatagal ang hukbong bayan at hindi rin susulong ang armadong pakikibaka kung wala itong malawak at malalim na suportang masa. Katuwang ng paglakas ng hukbong bayan at pagsusulong ng armadong pakikibaka sa ST ang masiglang pagsusulong ng mga pakikibakang antipyudal at iba pang pakikibakang masa sa mga larangang gerilya sa rehiyon.

Ang mga naipong tagumpay na nakamit sa rebolusyong agraryo ang naghihinang ng mahigpit na relasyon ng Partido at hukbo sa malawak na masa ng magsasaka sa kanayunan at nagtitiyak ng papalaking suportang masa para sa demokratikong rebolusyong bayan. Ito rin ang nagtitiyak na mabibigo ang mga pagtatangka ng kaaway na wasakin ang pampulitikang pundasyon na naitatag ng Partido at hukbong bayan.

Masiglang lumahok ang mamamayan sa mga antipyudal na pakikibaka at iba pang pampulitikang kampanya at pagkilos.

Kabilang sa mga naipagtagumpay sa iba�t ibang lugar ang pagpapababa ng upa sa lupa, ang pagpapababa ng resikada1 na ipinapataw ng mga namimili ng kopra, ang paglaban sa pangangamkam ng lupa at pagtatayo ng landfill2, ang paggigiit ng mga magsasaka ng karapatan nila sa paninirikan, ang pagbawi ng mga pambansang minorya sa ansestral na lupaing ginawang logging concession, at iba pa.

Sa kalakhan, ang mga lugar na may maiinit na isyu at laban ang siya ring tinatarget ng mga operasyong militar at saywar ng AFP. Ngunit sa kalakhan din, nakapangibabaw ang mamamayan dito sa sitwasyong militar at lalo silang nagiging aktibo at palaban sa pagsusulong ng kanilang mga demokratikong interes. Nagpapatuloy ang lahat ng nakamit na tagumpay ng rebolusyong agraryo sa nakaraan at ang mga tagumpay ng pakikibakang masa ay pinakikinabangan ng masa.

Nanatiling matatag at palaban ang baseng masa sa kabuuan, kahit may mga bahagi na pansamantalang iniwan muna ng BHB dahil sa sobrang kapal ng presensya ng kaaway. Sa mga lugar na pansamantalang iniwan, namamantine pa rin ang mataas na antas ng militansya at paglaban ng mamamayan at napananatiling nakatayo ang mga daluyan ng mobilisasyon at mga panawagan at ang mga pamamaraang hayag at ligal para sa pagkilos ng mamamayan. Naging napakahalagang salik ito sa pagpreserba sa tatag ng baseng masa at sa kahirapan ng kaaway na pahinain at pasukuin ang mamamayan. Sa katunayan, paisa-isa lamang ang nagawang linlangin ng kaaway. Kahit sa mga militarisadong baryo, handa pa rin ang mamamayan na itaguyod ang armadong pakikibaka at tumulong sa paglulunsad ng pamamarusa at mga taktikal na opensiba.

Tumampok ang mga antipasistang pakikibaka. Ang lahat ng mga atake ng kaaway sa kanayunan ay tinutugunan ng mga pagkilos at protesta ng mamamayan. Dumami ang mga suportang pagkilos sa anyo ng mga fact-finding mission, medical mission, protesta sa iba�t ibang kampong bayan, mga ahensyang militar at sibilyan sa mga lugar kung saan pinakamatindi ang pananalakay ng AFP. Nakipagdayalogo ang mamamayan sa mga lokal na gubyerno at militar, kinumpronta ang AFP at idinaos ang mga asembliya ng mamamayan sa baryo para kundenahin at ilantad ang karahasang militar. Lantarang ipinakita ng mamamayan sa baryo na hindi nila kailangan ni tanggap ang AFP dahil nilalabag nito ang kanilang mga karapatan. Nagkaroon ng mga lihim na pagkilos at kampanya upang kausapin at nyutralisahin ang mga magsasaka at kabataan sa baryo na nirerekluta para maging sundalo at elemento ng CAFGU.

Dagdag dito, malaki ang ginampanang papel ng demokratikong kilusan sa mga lunsod at sentrong bayan para sa pagtatanggol sa mga karapatan ng mamamayan sa kanayunan at paglaban sa militarisasyon sa buong rehiyon. Ang mga inilunsad na mga pagkilos sa mga lunsod at nayon sa mga militarisadong prubinsya ay nakapagpapurol sa epekto ng teror sa kanayunan. Isang matingkad na halimbawa ang laban ng mga internal refugee at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang-tao na naging mainit na usaping hindi na maitago o mapagtakpan ng rehimen.

Mga hamon sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa rehiyon

Sinubok ng nakaraang limang taon hindi lamang ang tibay at tatag ng naipundar na lakas ng rebolusyon sa rehiyon. Higit pa rito, sa napakarahas na paraan ay sinubok ng kaaway ang tibay, tatag at lalim ng tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) na isinulong ng rebolusyonaryong kilusan sa nakaraang dekada. Sa tulong ng patuloy na nagniningas na mga simulain ng IDKP, pinangingibabawan ng rehiyon ang mga pagsubok.

Tinatanaw ng Partido sa rehiyon ang makabuluhang pagsulong at pag-igpaw ng kabuuang rebolusyonaryong gawain sa susunod na tatlong taon. Tungo rito, hamon sa rehiyon ang patuloy na pagpapangibabaw sa mga kahinaan at bulnerabilidad sa pamamagitan ng higit na pagbibigay-pansin sa konsolidasyon, pagbaka sa konserbatismo at komprehensibong pagpapalakas sa kakayahan ng Partido sa pamumuno.

1resikada: Pagbawas sa bayad sa kopra batay sa porsyento ng pagkabasa nito
2landfill: Malawak na lugar na gagawing tambakan ng basura

 


Previous articleBack to topNext article

21 Agosto 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Tinatahak ng AFP ang landas ng kabiguan

Matinding korapsyon sa AFP
Ang garapal na pagpatay kay Jessica Chavez
Mga Ulat Koresponsal:
Pananaig ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog
Pagpapaigting ng pampulitikang interbensyon ng US sa bansa:
Paggamit sa prosesong pangkapayapaan

Tumitinding pakikibakang unyon sa SMC
Ka Bert Olalia�dakilang bayani ng uring manggagawa
Matatagumpay na opensiba ng BHB
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.